Thursday, November 21, 2019

CPP/NDF-Bicol: Disimpormasyon at Saywar ng 9th IDPA, Gatong na Nagpapaliyab sa Paglaban ng Masang Bikolano

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 21, 2019): Disimpormasyon at Saywar ng 9th IDPA, Gatong na Nagpapaliyab sa Paglaban ng Masang Bikolano

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
NOVEMBER 21, 2019

Sadyang nagpapakadalubhasa ang 9th IDPA sa pagpapahusay ng kanilang kampanyang disimpormasyon at saywar laban sa rebolusyonaryong kilusan. Matapos ang sunud-sunod na pagpaparada ng mga pekeng sumurender ay pinapatambol naman nila ngayon ang testimonya umano ng isang sumuko. Ang naturang Ka Daniel umano ang magbibigay-boses at magpapatunay ng mga tagumpay ng kanilang kampanyang kontrainsurhensya sa rehiyon. Ngunit, hindi ganoon kadali mapabibilib ang mamamayang Bikolano. Sa tingin ba ng 9th IDPA ay mababawi nila ang kanilang berdugong reputasyon at mapagtatakpan ang umaalingasaw nilang kasinungalingan sa pamamagitan lamang ng ilang pakitang-taong at ala-teleseryeng panayam?

Ito ang dapat tandaan ng 9th IDPA: ilang daang Ka Daniel man ang kaladkarin nila sa midya at gaanuman nila ipintang mahusay ang kanilang kampanyang militar hindi kailanman matatawag na tagumpay ang panloloko, pandarahas at pagpatay sa masang siyang bumubuhay sa lipunang ito. Sa bawat kasinungalingang lumalabas sa kanilang bibig, lalo silang kinamumuhian ng masang dinanas ang kanilang pasismo. Sa bawat paghahambog, lalo nilang itinutulak ang masa sa paglaban at lalong pinagtitibay ang kapasyahang gawin ang lahat upang ibunyag ang katotohanan. Lalong lumalakas ang armadong pakikibaka sa Kabikulan. Lalong naglalagablab ang rebolusyonaryong diwa ng masang sawang-sawa na sa kanilang kasinungalingan at pandarahas.

Maaari nilang waldasin ang bilyun-bilyon nilang pondo para sa pagpapakitang-gilas sa midya, ngunit alam nilang itinatakwil sila ng masa. Kaya nga kinakailangan pa nilang takutin ang mga aktibista, bombahin ang mga komunidad at patayin ang masa dahil alam nilang wala silang ni katiting na suporta mula sa mamamayan. Iyan ang katotohanang hindi nila kailanman maitatatwa.

Sino ang maniniwala sa isang institusyong kilala sa pagiging garapal na sinungaling at walang kakurap-kurap kung mandahas at mang-abuso sa masa? Sala-salabat na eskandalo pa nga ang kanilang kinasasangkutan na hanggang ngayon ay hindi nila malusutan at maipaliwanag sa publiko.

Nitong Setyembre 11, napabalita ang pagkahuli ng isang Joselito Novelo Naag na isa umanong mataas na upisyal ng NPA sa rehiyon. Kasapi raw ang naturang indibidwal ng KLG 78 sa Albay at mayroong patong sa ulong P100,000. Ngunit, sa pamamagitan mismo ng Facebook Account ni Naag ay nabunyag sa publikong isa siyang elemento ng militar. Hindi ba’t noong hindi pa sila nabubuko ay ilinarawan din nila ang kaso ni Naag bilang napakalaking tagumpay ng hanay ng militar? Ano’t tahimik sila ngayon sa usaping ito?

Sino rin ang makalilimot sa kaso ng pamamaril ng tropa ng 83rd IBPA at PNP Catanduanes Provincial Mobile Force sa limang magsasaka ng abaka habang sila ay nangingisda at ang pagpapalabas ng militar at pulis na NPA ang mga biktima? Noong Setyembre 22, patay sina Lito Aguilar at Christopher Abraham, matapos pagbabarilin ng pinagsanib na tropa ng 83rd IBPA at PNP Catanduanes PMFC sa Brgy. Taopon, Panganiban, Catanduanes.Sugatan naman sina Jimmy Sierra, Joseph Torado at Jomarie Calderon. Matapos ang krimen, nagtanim pa ng ebidensyang riple ang militar. Naninindigan ang mga kaanak at kababaryo ng mga biktima at maging ang lokal na yunit ng gubyerno na sibilyan ang lima. Sa katunayan, ikakasal na nga sana si Aguilar bago ang karumal-dumal na krimen. Kaya paano ipaliliwanag ng 9th IDPA ang itinanim nilang M16 sa bangkay ng kanilang mga pinaslang?

Hindi naman na nakapagtataka ang maruming estilo ng 9th IDPA sa rehiyon– mula sa paghabi ng kasinungalingan hanggang sa sukdulang pamamaslang ng mamamayan. Repleksyon ang kanilang dibisyon ng bangis at kabulukan ng buong kampanyang kontrainsurhensya ng rehimeng US-Duterte.

Naninindigan ang NDF-Bikol na tulad ng lahat ng nakaraang oplan – mula pa sa panahon ni Marcos hanggang ni Noynoy Aquino, walang ibang tutunguhin ang Oplan Kapanatagan kung hindi ang tuluyang pagkabigo. Lilipas ang mga papet at pasistang rehimeng tulad ng kay Duterte, ngunit mananatiling walang kupas at walang kasintatag ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa huli, mananaig ang masa at ang Partido.

https://marojabanua.wordpress.com/2019/11/21/disimpormasyon-at-saywar-ng-9th-idpa-gatong-na-nagpapaliyab-sa-paglaban-ng-masang-bikolano/

https://cpp.ph/statement/disimpormasyon-at-saywar-ng-9th-idpa-gatong-na-nagpapaliyab-sa-paglaban-ng-masang-bikolano/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.