Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 11, 2020): Planong di-pagbibigay ng 13th month pay sa manggagawang Pilipino, regalo ng rehimeng US-Duterte sa Pasko!
FORTUNATO MAGTANGGOLSPOKESPERSON
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS-SOUTHERN TAGALOG
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
OCTOBER 11, 2020
Kasama ng buong hanay ng mga manggagawa, mariing kinokondena ng Revolutionary Council for Trade Union (RCTU-NDF-ST) ang hindi makataong balakin ni Sec. Bello na ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ng mga manggagawa. Muli na namang ipinakita ng rehimeng US-Duterte ang kanyang kawalang-awa at kawalang-interes na resolbahin ang matinding kahirapan at kagutumang nararanasan ng mga manggagawa at kanilang pamilya dahil sa pagkitil ng militaristang lockdown ng kanilang kabuhayan at pinagmumulan ng kita.
Malinaw ang nakasaad sa Presidential Decree No. 851 na obligadong ibigay ang 13th month pay, na katumbas ng isang buwang average na sweldo ng mga manggagawa, bago o sa mismong ika-24 ng Disyembre kada taon. Sa ginawang pagbaluktot ng DOLE sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, nilagyan nila ito ng probisyong makaisang panig at maka-kapitalista. Upang insultuhin pa ang mga manggagawa, binigyang-katwiran pa ni Bello ang pagkakait ng benepisyong ito ng “lahat ng kumpanyang in distress”.
Hindi katanggap-tanggap ang balakin ito ng gobyernong Duterte! Sa minimum ay mahigit sa 2 milyong manggagawa na katumbas na rin ng 2 milyong pamilya ang hindi mabibigyan ng 13th month pay na lubhang magpapahirap sa kanila ngayong darating na kapaskuhan. Ito na lamang ang inaasahan ng mga manggagawa na pandagdag gastusin nila sa darating na Pasko. Karamihan ay inaasahan ang 13th month pay para makapagbayad ng utang at ibang mga pangangailangang hindi nila mabili sa panahon ng lockdown.
Sa panahong sadsad ang kabuhayan ng manggagawa at kanilang pamilya, sa halip na magbigay ng ayuda, ini-advance ang 13th month pay na obligasyon talaga ng kompanya sa manggagawa at pinalabas na siya nang tulong sa naghihirap na manggagawa gayong sa kanila talaga ito.
Kulang na kulang na nga ang sweldo, wala pang 13th month pay at nasa araw-araw pa ring panganib na makakuha ng Covid-19. Ito ang regalo ni Rodrigo Duterte sa mga manggagawang Pilipino sa darating na Pasko. Kitang-kita ang pagtataingang-kawali ng rehimeng US-Duterte sa mga manggagawa habang buong-buo namang pinakikinggan ang mga kapitalista.
Habang pinahihirapan ni Duterte ang mga manggagawa, napakaraming benepisyo naman at ayuda ang ibinibigay nito sa mga kapitalista, gaya ng pagkaka-apruba ng P165.5 bilyong stimulus package sa Bayanihan to Recover as One Act para sa mga kumpanyang naapektuhan umano ng pandemya.
Nakakahiya ang pagkasiba ng gobyernong Duterte, dahil kung may planong alisan ng bonus ang mga manggagawa, sa kongreso naman ay nagpapamudmod ng tig-P2 milyong pabaon kada kongresista para lamang sa kanilang 2 linggong bakasyon at suhol para maaprubahan agad-agad ang P4.3 trilyong 2021 national budget na ang pangunahing laman ay bilyon-bilyong pondo para sa pork barrel at pasismo.
Sa Timog Katagalugan, lugmok na lugmok na sa kahirapan at kagutuman ang mga manggagawa. Halos 3 taon nang walang umento sa sahod sa rehimen ni Duterte, at ang pinakahuling dagdag sahod sa rehiyon ay ang natira pang partial na umento sa panahon ni Noynoy Aquino. Kaya naman ilang taon na ring nagtitiis ang mga manggagawa sa kawalan ng dagdag sahod sa rehiyon, na nakaranas ng sunod-sunod na matitinding kalamidad gaya ng pagputok ng bulkang Taal, pandemyang Covid-19 at militaristang lockdown na lalong nagpalala sa dati ng kalunos-lunos na kalagayan ng mga manggagawa at maralita sa rehiyon.
