ANG BAYAN
AUGUST 07, 2020
Walumpu’t walong beses na kinanyon ng 8th ID ang mga sakahan sa mga barangay ng San Jose de Buan sa Western Samar noong Hulyo 14 at 29. Nagresulta ito sa pagbabakwit ng 50 magsasaka mula sa kalapit na mga komunidad.
Hindi bababa sa 64 bala ng mortar at howitzer ang pinabugso ng militar sa mga sakahan sa Mt. Huraw malapit sa sentrong bayan ng San Jose de Buan noong Hulyo 14. Sinundan ito ng 24 na panganganyon gamit ang mga mortar sa magubat na bahagi ng Sityo Salvacion, Barangay San Nicolas noong Hulyo 29. Walang yunit ng hukbong bayan ang nag-ooperasyon sa erya sa panahon ng panganganyon. Isinagawa ng militar ang pang-aatake gayong alam nila na ang mga eryang ito ang pangunahing pinagkukunan ng mga residente ng pagkain at kabuhayan. Dito sila nangangaso ng makakain at kumukuha ng ratan na kanilang ibinebenta.
Bago nito, inaresto ng mga sundalo ang magsasakang si David Dacles habang pauwi sa kanyang bahay sa Sityo Salvacion noong Hulyo 25. Kasalukuyang nakadetine at iniinteroga ang biktima sa kampo militar sa Barangay Cantato, Paranas.
Mag-asawang magsasaka, pinaslang sa Northern Samar
Patay ang mag-asawang magsasaka na sina Alberto at Maritess Durin nang walang patumanggang pagbabarilin ang kanilang bahay ng mga elemento ng CAFGU sa ilalim ng 20th IB sa Barangay Natawo, Palapag, Northern Samar noong Hulyo 26. Sugatan din ang apo ng mga biktima na isang menor-de edad. Ito na ang ikalawang kaso ng walang walang patumanggang pamamaril sa Palapag mula Hunyo.
Naiulat din kamakailan ang pagpaslang ng mga ahenteng militar kay Nonoy Truza, konsehal ng barangay at tagapangulo ng asosasyon ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa Barangay Nagbinlod, Sta. Catalina, Negros Oriental noong huling linggo ng Hunyo.
Mga katutubong Tumandok, inaresto sa Negros Occidental
Magkakasabay na inaresto ng mga elemento ng 62nd IB ang mga katutubong Tumandok na sina Martin Lindayao, Wenie Carillo at Demas Lindayao sa Barangay San Agustin, Isabela, Negros Occidental noong Hulyo 2, alas-7 ng umaga. Bahagi ang insidente ng nagpapatuloy na nakapokus na operasyong militar ng naturang yunit sa erya.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.