GAMU, Isabela, Hunyo 6 (PIA)–Ang patuloy na pagpapatupad ng ating pamamahalaan sa EO #70 o Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa Rehiyon ng Cagayan Valley ay nagresulta muli ng boluntaryong pagbabalik-loob ng isang miyembro ng Milisya ng Bayan (MB) at dalawang tagasuporta ng teroristang-Komunistang NPA sa Bayan ng Benito Soliven at San Mariano, Isabela noong ika-uno ng Hunyo.
Sa tulong ng mga kasundaluhan at kapulisan ng 95th Infantry Battalion, 502nd Infantry Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army at ng Isabela Police Provincial Police Office, Police Regional Office 2 (IPPO-PRO2), nagbalik-loob ang nasabing miyembro at lider ng Milisya ng Bayan (MB) na itago sa pangalang “aka” Kaloy, na naatasang sekretarya ng CPP Local Party Branch at sina “aka” Tomas at “aka” Heroy na tagasuporta ng Komunistang NPA sa nasabing lugar.
Maliban dito, dala-dala nila ang tatlong matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng isang US M1 Carbine na may isang magazine at limang bala, isang (1) M653 rifle, at isang (1) M16 rifle. Ayon sa mga nagbalik loob, ang mga dala nilang mga baril ay ipinagkatiwala sa kanila ng mga miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (RSDG-KR-CV).
Ayon pa sa tatlo (mga sumuko), hindi sila nag-alinlangan at minabuti nilang magbalik-loob na sa ating pamahalaan, sapagkat naramdaman na nila ang katahimikan sa kanilang mga bayan nang nawala ang presensya ng mga terorista NPA.
Dagdag nila, naramdaman nila ang taos-pusong suporta ng ating gobyerno at ng mga kasundaluhan na matulungan silang maituwid sa kanilang pamumuhay.
Gayunpaman, pinuri at hinikayat naman ni MGen Pablo M Lorenzo AFP, Commander, 5ID ang naging tamang desisyon ng mga nagsipagbalik-loob at ang mga natitira pang mga kasapi ng NPA sa Cagayan Valley at Cordillera na yakapin ang tunay na kapayapaan.
Ipinaabot din niya na ang mga benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) na programa ng ating gobyerno sa bawat rebeldeng nagbalik-loob ay agad na iproseso na magsisilbing panimula nila tungo sa isang tahimik na pamumuhay kasama ang kanilang pamilya. (MDCT/PIA-2)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.