Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 12, 2020): Deklarasyong Persona Non Grata Laban sa CPP-NPA-NDF, Isa sa mga Motibo ng Militar sa Pagpatay sa Dalawang Barangay Officials ng Batbat
FLORANTE OROBIA
SPOKESPERSON
NPA-ALBAY (SANTOS BINAMERA COMMAND) | BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND) | NEW PEOPLE'S ARMYOCTOBER 12, 2020
Malinaw ang motibo ng militar sa pagpatay kina Punong Brgy. Luzviminda Dayandante at Ingat-yaman Albert Orlina ng Brgy. Batbat, Guinobatan: pwersahin ang iba pang mga LGU officials sa Albay, mula barangay hanggang antas munisipyo na gumawa ng resolusyong nagdedeklara sa CPP-NPA-NDF bilang persona non grata (PNG). Ito ay sang-ayon sa atas ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Layunin ng mga deklarasyong persona non grata na suportahan ang desperadong hakbangin ng rehimeng US-Duterte na ideklara ng United Nations na terorista ang rebolusyonaryong kilusan. Ito ay upang gawing lehitimo ang gerang mapanupil ng rehimeng US-Duterte na nakatuon sa pagtugis at teroristang pandarahas sa mga kritiko, progresibo at masang lumalaban. Sinusuhayan ng mga deklarasyong ito ang kawalang pananagutan ng rehimen sa patung-patong ng kaso ng pang-aabuso’t paglabag sa karapatang idinulot nito. Ilang araw matapos patayin sina Orlina at Dayandante, tahasang tinuligsa ni Duterte ang konsepto ng karapatang tao sa harap ng UN General Assembly, tulad ng kung papaanong itinanggi ng 49th IB ang kanilang krimen.
Kaya matapos ang pagpaslang ng 49th IB kina Kapitana at tesorero ng Brgy. Batbat, sapilitang pag-atas naman ang isinunod ng 49th IB sa mga konseho ng barangay na gumawa ng mga resolusyong nagdedeklarang PNG sa CPP-NPA. Noong Oktubre 12, sinimulan ng Department of Interior and Local Government na pulungin ang mga baryong saklaw ng RCSP at inaasahan isa sa mga adyenda ay ang pagpapagawa ng mga resolusyong PNG. Kung ‘di man kagyat na makatugon, inobliga silang pangunahan ang mga kontra-NPA na rally. Nagresulta ang naturang mga kaganapan sa pwersahang pag-resign ng ilang mga kagawad at pag-appoint ng Guinobatan LGU at DILG ng ipapalit sa mga nabakanteng pusisyon. Bago nito, nagdaos ng pulong ang RTF-ELCAC at bahagi ng kanilang adyenda ay ang paghabol sa inaabot ng pagpapatupad ng EO 70 sa rehiyon sa harap ng papalaking badyet ng ELCAC sa taong 2021.
Subalit wala nang saysay ang pakanang persona non grata at iba pang tangka ni Duterte na pagtakpan ang kanyang pasistang krimen. Itinambol lamang ng pagpatay kina Dayandante at Orlina ang lumalawak na pagkundena ng internasyunal na komunidad sa malaganap na kampanya ng pagpatay at pag-abuso sa karapatan kahit pa sa gitna ng pandemya.
Si Duterte, at ang AFP at PNP ang tunay na itinatakwil at itinuturing ng taumbayan na persona non grata. Nananawagan ang Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan Albay sa mamamayang Albayano na palakasin pa ang paglantad, pagpapanagot at sigaw ng pagpapatalsik sa numero unong mamamatay-tao at human rights violator na si Duterte.
https://cpp.ph/statements/deklarasyong-persona-non-grata-laban-sa-cpp-npa-ndf-isa-sa-mga-motibo-ng-militar-sa-pagpatay-sa-dalawang-barangay-officials-ng-batbat/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.