Friday, June 5, 2020

CPP/NDF-ST: Hinggil sa pagpaparatsada ni Duterte at ng Kongreso sa Anti-Terror Bill

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 4, 2020): Hinggil sa pagpaparatsada ni Duterte at ng Kongreso sa Anti-Terror Bill

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JUNE 04, 2020



Mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) at ng rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyon ang mabilis pa sa kidlat na pagtibay ng dalawang komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senate Bill 1083 o Anti-Terrorism Act of 2020 Senate Bill 1083 o Anti-Terrorism Act of 2020 upang amyendahan ang Human Security Act of 2007 (HSA 2007) at palitan ng mas mabagsik at mapanupil na bersyon.

Pinangunahan ng Commitee on Public Order and Safety ni Masbate Congressman Narciso Bravo, Jr. ang agarang pagtitibay ng Senate Bill 1083 upang madaliin na isabatas ang bagong anti-terrorism bill at ikutang dumaan pa sa bicameral conference ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Kailangan na lamang aprubahan ito sa plenaryo ng Kongreso at isusumite sa Malacañang para pirmahan ni Duterte upang maging ganap na batas.

Minsan pang nahubaran ang Kongreso bilang isa sa mga haligi at instrumento ng pasismo at terorismo ng burukratiko-militar na estado ng malalaking kumprador, panginoong maylupa’t burukratang kapitalista. Kabilang sa mapanupil na instrumento ng estadong ito ang AFP, PNP at iba pang armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno, mga kulungan at hukuman at mga instrumentalidad ng ehekutibo.

Ang marahas na instrumento ng paghahari ng malakolonyal at malapyudal na estado ang pangunahing kasangkapan para dahasin at supilin ang mamamayan. Sa harap ng krisis ng Covid-19, sa halip na pagtuunan ng gubyerno ang mabilis na paghanap ng epektibong solusyon sa pagsugpo sa pandemya, sinamantala ng rehimeng Duterte at ng rubber stamp na Kongreso ang krisis para ilusot ang ang higit na mabagsik at mabalasik na mga batas para ipagtanggol at ipreserba ang makauring interes ng mga naghaharing-uri laban sa mamamayan. Malinaw na ang gubyernong ito ay walang konsepto, hindi kumikilala at walang respeto sa karapatang pantao at demokrasya.

Sa pinagtibay na bagong batas ng 2 kapulungan ng Kongreso alinsunod sa bersyon ng Senate Bill 1083 o Anti-Terrorism Act of 2020, lalong pinalawak at nilabusaw ang kahulugan ng “terorismo”. Pwedeng ikategorya bilang akto ng terorismo ang lahat ng mga aktibidad na gumagambala, nag-aantala at nagdudulot diumano ng masamang epekto sa normal na takbo ng buhay ng lipunan. Sa ganitong pagkakategorya, ang mga kilos protesta, rali, demonstrasyon at iba pang sama-samang pagkilos ng taumbayan para ipahayag ang kanilang mga hinaing at kahilingan sa gubyerno ay maaaring ikunsidera bilang mga akto ng terorismo. Anumang sama-samang pagkilos na magdudulot ng pagsikip ng trapiko, makakagambala ng katahimikan, makakaantala sa daloy ng negosyo at komersyo, makasisira ng pag-aari ng estado, makakasakit ng ibang tao ay maaring ituring bilang mga gawa ng mga terorista at maaaring makulong ng habambuhay na pagkakabilanggo ang sinumang makakasuhan.

Sa partikular, ang mga welga at iba pang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa laban sa kontraktwalisasyon at para sa regular na trabaho, nakabubuhay na sahod at mahusay na kundisyon sa paggawa ay pwedeng agarang ituring ng estado bilang pananabotahe sa ekonomiya at saklaw ng anti-terorismong batas sa ilalim ng pinagtibay na batas ng 2 kapulungan ng Kongreso.

Ang lahat ng mga nakagagambalang mga aktibidad (disruptive activities) tulad ng walk-outs at boykot ng mga estudyante laban sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga paaralan at unibersidad ay maaring ituring ng estado na gawain ng mga terorista. Ang mga pagkilos ng mga guro, nurses at iba pang kawani ng gubyerno para sa mataas na sahod ay mahigpit na ipagbabawal at maaaring makasuhan ang kanilang mga lider at kasapi na nag-iinstiga ng paglaban sa gubyerno at kung gayon saklaw ng anti-terorismong batas. Lalong magiging mahirap ang magpahayag ng pagtutol sa mga maling patakaran ng gubyerno kahit idaan pa ito sa social media. Sa ilalim ng bagong anti-terorismong batas, pwedeng maging isang krimen ang pamamamayag ng pagtutol kahit sa pamamagitan ng social media lalo na kung sa tingin ng otoridad ay nag-iinstiga ito ng “paglaban sa gubyerno”.

