Saturday, February 15, 2020

CPP/NPA-NCMR: Maraming salamat po! Mahal kayo ng NPA.

NPA-NCMR propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 14, 2020): Maraming salamat po! Mahal kayo ng NPA.

NPA-NCMR
NEW PEOPLE'S ARMY
FEBRUARY 14, 2020

Ngayong Araw ng mga Puso, nais ilahad ng NPA-NCMR ang aming taus-pusong pasasalamat sa masang magsasaka, manggagawa, maralita, kabataan, kababaihan at iba pang demokratikong pwersa sa inyong patuloy na pagsuporta at pagtaguyod sa inyong hukbo.

Ang patuloy ninyong pagmamahal ang aming inspirasyon at motibasyon sa harap ng mga kahirapan at sakripisyong dulot ng umiigting na pasistang atake ng rehimeng US-Duterte sa ating rehiyon. Dito kami humuhugot ng lakas at determinasyon upang puspusang isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang tagumpay.

“Kung wala ang hukbong bayan, walang kahit na ano ang mamamayan.” Napatunayan na ito sa 51-taong paglilingkod ng NPA sa sambayanang Pilipino. Dahil sa suporta ng masa, nananatiling makatwiran ang paglaban ng hukbong bayan. Patuloy itong makakakamit ng mga tagumpay at pagsulong ng digmang bayan sa lahat ng larangan. Nakapananatili at lumalakas ito at hindi magapi ng kaaway.

Dahil sa inyong walang-patid na pagkalinga at pagmamahal, nananatili pa ring hindi matalo-talo ang NPA. Maraming, maraming salamat po!

Bilang ganting alay ng NPA sa masang anakpawis at inaapi, nananatili kaming tunay na hukbo at tagapagsilbi ng mamamayan. Sa harap ng walang-habas na pasistang mga atake ng rehimeng US-Duterte at papalubhang kalagayang panlipunan, maasahan ninyong patuloy naming ipagtatanggol ang inyong mga karapatan at kagalingan. Laging nangingibabaw ang inyong interes sa aming mga ipinaglalaban, kaakibat na ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, pagpawi sa kahirapan at kagutuman, pagdepensa laban sa militarisasyon at dayuhang panghihimasok at iba pang isinusulong na mga pakikibaka ng mamamayan. Kaisa ninyo ang NPA sa pagsusulong at pagpupundar para sa hangad nating makamit ang isang tunay na gobyerno ng mamamayan.

Sa kabila ng mga tangka ng rehimeng US-Duterte na pigilan ang pagpapalaganap ng mensahe at katwiran ng armadong pakikibaka, nananatili kayong matatag at hindi nagpapalinlang. Hindi matupad ni Duterte ang kanyang pangarap na maging diktador dahil sa inyong mariing pagtutol at paglaban. Buong giting ninyong kinundena ang martial law sa Mindanao, ang pagsaklaw nito sa buong bansa at ang malawakang kampanya ng karahasan ng rehimen. Dahil sa inyong walang-takot na paglaban at pagkakaisa, nananatiling bigo ang rehimen sa anumang bantang pasukuin ang NPA at rebolusyonaryong kilusan.

Samu’t sari na ang mga pakana ng gobyerno at AFP para lamang palabasing wala nang suportang masa ang armadong rebolusyon. Pero gaya ng dati, naiiwan lamang itong luhaan at sawi. Lalong higit na malinaw na hindi kailanman maiibsan ng tiraniko, hibang at walang pusong rehimeng US-Duterte ang patuloy na dinaranas na kahirapan ng sambayanang Pilipino.

Sa halip, dahil sa patuloy ninyong pagmamahal sa NPA, lalong napagtitibay na tanging ang armadong pakikibaka ang landas laban sa estadong nangangayupapa sa dikta ng imperyalista at mga militarista. Lalo lamang nitong itinutulak ang laksa-laksang mamamayan upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Higit lang na napalalapit ang kanilang puso at isipan sa kawastuhan ng armadong rebolusyon.

Kaya naman nag-uumapaw at walang-hanggan ang pasasalamat ng NPA-NCMR sa lahat ng minamahal naming masa. Hanggat may inaapi at pinagsasamantalahan at sa diwa ng pagmamahal ng masa sa tunay na hukbo ng mamamayan, nananatili ang aming panawagang “Paglingkuran ang sambayanan!”, buhay man namin ay ialay.

Happy Valentine’s Day! Maraming salamat po! Mahal kayo ng NPA.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.