Saturday, February 15, 2020

Tagalog News: 31 kabataan sa Caraga, sumuko sa militar

From the Philippine Information Agency (Feb 14, 2020): Tagalog News: 31 kabataan sa Caraga, sumuko sa militar (By Jennifer P. Gaitano)


LUNGSOD NG BUTUAN, Pebrero 14 (PIA) - Tatlumput-isang (31) kabataan mula sa ibat-ibang probinsya sa Caraga region ang sumuko sa militar para magbalik-loob sa gobyerno, at ngayon ay handa ng mamuhay ng normal kasama ang kanilang pamilya.

Sa isinagawang Coordination and Processing of Children Involved in Armed Conflict (CIAC) ng militar kasama ang pambansang pulisya, inalam ng kabataang-former rebels ang kanilang matatanggap na tulong mula sa pamahalaan sa ilalim ng Enhanced - Comprehensive Local Integration Program (E-CIP).

Sa mga sumukong rebelde, dalawa dito ay menor de edad at ang iba ay ilang taon nang nagsilbi sa New People's Army (NPA).

Ayon kay Jason Ryan Lam ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Caraga, handa ang gobyerno na tumulong sa mga dating rebelde.

“Sa ilalim ng E-CLIP, sininugarado ng pamahalaan na mabibigyan ng tama at naaayon na tulong, assistance at iba pang interbensyon ang ating mga former rebels. Lahat ay makikinabang sa mga programa’t serbisyo ng gobyerno, walang maiiwan,” ani ni Lam.

Ayon naman kay 402nd Brigade Commander, Brigadier General Maurito Licudine, patuloy ang kanilang koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga magulang at kapamilya ng mga sumukong kabataan.



Hinimok din niya ang mga ito na maging responsable at iwasan ang masasamang gawain.

“Huwag ninyong sayangin ang oportunidad na binigay sa inyo. Simula ngayon, ayusin ninyo ang inyong buhay at handa naman ang ating gobyerno para kayo ay tulungan at gabayan,” sabi ni Licudine.

Pagrespeto sa mga magulang at nakakatanda naman ang paalala ni regional director Police Brigadier General Joselito Esquivel, Jr. ng Philippine National Police (PNP), sa mga ito.

“Palaging magbigay respeto sa mga magulang at nakakatanda dahil iyan ang gawain ng mabubuting kabataan sa lipunan. Tandaan din na iisa lang ang gobyerno natin kaya magkaisa at magtulungan tayong lahat para sa ikauunlad ng bansa,” banggit ni Esquivel.

Samantala, binigyang-diin naman ni Regional Director Manuel Orduña ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang malaking papel ng mga kabataan sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.

Ang pagsuko ng mga kabataan ay parte rin aniya sa ginagawang hakbang ng gobyerno na mabigyang lunas ang problema sa insurgency. (JPG/PIA-Caraga)

https://pia.gov.ph/news/articles/1034592

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.