Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 12, 2020): Panawagan sa LGU Officials ng Albay: Manindigan sa Inyong Sibilyang Otoridad! Tutulan ang Militarisasyon ng Inyong mga Komunidad!
FLORANTE OROBIASPOKESPERSON
NPA-ALBAY
SANTOS BINAMERA COMMAND
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
ROMULO JALLORES COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
OCTOBER 12, 2020
Malawakang panggigipit, karahasan at pagpatay ang dinaranas ngayon ng mga LGU officials, hindi lang sa Albay kundi sa buong bansa, partikular ang mga nasa antas barangay sa ilalim ng EO 70 at Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC). Layunin nitong payukurin ang mga sibilyang upisyal upang maging mga kasangkapan sa ganap na pagpapatupad ng hindi deklarado subalit walang taning na batas militar sa buong bansa sa ilalim ng EO 70.
Malinaw ang motibo ng militar sa pagpatay sa punong barangay at ingat-yaman ng Brgy. Batbat, Guinobatan na sina Luzviminda Dayandante at Albert Orlina: pwersahin ang iba pang mga barangay at LGU officials na magpasa ng mga resolusyong nagdedeklara sa CPP-NPA-NDF bilang mga persona non grata. Hindi pa nakuntento, tinakot at pinuwersa pa ng 49th IB ang mga kasamahang upisyal nina Dayandante at Orlina, maging ang barangay council sa katabing baryo na Balite na pangunahan ang pagsasagawa ng kontra-NPA na mga rally. Pinahahawak ng militar ang mga taumbaryo ng mga plakard at istrimer matapos silang pwersahang tipunin para sa “information drive hinggil sa Anti-terror Law, E-clip, EO 70, RTF-ELCAC at RCSP”.
Noong Oktubre 8, tinukoy na ang isa sa tatlong sibilyang pinatay ng militar sa nangyaring gawa-gawang engkwentro sa Sityo Kaunlaran, Brgy. Alas, bayan ng Mandaon, Masbate. Si Judy Barroga, na pinalalabas ng kaaway bilang isa umanong NPA, ay isang sibilyan at isang barangay kagawad. Bago nito, naitala ang hindi iilang kaso ng pamamaslang sa mga barangay official tulad ng nangyaring masaker kina Edgar Minggoy (Brgy. Tanod ng Brgy. Bagacay, Mobo), Rolly dela Cruz, Marlon Rojas (kapwa sibilyang upisyal ng Brgy. Mapili, Balud) noong Hulyo 5 sa Masbate.
Sa EO 70 at RTF-ELCAC at kawangis na Task Force-COVID 19, nasa ilalim ng kumand at kontrol ng militar ang mga sibilyang upisyal. Hindi lingid sa mga LGU officials ang panganib na hatid ng batas militar na kaayusang ito sa kanilang sibilyang otoridad. Masahol, sa ilalim ni Duterte, ang mga sibilyang upisyal at ang ilusyon ng kanilang otoridad ang isinangkalan para mailusot ang di-deklarado subalit walang taning na Martial Law. Nagawa niyang pairalin ang batas militar nang may ilusyong sibilyan pa rin ang nagpapatakbo ng burukrasya sa pamamagitan ng EO 70 at militaristang Whole of Nation Approach (WoNA).
Lapastangang isinasagawa ang operasyong militar na Retooled Community Support Program (RCSP) sa mga komunidad nang walang paghingi ng pahintulot sa LGU. Pinanghihimasukan ng militar ang mga barangay council meetings, barangay assemblies at iba pang sibilyang aktibidad tulad ng pamimigay ng amelioration at 4Ps. Pinipilit din silang sumama sa mga operasyong militar at gamitin bilang mapanupil na instrumento laban mismo sa taumbaryong kanilang pinaglilingkuran. Masahol, sagutin pa ng LGU ang mga mararahas na operasyon ng militar at mga kaakibat pa nitong gastusin tulad ng pagkain at bisyo.
Sinumang sumuway ay aalisin sa puwesto o kaya ay papatayin. Hindi na nakapagtataka ang pagRed-tag, hangal na akusasyong NPA ang mga nahalal na upisyal at iba pang mga paratang—sa paanong desperadong pamamaraan pa ba mabibigyang-matwid ng militar ang kanilang tuwirang pagkontrol sa sibilyang gubyerno?
Ngayong ipinagdiriwang ang Local Government Month, patuloy ang panawagan ng masang Albayano sa kanilang mga hinalal na LGU officials: nasa inyong poder at nasa inyong mandato bilang mga sibilyang upisyal na tutulan ang militarisasyon. Inuudyok kayo ng mismong punong upisyal na si Duterte na talikuran ang inyong katapatan sa mamamayang sumumpa kayong paglilingkuran at maging mga aktibong instrumento ng kanyang pasistang gera. Subalit, ngayon, higit kailanman, inaasahan ng mamamayan ang inyong pagpanig at paglahok sa kanilang laban. Nailuklok kayo sa inyong mga pusisyon bunga ng katiting pang demokrasyang patuloy na ipinaglalaban ng inyong mga pinagsisilbihang mamamayan at kinailangan ng karamihan sa kanila na humawak ng armas para patuloy niyo itong matamasa. Nawa’y maging inspirasyon ninyo sina Kapt. Dayandante, Treas. Orlina at iba pang tulad nilang hanggang sa huli’y pinatunayan ang katapatan sa kanilang pinagsisilbihang mamamayan.
https://cpp.ph/statements/panawagan-sa-lgu-officials-ng-albay-manindigan-sa-inyong-sibilyang-otoridad-tutulan-ang-militarisasyon-ng-inyong-mga-komunidad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.