Ang kasalukuyang P373.00 minimum na pasahod ay hinding-hindi nakasasapat sa pang-araw-araw na batayang pangangailangan ng isang pamilya. Lumiliit pa ang halaga nito dahil sa epekto ng implasyon sa unang 8 buwan ng taong 2020 o sobra-sobrang pagsirit pataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at yutilidad gaya ng pagtaas ng bayarin sa kuryente ngayong buwan ng Oktubre.
Sa kabilang banda, hindi pa rin bumabalik sa normal ang pagpasok ng mga manggagawa sa kanilang mga pagawaan kaya kulang-kulang pa rin ang kanilang sinasahod. Kalakhan pa rin ay nasa moda ng rotasyon at pagbabawas ng pumapasok dahil sa pananatili ng Cavite, Laguna, Rizal at Quezon sa MGCQ, habang nanatili sa GCQ ang probinsya ng Batangas. Malaki din ang kabawasan sa kinikita ng mga manggagawang pumapasok sa kasalukuyan dahil sa pagtaas ng pamasahe sa pampublikong transportasyon, na kumakain din ng malaking porsyento sa maliit na ngang sinasahod ng mga manggagawa.
Sasamantalahin ng mga ganid na kapitalista ang pahayag na ito ng DOLE, at isang imbing pakana at pagbalasubas pa rin sa itinatadhana ng batas. Tusong ipinagsisiksikan ng mga kapitalista ang kanilang mga sarili sa mga maliliit na empresa at SMEs na siyang tunay na kumaharap ng pagkalubog ng kanilang hanapbuhay dahil sa militarisang lockdown.
Dapat nating ubos-lakas na salubungin ng sama-samang aksyon ng mga manggagawa ang panibagong anti-manggagawang pakana na ito ng sabwatang rehimeng US-Duterte at mga kapitalista. Ang planong patawag na konsultasyon sa Lunes ni DOLE Sec. Bello sa hanay ng mga kapitalista at labor group ay isang imbeng hakbangin upang ipinal ang kanilang anti-manggagawang balakin na huwag ibigay ang 13th month ng mga manggagawa ngayong taon.
Sa gagawing konsultasyon, posible din nilang isingit dito ang matagal nang inihihirit ng mga kapitalista na bigyan ng legal na batayan ang ginagawa nilang hindi papasukin sa loob ng 6 na buwan ang mga mangggagawa na ni walang kumpensasyong sweldo o allowances dahil daw sa epekto ng pandemya. Malinaw na ang lahat ay pag-iwas sa responsibilidad nito sa mga manggagawa at pag-iwas sa pagbibigay ng karampatang benepisyo kahit nakasaad pa ito sa batas, kanilang kontrata o maging sa anumang kasunduan sa CBA.
Kinakailangang lumaban at makibaka ang mga manggagawa at maralita para sa kanilang kagalingan at interes, hinding-hindi ito ibibigay ng isang rehimeng pabaya at inutil na walang nasa isip kundi pansariling interes at malawakang pandarambong. Nananawagan ang RCTU-NDF-ST sa lahat ng mga manggagawa at iba pang mga makabayang Pilipino na patuloy na maging mulat at aktibong makibaka.
Makatwiran ang paghihimagsik laban sa rehimen ni Duterte! Manggagawa at maralita, ubos kayang kumilos para patalsikin hanggang sa mapabagsak ang inutil, pahirap, mandarambong at teranikong rehimeng US-Duterte!
13TH MONTH PAY, IBIGAY SA MGA MANGGAGAWA!
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!
https://cpp.ph/statements/planong-di-pagbibigay-ng-13th-month-pay-sa-manggagawang-pilipino-regalo-ng-rehimeng-us-duterte-sa-pasko/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.