Posted to Kalinaw News (Apr 9, 2021): Dating NPA na sangkot sa illlegal na droga patay, matataas na kalibre ng baril nasamsam
Camp Jorge Downes, Ormoc City – Abril 8, 2021, ika-5:50 ng umaga, sa pangunguna ng pwersa ng kapulisan na binubuo ng Philippine National Police Regional Special Operations Group-8 (PNP RSOG-8) at Philippine Drug Enforcement Agency-8 (PDEA-8) at sinuportahan ng inyong kasundaluhan mula sa 802nd Infantry (Peerless) Brigade at 93rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Battalion ay tumugon sa impormasyon at naglunsad ng isang operasyon sa Sitio Mahayahay, Brgy Anislagan, Calubian, Leyte upang ihain ang Warrant of Arrest kay Marlon S. Mendoza sa kasong Frustrated Murder (Criminal Case Nr. CV-19-914).
Si Mendoza ay kabilang sa mga notoryus na tauhan ni Nicolas P. Ibañez alyas Botoy, isang dating NPA na napabalitang bumuo ng grupo na sangkot sa gun-for-hire at paggamit at pagtutulak ng iligal na droga. Ang pinuno nilang si alyas Botoy ay may direktang kaugnayan kay Juanito Silleza Jr. alyas Tibor na isang lider at kumander ng teroristang CPP-NPA na kumikilos sa probinsiya ng Leyte. Samantalang si Mendoza naman ay kasapi ng kanilang grupo na kasalukuyang nagtatago sa batas dahil sa kasong kanyang kinakaharap.
Unang pinaputukan ng grupo nina Ibañez at Mendoza ang pwersa ng pamahalaan na siyang dahilan upang sumiklab ang limang minutong palitan ng putok. Matapos ang putukan, natagpuan ang walang buhay na katawan ng isang lalaki na sa kalaunan ay nakilalang si Nicolas P. Ibañez alyas Botoy, samantalang nakatakas naman si Mendoza kasama ang iba pang miyembro ng kanilang grupo. Nasamsam sa lugar ang mga sumusunod- isang pakete ng pinaghihinalaang Shabu; isang (1) Caliber .45 Pistol; isang (1) AK-47 Rifle; isang (1) M16 Rifle; isang (1) M653 Rifle (Baby Armalite); at sari-saring magasin at mga bala.
Samantala, wala namang nasaktan sa panig ng pamahalaan. Ayon kay Brigadier General Zosimo A. Oliveros, Commander ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade, “Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay na ang mga teroristang CPP-NPA-NDF ay may kaugnayan sa mga kriminal na naghahatid ng takot sa mamamayan at sindikato ng droga na sumisira sa kinabukasan ng ating mga kabataan. Ito ay isang indikasyon na ang grupong CPP-NPA-NDF ay naghihirap na sa kanayunan sa kadahilanang wala na ang suporta galing sa mga mamamayan. Ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga grupong kriminal ay isang pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at maipagpatuloy ang gawaing naglalayong sirain ang ating pamahalaan”.
Dagdag pa ni Brigadier General Oliveros, “Ang pagtutulungan ng kapulisan at kasundaluhan ay napakahalaga sa pagganap ng tungkuling protektahan ang ating mga kababayan sa anumang grupong nagbabanta sa kanilang seguridad at kaligtasan. Ako’y nagpapasalamat sa ating mga kababayang nagmamalasakit at nagbigay ng napapanahong impormasyon na naging susi sa tagumpay ng ating operasyon. Ang 802nd Infantry Brigade ay nananatiling katuwang ng ating mga alagad ng batas na siyang pangunahing nagpapatupad sa kampanya hinggil sa pagsugpo sa paglaganap ng ipinagbabawal na gamot at iba pang uri ng krimen. Ang suporta ng mga mamamayan ay malaking tulong sa pagpapanatili ng katahimikan, kapayapaan at kaunlaran sa mga probinsyang ating nasasakupan sa Leyte, Southern Leyte at Biliran.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/dating-npa-na-sangkot-sa-illlegal-na-droga-patay-matataas-na-kalibre-ng-baril-nasamsam/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.