Sa ilalim ng nasabing batas, bubuuin ang Anti-Terrorism Council (ATC) na siyang magsisilbing pangunahing implementer ng bagong batas. Ang ATC ay may kapangyarihang magtakda sa sinumang indibidwal, grupo ng mga indibidwal, organisasyon o asosasyon, sa loob at labas ng bansa, bilang mga terorista, batay sa makikitang probable cause laban sa indibidwal, grupo ng mga indibidawal, organisasyon o asosayon na nagsagawa, nagtangkang magsagawa o nakipagkutsabahan sa paggawa ng “terorismo”.

Lubhang nakakabahala ito dahil ang mga prominenteng bumubuo sa ATC ay kilalang masugid na mga anti-komunista, pasista at mga pusakal na lumalabag sa karapatang pantao tulad nina Lorenzana ng DND, Año ng DILG at Esperon na Presidential Security Adviser (kabilang din sa mga bubuo ng ATC ang Executive Secretary, bilang Chairman, Kalihim ng DOJ bilang Vice Chairman at mga Kalihim ng DOF at DFA bilang mga myembro).

Sina Lorenzana, Año at Esperon ang tatlong dating mga heneral sa AFP na hayagang nag-aakusa at nagtatak, kahit walang batayan, na mga kasapi o prente ng CPP-NPA-NDFP ang mga kilalang indibidwal, progresibong organisasyon, grupo ng mga abugado, asosasyon ng mga mga media practitioners, mga humanitarian organisation, civil society groups, kritikal na midya, simbahan at maging mga indibidwal na oposisyon.

Lalo lamang binigyan ng dagdag na pangil ng batas ang tatlong uhaw sa dugong mga dating heneral para ipatupad nang buong laya at may impyunidad ang kanilang anti–mamamayan at anti-demoratikong mga krimen. Asahang lalong titingkad ang mga pagpatay o extra judicial killings (ejk’s) sa ilalim ng bagong Anti-Terrorism Act of 2020. Ang bagong anti-terrorism bill ay magbibigay daan sa malawakang crackdown sa mga progresibong organisasyon, mga aktibista, indibidwal na myembro ng media, mga indibidwal na kinaratulahan na kaaway ng estado at tinatakang mga “pulahan” (red-tagged).

Laking kasiyahan ngayon ng pasistang rehimeng US-Duterte. Pirma na lang niya ang kulang parang maging ganap nang batas ang Anti-Terrorism Act of 2020 at magkaroon siya ng panibagong makapangyarihang sandata para supilin ang lahat ng uri ng oposisyon. Tulad ng umiiral na lockdown sa panahon ng pandemikong Covid-19, papalakas nang papalakas ang otokratikong kapangyarihan ni Duterte habang pasahol nang pasahol ang pagkilala at paggalang ng kanyang rehimen sa mga batayang karapatan ng sambayanang Pilipino.

Dapat tutulan at puspusang labanan ng mamamayan ang Anti-Terrorism Act of 2020. Malawakang kahirapan at kapighatian ang idudulot nito sa mamamayang Pilipino na inaasahanang mas masahol pa sa kahirapan na hatid ng Covid-19. Dapat na isulong ang iba’t ibang paraan at porma ng pagkilos para maiparating ng mamamayan ang mariing pagtutol at paglaban sa bagong anti-terorismong batas. Dapat tandaan ang pangalan ng mga mambabatas na aktibo at pursigidong nagsulong sa Kongreso na maisabatas ang higit na mapanupil na bersyon ng anti-terorismong batas. Sa tamang panahon, singilin at papanagutin ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng may kinalaman sa pagsasabatas at pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act of 2020 dahil sa mga pinsalang idudulot nito sa mamamayang PIlipino. Patuloy nating ipanawagan at ipaglaban ang pagpapatalsik kay Duterte sa kapangyarihan.

Ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act of 2020 ay palatandaan ng desparasyon ng naghaharing sistema na hindi na makapaghari sa ipokritong bihis ng burges na demokrasya. Nagkakamali ang pasistang rehimeng US-Duterte na mapipigilan ng bagong Anti-Terrorism Act of 2020 ang pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa kanyang pasistang paghahari. Hindi mababaling leksyon ng kasaysayan na bawat karahasan ng estado ay nag-aanak ng paglaban mula sa masang api’t pinagsasamantalahan. Bawat panunupil ay naglalapit sa mamamayan sa landas ng rebolusyon.

Ang labis na kahirapan at pambubusabos sa sambayanang Pilipino ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at ang pagiging korap, traydor, diktador, pasista at mamamatay taong si Duterte, ang pangunahing magtutulak at hihikayat sa malawak na masa ng sambayanan na itaas ang antas ng kanilang paglaban at lumahok sa armadong pakikibaka para ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya. ###

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-pagpaparatsada-ni-duterte-at-ng-kongreso-sa-anti-terror-bill/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.