Wednesday, March 31, 2021

Tagalog News: KADRE- Palawan, kinondena ang patuloy na armadong pakikibaka ng NPA

Posted to the Philippine Information Agency (Mar 31, 2021): Tagalog News: KADRE- Palawan, kinondena ang patuloy na armadong pakikibaka ng NPA (By Leila B. Dagot)


Larawan mula sa Palawan Task Force ELCAC

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 31, (PIA) -- Nagpahayag ng pagkondena ang Kapatiran ng mga dating Rebelde sa Palawan (KADRE-Palawan) sa pagpapatuloy pang armadong pakikibaka ng grupong New People’s Army (NPA) laban sa pamahalaan.

Kasabay ng ika-52 anibersaryo ng NPA, pinangunahan ni Ka- Jerwin Castigador, Sr., presidente ng KADRE sa lalawigan ang pagpunit at pagpira-piraso sa mga papel na naglalaman ng larawan na sumisimbolo sa kilusan.

Sa isang programa, sinabi ni Castigador, na sa ngayon ay wala nang batayan ang mga ipinaglalaban ng CPP-NPA sapagkat sa ngayon ay wala na sa katuwiran ang mga ito at malaki na ang ipinagbago ng gobyerno, kung ikukumpara sa hinaing ng kilusan noong mga nakalipas na panahon.

“Wala nang batayan pa na magsulong ng armadong pakikibaka sa kasalukuyang panahon, pangalawa, nakalikha sya ng malaking pagkakamali at kasalanan sa pamayanan…nakalikha sya ng pagkawasak ng lipunan, pahayag ni Castigador.

Kaugnay nito, binigyang-diin din ni Ka Allan, dating pinuno ng NPA sa Palawan sa ilalim ng Bienvenido Valleber Command na bumagsak na ang puwersa ng dating pinamumunuang rebeldeng grupo sapagkat kung mapapansin aniya na wala nang gaanong aktibidad ang mga ito sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.

“Hindi apektado ng pandemya ang kilusan, kaya naniniwala ako na hindi ang pandemya ang dahilan kung bakit tahimik sila ngayon kundi bumagsak na talaga ang puwersa ng NPA dito sa Palawan,” ani Ka Allan.

“Bakit pa sila magdidiwang, magtatagumpay lang ito kung susuportahan sila ng mga tao, pero ngayon sinusuka na sila ng mga tao, ayaw na ng mga tao sa karahasan, kaya para sa akin, wala na silang dapat ipagdiwang, hindi na nila maipakita na ang suporta ng mga tao ay nananatili oa sa kanla,” dagdag pa niya.

Sa opisyal na pahayag ng KADRE-Palawan na inilahad ni Castigador na wakasan na ang 52 taong pakikibaka ng NPA upang mabigyan aniya ng hustisya ang mga nagbuwis ng buhay at naapektuhan ng matagal nang gawain ng grupo.

Kasabay nito nanawagan din si Castigador sa mga dating kasamahan na bumaba na at magbalik-loob sa gobyerno, sapagkat sa ngayon ay nais din nilang iparanas sa kanilang mga dating kasamahang aktibo pa sa kilusan kung ano ang kanilang mga tinatamasang oportunidad na ipinagkakaloob ng gobyerno. (LBD/PIAMIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1071190

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.