Monday, October 12, 2020

Kalinaw News: Miyembro ng MB sa San Mariano, Isabela nagbalik-loob

 Posted to Kalinaw News (Oct 11, 2020): Miyembro ng MB sa San Mariano, Isabela nagbalik-loob

Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela- Nagbalik loob sa gobyerno ang isang miyembro ng Milisyang Bayan dala ang kanyang M16, magazine at mga bala sa Sitio Rutong, Barangay Gangalan, San Mariano, Isabela.

Ayon sa sumukong si alyas Dalisay, ibang-iba na ang kanilang sitwasyon sa kasalukuyan mula ng mawala ang impluwensya ng NPA sa kanilang lugar. Siya mismo ang nakaranas sa tunay na pagbabago ng kanilang pamumuhay sa pagdating ng mga serbisyo at programa ng pamahalaan. Isa ito sa mga nagmulat sa kanya upang sumuko sa mga kasundaluhan. Pagbabahagi pa niya na ang kanyang mga isinukong gamit ay ipinagkatiwala sa kanya ng isang alyas Amar, kumander ng NPA noong taong 2013 bilang kanyang armas.

Dagdag pa ni alyas Dalisay na hindi naaayon sa kanyang kagustuhan ang pamumuhay na mayroon siya bilang miyembro ng Milisyang Bayan. Aniya, wala naman silang naranasang pagbabago tulad ng pangako sa kanila ng kilusan. Laking pasasalamat niya sa kasundaluhang tumulong sa kanya upang magbagong buhay.

Malaki rin ang naging papel ng isa sa mga nauna ng sumuko sa gobyerno upang hikayatin siyang magbalik loob. Salungat sa sinasabi ng mga NPA, walang katotohanan na sila ay pahihirapan at papatayin ng sundalo kapag sila ay sumuko.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kasundaluhan si Dalisay at ang kanyang isinukong mga gamit pandigma para sa tamang disposisyon.

Nagpahayag naman si BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ng kanyang pasasalamat sa tiwala ni alyas Dalisay sa gobyerno lalo na sa kasundaluhan at sa kanyang kasamahan na naghikayat sa kanyang sumuko at magbagong buhay.

Umapela rin si BGen Mina sa mga nauna ng sumuko na tulungan ang kanilang mga dating kasamahan na magbalik loob sa pamahalaan. “Kinakailangan ang tulong ng bawat isa upang matuldukan na ang insurhensiya sa ating bayan. Tiyakin nating matatamasa ang tunay na kapayapaan at kasaganaang nararapat sa bawat isa.”



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/miyembro-ng-mb-sa-san-mariano-isabela-nagbalik-loob/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.