ANG BAYAN
AUGUST 07, 2020
Muling nagtipon sa University of the Philippines (UP) Diliman, Quezon City ang mga pambansa-demokratikong organisasyon, tradisyunal na oposisyon at iba pang mga grupo at indibidwal noong Hulyo 21. Ito ay sa kabila ng pagbabawal ni Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government na maglunsad ng rali sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Rodrigo Duterte. Ginamit ni Año ang kwarantina para ipagbawal ang pagtitipon at sikilin ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng disgusto sa inutil, korap, papet at pasistang rehimen.
Pinangunahan ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga organisasyon nito. Nilahukan ito ng iba’t ibang sektoral na grupo sa ilalim ng banderang “SONAgkaisa.” Dumalo sa rali ang mga manggagawa sa kalusugan na nakasuot ng personal protective gear, mga titser, taong simbahan, kabataan at estudyante, syentista, abugado, manggagawa, magsasaka, mamamalakaya, maralitang lunsod at iba pa. Imbes na sa Batasan Pambansa, nagmartsa ang mga kinatawan ng blokeng Makabayan, suot-suot ang mga espesyal na damit na naglalaman ng mga panawagan laban sa Anti-Terror Law, para sa ligtas at de kalidad na edukasyon at iba pa. Mula sa kanilang istasyon sa Mother Ignacia St, bumyahe ang mga manggagawa ng ABS-CBN tungong UP. Sa taya ng Bayan, umabot sa 8,000 ang dumalo sa pagtitipon na ginanap mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Sa Tondo, Maynila, raling iglap ang inilunsad ng ilang kabataan at drayber para makaiwas sa pang-aaresto. Dumiretso naman sa Quiapo Church ang ibang raliyista para magsimba. Doon, walang kaabug-abog na hinablot ng mga pulis ang dala-dala nilang mga plakard habang nagaganap ang misa.
Sa hapon, inilunsad ang isang konsyertong online ng mga batikang manganganta na tinawag na “Tinig ng Bayan.” Dito, nagkaroon ng sabayang pagkanta ng “Di Nyo Ba Naririnig?” na kinatampukan nina Angel Locsin at iba pang kilalang mga artista. Isa ring music video ng kantang “Rage” (Galit) ng bandang The Jerks, na nilahukan nina Martin Nievera at iba pa, ang ipinalabas sa Facebook.
Sa Cagayan Valley, kinalembang ang mga kampana sa mga simbahang Katoliko bilang pakikiisa sa mga protesta sa Isabela at Tuguegarao. Sinabayan din ng pagkalembang ng kampana ng mga simbahang Katoliko ang protesta ng mga pambansa-demokratikong grupo sa Baguio City.
Sa Bicol, nagkaroon ng mga rali sa Legazpi City, Albay, Naga City at Catanduanes. Sa Davao City, arbitraryong pinigilan ng mga pulis ang una sanang pagtitipon sa Freedom Park sa ilalim ng lockdown sa pamamagitan ng paghingi ng “pass” sa mga nagsidalo, kahit pa hindi ito rekisito. Itinuloy na lamang ng mga raliyista ang pagkilos sa harap ng upisina ng Kilusang Mayo Uno sa syudad.
Nagkaroon din ng pagkilos sa Laguna, Cavite, Pampanga, Tarlac, Iloilo, Capiz, Aklan, Dumaguete, Kabankalan, Bacolod, Cebu at Ozamis.
Sa US, naglabas ng pinag-isang pahayag at nagsagawa ng mga pagkilos ang mga balangay ng Bayan sa New York, New Jersey, Philadelphia, Washington D.C., Chicago, Seattle, Portland, San Francisco-Bay Area, Los Angeles at Hawaii. Sa San Francisco, nagkaraban ang 80 sasakyan at dumalo ang 300 katao sa pagtitipong tinawag na Northern California State of the Nation Address. Ipinanawagan nila ang pagpapatalsik kay Duterte. Sa Washington DC, isang rali din ang inilunsad sa Howard University Hospital tungong Philippine Embassy.
Naglunsad din ng katulad na protesta sa Canada. Nagrali naman ang Anakbayan-France malapit sa Eiffel Tower ng Paris.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.