Sunday, April 11, 2021

CPP/NDF-KM-Southern Mindanao: Pinagpapatuloy ng Kabataang Makabayan ang magiting na paglaban sa pasismo at tiraniya

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 9, 2021): Pinagpapatuloy ng Kabataang Makabayan ang magiting na paglaban sa pasismo at tiraniya

KARINA MAGTANGGOL
SPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN-SOUTHERN MINDANAO
NDF-SOUTHERN MINDANAO
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

APRIL 09, 2021



Isang rebolusyonaryong pagsaludo ngayong Araw ng Kagitingan mula sa Kabataang Makabayan, rehiyon ng Southern Mindanao, para sa magigiting na kabataang hukbo ng masang pinagsasamantalahan. Patuloy ang paglaban ng mga kabataan sa diktador at pahirap na rehimeng US-Duterte.

Mula noon hanggang ngayon, patuloy na ipinapakita ng mga makabayang kabataan ang katapangan sa walang humpay na paniningil sa naghaharing uri, lalung-lalo na sa pagtindig at pagharap sa walang-habas na terorismo ng rehimeng Duterte sa mamamayang Pilipino.

Sa paniniil at pasismo ni Duterte sa mamamayan, umabot na ng animnapu’t isang (61) abogado, dalawang daan at walumpu’t walo (288) na mga magsasaka at mangingisda, tatlong daan at labing walong (318) aktibista at progresibong indibidwal, labing siyam (19) na mamahayag, at isang daan at dalawampu’t dalawang (122) mga bata ang napaslang sa limang taong tiraniya ng rehimen.

Sa kabila ng tumitinding crackdown at pamamaslang sa mga kabataan, hinding-hindi natitinag ang makabayang kabataan sa pagsingil kay Duterte sa bawat utang na dugo ng kanyang administrasyon. Lumalago at dumarami ang hanay ng mga makabayang kabataang mulat at nagmumulat ng mas marami pa. Ipinamamalas nila ang malikhaing mga paraan upang itambol ang mga panawagan ng mamamayan.

Sa kanayunan, ang mga kabataang kasapi ng New People’s Army (NPA) ay buong giting na hinaharap ang mga sakripisyo sa buhay-at-kamatayang pakikibaka habang mahigpit na pinanghahawakan ang linyang pampulitika ng demokratikong rebolusyong bayan. Gaya ng animnapung libong (60,000) Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay sa araw na ito 79 taon ang nakalilipas upang manindigan laban sa mananakop na mga Hapones, ang mga miyembro ng NPA ay magiting na tinahak ang landas ng armadong pakikibaka upang makamit ang tunay na kalayaan tungo sa isang lipunang may pagkakapantay-pantay. Hindi kailanman malilimutan ang mga rebolusyonaryong martir mula sa hanay ng kabataan at mga estudyante na tinahak ang landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ngayong Araw ng Kagitingan, binibigyan natin ng pinakamataas na pagsaludo ang mga ‘di tanyag na mga bayaning patuloy na nakikibaka para wasakin ang sistemang mapagsamantala. Sa panahon ng tiraniya ng asong-ulol na si Duterte na sunud-sunuran sa interes ng imperyalistang US at China, huwaran at inspirasyon ng kabataan ang mga martir ng Bataan Death March ng 1942 sa pakikibaka para sa katarungan at pagsulong ng digmang bayan hanggang tagumpay.

MABUHAY ANG KABATAANG MAKABAYAN!
MABUHAY ANG MASANG API! ISULONG ANG REBOLUSYON NG MAMAMAYAN! PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN!

https://cpp.ph/statements/pinagpapatuloy-ng-kabataang-makabayan-ang-magiting-na-paglaban-sa-pasismo-at-tiraniya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.