Tuesday, October 12, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Programang imprastruktura kontra mahirap, binatikos ng mga maralita

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 12, 2021): Programang imprastruktura kontra mahirap, binatikos ng mga maralita


ANG BAYAN | OCTOBER 12, 2021



Binatikos ng mga maralitang lungsod ang mga mapang-aping patakaran ng rehimeng Duterte at pagbibigay prayoridad sa mga proyektong pang-imprastruktura ng malalaking kapitalista na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng hindi bababa sa 1.2 milyong maralitang Pilipino ngayong taon.

Ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), tumaas ang bilang ng kakulangan sa tirahan sa bansa mula 5.5 milyon noong 2020 tungong 6.7 milyon ngayong taon. Noong Hulyo 2020, nasa 4.5 milyong Pilipino ang walang tirahan, tatlong milyon dito ay nasa Kamaynilaan.

Nagprotesta ang Kadamay kahapon sa harap ng upisina ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang makiisa sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Nawalan ng Paninirahan. Kinundena nila ang pagtutulak ng ahensya ng kabi-kabilaang demolisyon sa ngalan ng programang “Build, Build, Build”g ng rehimeng Duterte.

Ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, malinaw ang anti-mamamayang prayoridad ng rehimeng Duterte. Sa badyet para sa 2022, umaabot sa ₱1.18 trilyon ang inilaan nito para sa malalaking proyektong imprastruktura tulad ng mga daan, sistema ng tren at iba pa. Ito ay habang ₱6.39 bilyon lamang ang inilaan para sa pabahay.

Ipinag-utos ng rehimen ang suspensyon ng mga demolisyon noong Abril 2020 dahil sa pagragasa ng pandemya. Binawi ito noong nagdaang Marso kahit nananalasa pa rin ang Covid-19 at sa aktwal ay mas lumaganap pa sa sumunod na mga buwan. Tinatayang umaabot sa 50,000 indibidwal sa Metro Manila pa lamang ang mawawalan ng tirahan sa nakaplanong mga demolisyon.

Sa taya ng Commission on Human Rights (CHR), umaabot sa tatlong milyon ang walang tirahan na hindi tumanggap ng ayuda sa nagdaang tatlong lockdown. Marami sa kanila ay mga manggagawang nawalan ng trabaho nang magsara ang kanilang mga pinapasukang kumpanya at napilitang manirahan sa lansangan. Sa kasalukuyan, umaasa lamang sila sa tulong mula sa mga institusyong mapagkawanggawa at organisasyong relihiyoso.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/programang-imprastruktura-kontra-mahirap-binatikos-ng-mga-maralita/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.