Tuesday, December 10, 2019

CPP/NDF-ST: Gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao na may ibayong determinasyong lumaban sa pasistang rehimeng US-Duterte

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 10, 2019): Gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao na may ibayong determinasyong lumaban sa pasistang rehimeng US-Duterte

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 10, 2019

Mahigpit na nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) sa sambayanang Pilipino sa paggunita at pagdiriwang sa Pandaigidigang Araw ng Karapatang Tao ngayong Disyembre 10, 2019. Ipinapaabot din namin ang mahigpit na pakikiisa sa lahat ng mga inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan ng atrasadong mga bayan sa daigdig na patuloy na nakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ito’y araw ng paggunita sa maningning na tagumpay ng mamamayan ng daigdig sa proseso ng kanilang magigiting na pakikibaka laban sa iba’t ibang anyo ng makauri at pambansang pang-aapi, pagsasamantala at diskriminasyon at para sa pagkakamit ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Bagama’t nagpapatuloy ang malawakang paglabag sa karapatang pantao, kagutuman at pang-aapi sa daigdig, maituturing pa ring mahalagang pangyayari ang paglalabas ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) ng United Nations noong Disyembre 10, 1948 na taunang ginugunita at ipinagdiriwang sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nabibigyan nito ng pagkakataon na maiparating ng mamamayan ng daigdig ang kanilang mga hinaing para ipanawagan ang pagwawakas sa pang-aapi at pagsasamantala, ang pagwakas sa anumang uri ng paglabag sa karapatang pantao at maisulong ang kanilang simulain para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo at lahat ng uri ng reaksyon.

Kaya’t napakahalaga para sa sambayanang Pilipino na taun-taon ginugunita ang pandaigdigang araw ng karapatang tao, sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos, upang patuloy na maiparating sa pamahalaan ang mga kahilingan ng taumbayan para sa lupa, trabaho, nakabubuhay na sahod, libre at murang pabahay, libre o abot kamay na serbisyo publiko at higit sa lahat ang igiit ang pagkilala at pagrespeto ng estado sa kanilang likas na mga demokratikong karapatan at interes. Mahalaga ding maiparating sa pasistang rehimeng US-Duterte na hindi kailanman masisindak, matatakot, mapapaatras at mapapatahimik ang mga grupo at organisasyon na nagsusulong at nagtatanggol sa karapatang tao kahit sa kabila ng mga malulupit na bira at atake na pinakakawalan ng kanyang pasistang rehimen laban sa mamamayan.

Samantalahin natin ang paggunita sa pandaigdigang araw ng karapatang tao para lalong pahigpitin ang hanay at ibayong magpalakas upang matatag na harapin ang mga panibagong hamon sa pagsusulong at pagtatanggol sa karapatang tao sa darating na mga taon. Kailangang muling pagtibayin ang komitment at determinasyon ng bawat isa upang maitaas ang antas ng aktibismo sa pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatang tao. Muling pagtibayin ang pangako sa bayan na isagawa ng walang takot at kapaguran ang paghahanap ng katarungan sa lahat ng mga naging biktima ng paglabag sa karapatang tao lalo na sa kasalukuyang panahon ng paghahari ng pasistang rehimeng US-Duterte na wala ni katiting na pagkilala o pagrespeto sa karapatang tao ng kanyang mamamayan. Kailangan ang ibayong katapangan at katatagan.

Itinuturing ni Duterte ang mga nagtataguyod at nagtatanggol sa karapatang tao bilang mga kaaway ng estado at sa gayun maging target ng kanyang pasismo. Nagagawa ng mga armadong pwersa at mga berdugong ahente ng pasistang rehimeng Duterte ang mga paglabag sa karapatang tao nang walang patumangga at walang pinangangambahan dahil sa suporta na tinatamasa nila mula kay Duterte.

Sa panahon ni Duterte, hindi lang mga pangkaraniwang mamamayan ang naging biktima ng mga pagpaslang at iba pang paglabag sa karapatang tao. Maging ang mga grupo’t indibidwal na tagapagtaguyod at tagapagtanggol sa karapatang tao ay naging target ng demonisasyon, red-tagging, intimidasyon, panggigipit at marami ang ikinukulong batay sa pampulitikang paniniwala at mga gawa-gawang kaso. Ngunit ang pinakamasahol sa mga ito ay ang dumaraming bilang mula sa hanay nila ang nagiging biktima ng extra judicial killings (ejk’s) ng death squads ng pasistang rehimeng US-Duterte.

Nais din ni Duterte na takutin at patahimikin ang lahat ng mga kritiko na masugid na tumutuligsa sa kanyang paghahari kabilang ang mga progresibong grupo at partylist, media, taong simbahan, mga abugado at iba pang propesyunal at oposisyon. Dapat humanay ang mga grupong ito sa taumbayan sa pagbubuo ng isang malakas na anti-pasistang nagkakaisang prente para ibangga sa lantarang pasistang paghahari ni Duterte.

Muli naming hinihikayat ang lahat ng mga kaanak at biktima ng paglabag sa karapatang tao sa rehiyong Timog Katagalugan na makipag-ugnayan sa mga organisayon at grupo na nagtataguyod at nagtatanggol sa karapatang tao. Lumapit kayo sa kanila upang idulog at magpatulong sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga indibidwal at opisyal ng AFP at PNP na pangunahing may kagagawan sa pagyurak at paglabag ng inyong mga karapatan. Nananawagan din kami sa mga kaanak at biktima ng kampanya laban sa iligal na droga ng pasistang rehimeng US-Duterte na idulog sa mga grupo at organisasyon ang inyong mga reklamo kabilang ang mga ebidensya upang maisama sa mga ipapadala sa International Criminal Court (ICC) kung saan may nakasampang reklamo kay Duterte na crimes against humanity dahil sa libu-libong namatay sa kanyang gera kontra droga na ang mga pangunahing biktima ay galing sa mahihirap na pamilya at komunidad.

Laging bukas din ang pinto ng rebolusyonaryong kilusan sa pagtanggap ng anumang mga reklamo at demanda laban sa mga indibidwal at opisyal ng AFP at PNP at sinuman na pangunahing pinagsususpetsahan na may kagagawan sa pagyurak at paglabag sa karapatang tao nila. Lubos kayong makakaasa, sa abot ng aming kakayanan, na pananagutin ang lahat ng mapatutunayang maysala sa ilalim ng batas at hustisya ng rebolusyonaryong gubyerno ng bayan. ###



https://cpp.ph/statement/gunitain-ang-pandaigdigang-araw-ng-karapatang-tao-na-may-ibayong-determinasyong-lumaban-sa-pasistang-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.