Tuesday, October 12, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Pilipinong mamamahayag, binati sa pagkapanalo ng Nobel Peace Prize

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 12, 2021): Pilipinong mamamahayag, binati sa pagkapanalo ng Nobel Peace Prize


ANG BAYAN | OCTOBER 12, 2021



Binati ng mga mamamahayag ang unang Pilipinong nakatanggap ng premyong Nobel Peace Prize para sa 2021. Iginawad ang pagkilalang ito noong Oktubre 8 kay Maria Ressa at sa mamamahayag na si Dmitry Muratov ng Russia. Ang Nobel Peace Prize ay burges na institusyon sa Norway.

Ayon sa grupong Altermidya, isang alyansa ng mga alternatibong mamamahayag sa Pilipinas na nagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag, nasaksihan nila kung paano “nanindigan kasama (ng mga mamamahayag) si Maria Ressa sa pakikibaka para sa kalayaaan sa pamamahayag.” Ang Altermidya ay isa sa grupong nangunguna sa Fight Back, isang kampanya para sa pagtatanggol sa mga mamamahayag sa harap ng mga pag-atake sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang pagbibigay ng premyo kay Ressa ay dapat magpatampok sa kalagayan ng mga naninindigan para sa katotohanan laluna sa panahon na inaatake ang mga batayang kalayaan at demokrasya.

Si Ressa ang kauna-unahang Pilipino na tumanggap ng pagkilala mula sa institusyon. Isa siya sa tagapagtatag at kasalukuyang pinuno ng Rappler, isang online news portal na kilala sa mga artikulong kritikal at naglalantad sa korapsyon at sa huwad na “war on drugs” ng rehimeng Duterte. Dahil dito, mainit ang mata ni Duterte kay Ressa at ilang ulit na rin siyang pinagbantaan. Sinampahan si Ressa ng hindi bababa sa pitong kaso ng cyber libel at ilang beses nang nagpyansa.

Ang pag-atake ni Duterte kay Ressa ay bahagi ng tuluy-tuloy na paninindak at panggigipit niya sa masmidya, at nagpapakita ng peligrosong kalagayan ng pamamahayag sa Pilipinas. Sa nakaraang limang taon, 20 mamamahayag ang napaslang. Apat na mamamahayag ang kasalukuyang nakakulong — tatlo sa gawa-gawag mga kasong illegal possesion of firearms and explosives. May 37 naman na libel at cyber libel.

Ayon sa Nobel Peace Committee, ang paggawad sa dalawang mamamahayag ay pagkilala bilang pagkilala sa kanilang mga pagsisikap na “itaguyod at ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag,” dahil ito ay “salalayan para sa demokrasya at pangkamatagalang kapayapaan.” Sa parehong panahon, kinakatawan nila “ang lahat ng mga mamamahayag na naninindigan para sa ideyal na ito sa mundong ang demokrasya at kalayaan sa pamamahayag ay nahaharap sa mahirap na kalagayan.”

Ang Nobel Peace Prize

Ang Nobel Peace Prize ay iginagawad ng isang komite na inihahalal ng parlamento ng Norway. Nagbibigay ng salapi ang Nobel Foundation na itinayo sa ngalan ni Alfred Nobel, isang industriyalista noong katapusan ng siglo 1800, na kilala sa pag-imbento ng dinamita.

Noong 2020, iginawad ang pagkilalang ito sa World Food Program na nakatanggap ng \$1,145,000 bilang premyo. Ibinibigay ito sa mga indibidwal, institusyon o grupo na may “pinakamalaki o pinakamahusay na nagawa sa pagsulong ng pagkakapatiran ng mga bansa, paglansag o pagbawas sa mga nakatayong hukbo, at pagtataguyod ng mga kongresong pangkapayaan.”

Ang pagbibigay ng Nobel Peace Prize ay sumasalamin sa pampulitikang paninindigang ng burgesya sa Europe at ng pagtutulak nito ng kanilang mga konsepto sa pulitika at ekonomya. Hindi miminsan na ibinigay nito ang premyo sa mga taong nakilala sa mga patakarang mapang-api at mapaniil.

Nitong nagdaang mga taon, kabilang sa binigyan ng Nobel Peace Prize si Prime Minister Abiy Ahmed (2019) dahil diumano sa pagbuo ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Ethiopia at Eritrea. Nitong nagdaang taon, ang gubyerno ni Ahmed ay naglunsad ng walang habas na gera at blokeyo sa Tigray region na nagresulta sa matinding kasalatan at kagutuman doon. Noong 2016, ibinigay ang Nobel Peace Prize kay Juan Manuel Santos, noo’y presidente ng Colombia, dahil sa pagtulak ng usapang pangkapayapaan na nagresulta sa pagdidisarma sa rebolusyonaryong grupong FARC, na malao’y nagbigay-daan sa pagpapakawala ng mga “death squad” na kaliwa’t kanang tumarget at pumatay sa mga rebolusyonaryo.

Noong 2008, ibinigay ang premyo sa noo’y bagong halal na presidente ng US na si Barrack Obama. Ilang taon paglipas, makikilala si Obama na sa pagpapalakas ng armadong presensya ng US sa Afghanistan, pagpapabagsak sa gubyerno ni Mohamar Qadaffi sa Libya, pangunguna sa programang asasinasyon at malawakang paggamit ng mga armadong drone sa Pakistan at Afghanistan na nagresulta sa ilampung libong namatay na mga sibilyan.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/pilipinong-mamamahayag-binati-sa-pagkapanalo-ng-nobel-peace-prize/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.