Tuesday, December 10, 2019

CPP/NDF-ST: Papanagutin ang AFP-PNP sa patuloy na pagbinbin ng mga labi ni Kasamang Ermin Bellen

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 10, 2019): Papanagutin ang AFP-PNP sa patuloy na pagbinbin ng mga labi ni Kasamang Ermin Bellen

NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
DECEMBER 10, 2019

Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang rehimeng Duterte sa kawalan ng habag at di makataong pagkakait sa pamilya na makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay. Ginigipit at iniipit ng 2nd ID at 80th IB ng Philippine Army ang mga kapamilya para patuloy na bimbinin ang bangkay nina Kasamang Ermin Bellen at Lucio Simburoto. Ang nasabing mga kasama ay kabilang sa tatlong minasaker ng pinagsanib na tropa ng 80th IBPA at PNP Region IV-A sa Sierra Vista Subdivision, Barangay Cupang, Antipolo City nuong madaling araw ng Disyembre 5, 2019.

Mariin din naming binabatikos ang talamak na tiwaling iskema sa AFP at PNP na pinagkikitaan ang mga pabuya na nakapatong sa mga nasa listahan ng kanilang mga wanted sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ng mga ito sa kanilang mga napapatay sa operasyon tulad ng paggamit sa pangalang Armando Lazarte na hindi ang tunay na identidad ni Kasamang Ermin Bellen.

Walang kahihiyang ginagamit na kundisyon ng 80th IBPA na para makuha ng asawa ang labi ni Kasamang Ermin Bellen ay dapat pumayag silang lagdaan ang death certificate sa pangalan ni Armando Lazarte. Ito’y sa kabila na mismong asawa na nya ang nagpapatunay ng kanyang pagkatao.

Sa kabila nito, kung anu-ano pang mga rekisitos ang hinihingi na mahirap na maiprodyus agad sa mga pagkakataong ito. Pilit na pinaaamin sa kaanak na si Kasamang Ermin ay si Armando Lazarte kung nais ng mga itong mairelis na ang kanyang labi. Si Armando Lazarte ay nasa wanted list ng AFP/PNP at may patong na malaking halaga sa ulo buhay man o patay.

Wala kaming nakikitang dahilan dito kundi ang paghahabol ng mga kawatan at mersenaryong opisyal ng AFP ng promosyon at sa paghahati-hatiang malaking pabuya na nakapatong sa ulo ni Armando Lazarte. Ito lang ang tanging dahilan kung kaya’t sinasabi sa pamilya na madali nilang makukuha ang bangkay sa kundisyong sasailalim ito sa pangalang Armando Lazarte at hindi ni Kasamang Ermin Bellen. Binalaan din ang pamilyang huwag na huwag didikit sa Karapatan kung nais nitong makuha ang kaanak.

Malinaw na pinatay ng pinagsanib na tropa ng 80th IB at PNP Regiona IV-A si Kasamang Ermin Bellen para makuha ang pabuyang nakapatong sa ulo sa kung sinumang Armando Lazarte na kanilang ipinalalabas sa midya na napatay.

Sa patuloy na pagkakait na makuha ng pamilya ang mga labi ni Ka Ermin Bellen, minsan pang pinatunayan ang pagiging di-makatao, kriminal, mersenaryo at pasista ng AFP at PNP. Palibhasa’y mga sinanay sa doktrina bilang mga bayaran at mersenaryo, wala ni anumang bahid ng pagrespeto o pagkilala man lang sa kaugalian at tradisyon, sa karapatan ng pamilya na makuha ang bangkay ng kanilang kaanak at mahal sa buhay upang mabigyan ito ng disenteng burol, matunghayan ang kanyang labi sa huling pagkakataon ng mga kamag-anak, kaibigan at mga masang nagmamahal sa kasama hanggang sa paghahatid sa kasama sa kanyang huling hantungan. Pinatay na nga’t sukat, nais pang pagkakitaan ng buhong na AFP at PNP ang bangkay ni Kasamang Ermin Bellen.

Ang pangyayaring ito ay mahahalintulad sa insidente sa Oriental Mindoro na matagal ding ibininbin at ipinagkait ni Gen. Teofilo, pinuno ng 203rd Bde ng Philippine Army at ng PNP Mimaropa sa mga kamag-anak ang mga labi ng tatlong kasamang nasawi sa labanan sa Mansalay, Oriental Mindoro nuong Hunyo 2019. Matagal ding bininbin ang bangkay ni Alcosa na pilit na ipinalalabas ng kaaway na si Bonifacio Magramo alyas Eboy na isang mataas na opisyal ng NPA sa rehiyon. Nagpataw din ang AFP at PNP ng kundisyon na papayag lang silang ibigay sa pamilya ang labi ni Alcosa sa kundisyong pipirma ang pamilya sa dokumento kung saan nakasaad ang pangalan ni Bonifacio Magramo at hindi ang kanilang kaanak na si Alcos. Malinaw na pabuya na nakapatong sa ulo ni Bonifacio Magramo at promosyon ang habol ng kaaway kung kaya’t pilit nilang pinalalabas na si Bonifacio ang bangkay na kanilang pinaslang at hindi si Alcosa.

Dahil sa malakas na presyur ng kilusang masa at pamilya, napilitan din ang kaaway na ibigay ang mga labi ni Kasamang Alcosa sa pamilya.

Sinasabi ng mga operatiba ng AFP at PNP na lehitimo ang kanilang operasyon laban kina Ermin Bellen at dalawa pa niyang kasama dahil sa mayroon silang hawak na warrant of arrest (WOA) para isilbi sa kasama. Hinahamon namin ang AFP at PNP na ilabas ang WOA kay Kasamang Ermin Bellen kung totoo ang kanilang sinasabi na armado sila ng utos mula sa korte.
Kung sakali mang may WOA si Kasamang Ermin Bellen, walang dahilan ang AFP at PNP na sila’y imasaker. Hindi armado ang mga kasama at walang naganap na labanan sa lugar. Sinalbeyds ang tatlong kasama sa mismong bahay na kanilang tinitigilan. Hindi na nagawang makabangon ng mga kasama mula sa kanilang pagkakatulog nang sila ay pagbabarilin ng mga operatiba mula sa PNP/AFP.

Malaki ang ipaliliwanag at pananagutan ng mga operatiba ng 80th IBPA at PNP Region IV-A sakaling wala silang hawak na WOA kay Kasamang Ermin kundi ang kay Armando Lazarte.
Katarungan para sa mga martir na kasamang sina Ermin Bellen, Jose Villahermosa at Lucio Simburoto. ###

https://cpp.ph/statement/papanagutin-ang-afp-pnp-sa-patuloy-na-pagbinbin-ng-mga-labi-ni-kasamang-ermin-bellen/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.