Friday, August 7, 2020

CPP/Ang Bayan: 141 aktibista, inaresto sa araw ng SONA

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 7, 2020): 141 aktibista, inaresto sa araw ng SONA

ANG BAYAN
AUGUST 07, 2020

Sa ulat ng mga organisasyong masa, umabot sa 141 na nasa rali o papunta pa lamang sa rali ang inaresto ng mga pulis noong Hulyo 23.

Sa Metro Manila, 34 ang inarestong aktibista kasama ang limang myembro ng PISTON at 24 aktibista sa Marikina City. Sa Southern Tagalog, umabot sa 85 aktibista na papunta sa pagkilos sa University of the Philippines-Los Banos ang inaresto at pinigilang pumunta sa rali. Kabilang dito ng 62 myembro ng Bayan-Cavite na hinarang at idinetine nang tatlong oras bago sila sinabihang kailangan nila ng travel pass para tumuloy.

Sa Bulacan, inaresto ng mga pulis ang apat na residente na myembro ng Kadamay-Pandi na nag-post ng larawan sa social media bilang pakikiisa sa rali sa UP. Tapos na ang aktwal na protestang online nang sila’y arestuhin sa kanilang mga bahay at dinala sa presinto nang walang kaso. Pinalaya ang apat noon lamang Agosto 5. Labingtatlo naman na papunta sa rali sa UP-Diliman ang inaresto sa San Jose del Monte.

Sa Tuguegarao, apat na aktibista ang dinakip, kabilang si Joshua Buyogan ng UP Baguio Outcrop na noo’y kumukuha ng mga larawan para sa dyaryong pangkampus. Sa Cebu, pinatigil ng pulis ang isang online na pagkulturang pagtatanghal nang walang ibinigay na dahilan.

Sa lahat ng mga kaso, pare-parehong “paglabag sa kwarantina” ang dahilan ng mga pulis sa mga pang-aaresto. Ayon sa mga abugado, wala itong basehan sa anumang batas. Hindi rin mga batas ang mga resolusyon at utos ng IATF kaya hindi maaaring gamiting dahilan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/08/07/141-aktibista-inaresto-sa-araw-ng-sona/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.