Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 11, 2021): Pagluluwag sa dayuhang pagmamay-ari, mapanganib—mga akademiko
ANG BAYAN | OCTOBER 11, 2021
Nagbabala ang pinakamataas ng organisasyon ng mga propesor ng University of the Philippines (UP)-Diliman laban sa mga panukalang pagluluwag sa mga restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari sa mga negosyo, serbisyo at rekursong Pilipino. Ayon sa University Council ang mga batayan at pangako ng mga panukalang ito ay “di reyalistiko” at “labis na pinalaki” o eksaherado. Habang pinapalakpakan ang mga ito ng mga dayuhang negosyante, matagalan at seryoso ang mga risgo na dala nito sa bansa.
Ang University Council ay binubuo ng mga propesor at tauhang akademiko ng UP-Diliman. Ang pahayag nito ay ipinabatid noong Oktubre 8 sa publiko ng UP Center for Integrative Development Studies’ Political Economy Program.
Partikular na tinutulan ng mga akademiko ang sumusunod:
1) pag-amyenda sa Public Service Law o Senate Bill (SB) 2094 na magtatanggal sa telekomunikasyon, transportasyon at iba pa sa listahan ng mga “pampublikong serbisyo” at sa gayon ay magbubukas sa mga ito sa 100% dayuhang pagmamay-ari
2) pag-amyenda sa Foreign Investments Act of 1991 (SB 1156) na magpapahintulot sa ang dayuhang pagmamay-ari sa maliliit at katamtamang-laking negosyo o yaong mga negosyong may kapital na $100,000 (o ₱5 milyon) paitaas.
3) pag-amyenda sa Retail Trade Liberalization Act of 2000 na magpapahintulot sa dayuhang pagmamay-ari sa sektor ng pagtitingi sa pamamagitan ng pagbababa sa minimum na rekisitong puhunan mula $2.5 milyon (₱125 milyon) tungong $1 milyon (₱50 milyon) na lamang.
Ang SBN 2094, ayon sa mga akademiko, ay maaaring magbigay-daan sa mga dayuhan na kontrolin ang telekomunikasyon at pampublikong transportasyon—mga serbisyong esensyal sa takbo ng ekonomya at lipunan. Pangamba ng mga akademiko, maaari “i-hostage” ang mga serbisyong ito ng sinumang dayuhang nagmamay-ari, laluna sa panahon ng mga emergency. Posible ang ganitong senaryo laluna sa panahon na nagriribalan ang malalaking dayuhang kapangyarihan sa larangan ng militar, ekonomya at cyberspace.
Magiging mas mahal din ang mga serbisyong ito dahil mangingibabaw ang pagtitiyak ng tubo kaysa pangangalaga sa pampublikong interes, dagdag pang babala ng mga akademiko.
“Sa ilalim ng SBN 1156 at 1840, itatambad naman sa dayuhang kompetisyon ang maliit at katamtamang-laking negosyo, na bumubuo sa 90% ng pormal na ekonomya, sa panahong winasak ng pandemya ang maraming negosyo,” anila.
Nanawagan ang mga akademiko ng UP sa mga mambabatas na tumindig at palakasin ang kapasidad sa ekonomya ng mamamayang Pilipino imbes na umasa sa dayuhang kapital para ibangon ang ekonomya. Anila, ililimita ng mga panukalang nabanggit ang mga oportunidad sa ekonomya ng mamamayan—kabilang ang mga gradweyt ng unibersidad—kung ang mga ito ay ididikta ng mga interes ng dayuhan.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/pagluluwag-sa-dayuhang-pagmamay-ari-mapanganib-mga-akademiko/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.