Friday, June 5, 2020

CPP/NPA-Palawan: 18th SFC at 3rd MBLT, Huwag magatago sa likod ng mga sibilyan: Itigil ang paggamit sa mga sibilyan bilang human shield!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 4, 2020): 18th SFC at 3rd MBLT, Huwag magatago sa likod ng mga sibilyan: Itigil ang paggamit sa mga sibilyan bilang human shield!

SALVADOR LUMINOSO
NPA-PALAWAN
BIENVENIDO VALLEVER COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
JUNE 04, 2020

Ipinapaabot ng Bienvenido Vallever Command ang marudbdob na pakikidalamhati sa mga magulang, kaanak at kaibigan ni Jeferson Abella. Alam ng NPA Palawan na wala ni anumang salita o paliwanag ang maaaring makapagpabalik sa buhay ng kanilang nasawing kaanak. Kabilang siya sa milyun-milyong masang anakpawis na nagtitiis sa mababang pasahod at kawalan ng serbisyong panlipunan, ang kanilang pagdarahop ang sya na ring mismong dahilan kung bakit yumayabong ang rebolusyunaryong kilusan.

Kaya kaalinsabay ng aming pakikidalamhati ay ang pagngangalit din ng aming mga dibdib. Maiiwasan sana ang pagkadamay ng mga sibilyan sa labanan kung sumusunod ang AFP-WesCom sa Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarin Law (CARHRHIL) at Geneva Protocol hinggil sa Batas ng Digma na malinaw na nakasaad: “Hindi dapat gawing kampo ang mga sibilyang entidad at mga pampublikong
pasilidad na ginagamit ng mga sibilyan”.

Hindi lingid sa kaalaman ng BVC na ginagawang outpost ng 18th SFC, 4th MBLT at CAFGU-CAA ang baranggay hall ng Bunog, malalakas ang loob na mag-inuman at mambastos ng mga sibilyan, takutin ang mga katutubo na papatayin sila sa panahong maabutan sila ng alanganin sa gubat. Nakuha din namin ang ulat na matapos ang matagumpay na pag-atake sa detachment sa Mantayog Falls, pinipilit naman ngayon ng mga sundalo at Marines na idikit pa sa IP Village ang kanilang kampo. Lumikha ito ngayon ng labis na pangamba na madadamay na naman sila sa mga posibleng labanan.

Alam ng AFP – WesCom na mahigpit na tumatalima ang NPA Palawan sa Batas ng Digma, at may mahigpit na pagsaalang-alang sa karapatang tao ng mga sibilyan, at ginagamit nilang oportuinidad ito upang maging human shield o sa mas palasak na salita ay gawing tagasalo ng bala ang mga sibilyan. Taliwas ito sa sinasabi nilang intensyon na protektahan ang mga sibilyan kaya sila naglalagay ng mga kampo sa mga komunidad.

Ang reyalidad sa mga komunidad ng mga katutubo at magsasaka sa Palawan: ang mga sundalo ang protektor ng droga at sindikato ng mga magnanakaw, ang mga sibilyan ay tila mga mababang uri ng hayop na nilalapastangan nila ang karapatang tao. Hindi ang interes ng mga sibiliyan ang kanilang pinuprotektahan bagkus ay ang interes ng mga malalaking korporasyonng mina, mga dayuhang plantasyon at interes sa negosyo ng mga burukrata kapitalistang tulad ni Jose Chavez Alvarez.

Ang pagtatago sa likod ng mga sibilyan ay pagpapakita ng kaduwagan! Masahol pa sila sa mga asong ulol na bahag ang buntot pagkat ang kaya lamang kagatin ay yaong mga taong takot na sa kanila at hindi na manlalaban pa!

Ayon sa mga operatiba ng BVC na nagsagawa ng taktikal na opensibang haras sa kampo sa Mantayog Falls, masusi nilang siniyasat ang kampo at pinili ang pinakapaborableng pwesto para atakehin ito. Batay sa kanilang ulat, halos limang minuto lamang ang naging putukan, nakalapit sila sa kampo ng ilang metro at malinaw nilang nakikita ang mga sundalo at CAFGU. Taliwas ito sa nauna ng pahayag ng AFP – WesCom na tumagal ng 3 oras ang labanan.

Pinapatunayan ng aming operatiba na kahit nakaatras na sila ay tuloy tuloy pa rin ang pagpapaputok ng baril ng mga CAFGU at mga sundalo. Labis ang sindak at takot ng mga sundalong nasa kampo sa NPA na patuloy pa rin ang pagpapaputok kahit wala nang kalaban. Sa kabilang banda, naghatid ito ng labis na takot at pangamba sa masa at pinakamasaklap pa ay nagdulot ng pagkamatay ng isang sibilyan.

Naninindigan ang BVC na mananatiling lehitimong target ng mga aksyong militar ang mga detachment at kampo ng Marines, CAFGU-CAA at sundalo, lalo na yaong mga jump off point para sa Focused Military Operations ng JTF – Peacock. Mananatili ring target para sa mga operasyong pamamarusa ng BVC ang mga RCSP Teams na nanlilinlang sa mga katutubo at magsasaka sa probinsya. Hangga’t hindi tinatanggap ng AFP – WesCom at ni Jose Chavez Alvarez na mabibigo lamang ang kanilang JTF – Peacock, patuloy lamang malalaspag sa mga operasyong militar ang kabang yaman ng masang Palawenyo.

Nananawagan din kami sa mga makabayang pulitiko, samahang masa, samahang sibiko, mga relihiyoso at Non Government Organizations na tutulan ang pagtatayo ng mga kampo-militar na malapit sa inyong mga pamayanan, eskwelahan at simbahan dahil gagawin lamang kayong mga pananggalang ng mga sundalo upang makaligtas sa anumang atake ng hukbong bayan.

Huwag tayong mahirati sa takot at pasismong ipinalalaganap ng ating kaaway, ang AFP-WesCom at JTF-Peacock, bagkus ay higit na manindigan para sa pagsulong ng ating mga kolektibong karapatang tao. Ipaglaban natin ang ating karapatan para sa kabuhayan at tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Mabuhay sa sambayanang lumalaban!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Rebolusyon!









https://cpp.ph/statement/18th-sfc-at-3rd-mblt-huwag-magatago-sa-likod-ng-mga-sibilyan-itigil-ang-paggamit-sa-mga-sibilyan-bilang-human-shield/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.