Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 20, 2021): Tama Na! Sobra Na! Isakdal ang Rehimeng US-Duterte!
CELIA CORPUZSPOKESPERSON
NDF-CAGAYAN
NDF-CAGAYAN VALLEY
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 20, 2021
Makalipas ang 49 taon, ginugunita ng sambayanang Pilipino ang pagpataw ng diktador na si Ferdinand Marcos ng batas militar kasabay ng pagpapaalingawngaw ng kanilang panawagang isakdal ang rehimeng US-Duterte sa kanyang patong-patong na krimen laban sa mamamayang Pilipino at sangkatauhan.
Hinding-hindi maiwawaglit ng mamamayan ang mga ala-ala ng kabagsikan, karahasan, pagyurak sa karapatang-tao at panggigipit na kanilang naranasan sa panahon ng diktadurang Marcos lalo na’t patuloy pa ring nasasaksihan ng sambayanang Pilipino ang mga katulad na eksena sa war on drugs ng rehimeng US-Duterte at sa katauhan ng mga militaristang upisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Patong-patong na kriminal na pananagutan ang nailalantad habang nalalapit ang pagwawakas ng termino ni Duterte bilang pangulo. Sa kanyang kinakaharap na kasong maramihang pamamaslang (mass murder) bilang krimen laban sa sangkatauhan (crime against humanity) na kasalukuyang nasa imbestigasyon ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC), maraming mga naulilang mga anak, nabalo na asawa at mga kamag-anak ng mga biktima ng walang habas na pamamaslang ang nabuhayan ng loob upang tumindig at igiit na isakdal ang mastermind ng krimeng ito na si Duterte. Dagdag pa sa listahan ng utang na dugo ni Duterte ang mga pinaslang nito na mga peace consultant, lider-magsasaka, aktibista at mga karaniwang mamamayang biktima ng karahasan dulot ng walang pakundangang pambobomba at panganganyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Habang umuugong ang panawagan na isakdal sa krimeng maramihang pamamaslang, sumasambulat sa gitna ng krisis sa pandemya ang katiwalian ng rehimeng US-Duterte. Lalong nagpupuyos sa galit ang sambayanang Pilipino nang kanilang malaman na kumikita ng bilyon-bilyon ang mga alipores at ng mga alipores ng alipores ni Duterte sa maanumalyang transaksyon ng mga ahensya ng gubyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corp. Sa pamamagitan ng dummy na kumpanyang ito na kinakasangkutan ng dating economic adviser ng kasalukuyang rehimen na si Michael Yang at ni Christopher Lao, na alipores ni Bong Go na alipores ni Duterte na naging senador, nagkakahalaga ng P42 bilyon mula sa kaban ng bayan ang ginastos ng rehimeng US-Duterte upang bumili ng overpriced na face masks at iba pang kagamitang pangmedikal.
Inilalantad ng karahasan, kurapsyon at anomalya sa ilalim ng rehimeng US-Duterte ang nagpapatuloy na bulok na sistemang nilabanan ng mga martir ng sambayanan na nabuwal sa madilim na panahon ng batas militar ng diktadurang Marcos. Walang makabuluhang pagkakaiba, bagkus lalo lamang pinabagsik ang pasistang atake sa mamamayan at pinasahol ng kasalukuyang rehimen ang krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan.
Kung may Juan Ponce Enrile at Danding Cojuanco noon si Marcos, may Dennis Uy, Manny Villar, Enrique Razon at Michael Yang ngayon na kroni ni Duterte.
Kung may Fidel Ramos at Fabian Ver noon si Marcos, may mga retiradong heneral sa loob ng junta militar na gabinete ngayon si Duterte na mga militaristang upisyal.
Kung may batas militar noon si Marcos na nanggipit sa demokratikong karapatan ng sambayanang Pilipino, sa ilalim ni Dutere may war-on-drugs, NTF-ELCAC, IATF at batas militar sa Mindanao na naghasik ng karahasan na pumaslang sa higit 30,000 mamamayan at milyon-milyong biktima ng paglabag sa karapatang-tao.
Kung may pasistang diktador na Marcos noon, may tiraniko at uhaw-sa-dugong kriminal na Duterte ngayon na kapwa epektibong rekruter ng Pulang mandirigma ng New People’s Army (NPA).
Tulad ng rehimeng Marcos, bigo ang rehimeng Duterte sa ilusyon nitong pulbusin ang NPA. Hangga’t nangangayupapa sa tigreng papel na imperyalistang US ang reaksyunaryong gubyerno, pasistang atake laban sa mamamayan ang natatanging kakayahan ng reaksyunaryong AFP sa pagpapatupad nito ng iba’t ibang kontra-insurhensiyang programa. Pinapahusay lamang ng AFP ang mga estratehiya, taktika at mga modernong kagamitang pandigma nito upang hadlangan ang rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan na kamtin ang tunay na pambansang kasarinlan at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino.
Wala nang ibang panahon upang igpawan ang takot, pahigpitin ang pagkakaisa at sama-samang kumilos upang biguin ang rehimeng US-Duterte sa tangka nitong takasan ang kanyang kriminal na pananagutan sa pamamagitan ng pagpapanatili nito sa poder. Pagtakas mula sa napipintong imbestigasyon at pagkakasakdal ang pagkakapit-tuko ni Duterte sa poder at pagtakbo nito sa nalalapit na eleksyon bilang bise-presidente.
Tama na! Sobra na! Hindi na hahahayan pa ng sambayanang Pilipino na manatili sa poder ang kriminal, tiraniko at kurap na rehimeng US-Duterte na naghasik ng terorismo ng estado.
WAKASAN ANG KURAP, KRIMINAL AT TIRANIKONG REHIMENG US-DUTERTE!
ISULONG ANG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG REBOLUSYON!
https://cpp.ph/statements/tama-na-sobra-na-isakdal-ang-rehimeng-us-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.