Sunday, June 30, 2019

CPP/NPA-ST: Bukas na liham ng MGC para sa kinauukulang LGUs sa Timog Katagalugan

NPA- Southern Tagalog (ST) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 30, 2019): Bukas na liham ng MGC para sa kinauukulang LGUs sa Timog Katagalugan

JAIME 'KA DIEGO' PADILLA
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
JUNE 30, 2019

Sa kinauukulang LGUs sa Timog Katagalugan:

Ang walang kaparis na desperadong hakbangin ng NTF-ELCAC at RTF-ELCAC na linlangin ang lokal na gubyernong ideklarang persona non grata ang CPP-NPA-NDFP ay gawi ng patalong reaksyunaryong estado sa harap ng nagpapatuloy at sumusulong na pakikibaka ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Habang patuloy sa paglala ang kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika sa bansa, hindi maibubuyo ng rehimeng US-Duterte ang taumbayan na itakwil ang kanilang tunay na Hukbo at ang Partido na kumakatawan sa kanilang pambansa at demokratikong interes. Walang sawang itataguyod at ipaglalaban ng ng CPP-NPA-NDFP ang mga inaapi at pinagsasamantalahang anakpawis sa harap ng marahas na pagsupil ng reaksyunaryong gubyerno at ng kanyang instrumentalidad ng karahasan at panunupil.

Sapilitang pinupwersa ng DILG, sa pangunguna ni Eduardo Año, ang mga lokal na gubyerno sa Timog Katagalugan na ideklarang persona non grata ang buong rebolusyunaryong pwersa. Tulad ng mga palakang kukak sina Año at Parlade sa pag-iingay ng inilalakong paghihiwalay sa CPP-NPA-NDFP sa malawak na inaapi at pinagsasamantalahang sambayanan ng Timog Katagalugan at sa buong bnasa.
Sa Palawan, nagsasabwatan ang pamahalaang panlalawigan at ng WesCom para pilipitin ang kamay ng mga lokal na gubyerno ng Brook’s Point at Taytay na ipasa ang resolusyong nagdedeklarang persona non grata ang CPP-NPA at mga rebolusyonaryong pwersa. Isa itong psywar na puno ng panlilinlang upang pagmukhaing nanalo ang gubyernong Duterte at AFP-PNP sa larangan ng propaganda laban sa rebolusyunaryong kilusan. Patunay ito ng pakanang tapyasan ang otoridad ng mga lokal na gubyerno at ipailalim sa kapangyarihang militar.

Napipintong gawin sa iba pang lalawigan at bayan ng rehiyon Timog Katagalugan ang kahalintulad na pakana gamit ang intimidasyon, pananakot at pamimilit. Walang patutunguhan ang ganitong hakbangin ng rehimeng US-Duterte kundi ang paglikha ng mas malaking kaguluhan at kawalang kapanatagan ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Ang rehimen mismo ang lumilikha ng pangugulo sa paggamit ng taktikang hatiin at pagharian ang buong bayan—isang lipas at laos nang taktika ng mga naunang kolonyalista at mananakop sa bansa. Pinapurol na ito sa harap ng syentipiko’t rebolusyonaryong teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo na gumagabay sa rebolusyong Pilipino at tiyak na bibiguin ng aktibong paglaban ng sambayanang Pilipino.

Higit at marapat na itakwil ng sambayanang Pilipino at ideklarang persona non grata ang mga taksil, anti-nasyunal at antidemokratikong mga tuta ng US at China tulad ni Duterte, Año, Lorenzana, Esperon, Parlade kabilang ang mga mandarambong, korap at tiwaling upisyal ng gubyerno at berdugong AFP at PNP na patuloy sa pagyurak sa dignidad at karapatang tao ng mamamayang Pilipino.

Habang walang tigil ang AFP-PNP sa pagmilitarisa sa kanayunan at kalunsuran, lalong lumulubha ang kalagayan at pinupuno ng galit ang mamamayan para lumaban at itakwil ang reaksyunaryo at mersenaryong AFP-PNP. Kabi-kabila ang paglabag sa karapatang tao na sumahol pa sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Taliwas sa nais ipahiwatig ng bagong pangalan nito, aanihin lamang ng Campaign Plan “Kapanatagan” ang galit ng mamamayan ng Timog Katagalugan at buong bansa. Katahimikan ng libingan ang layunin ng bagong kampanyang ito kaya’t pinaiigting ang ligalig sa mamamayan.

Sa kabila nito, hindi magtatagumpay ang NTF-ELCAC at lokal na bersyon nito na RTF-ELCAC sa balangkas ng whole of nation strategy ng Campaign Plan “Kapanatagan”. Matutulad ang rehimeng US-Duterte sa mga naunang rehimen na pawang nabigo sa kanilang layuning durugin, gapiin o pahinain ang CPP-NPA-NDFP. Lalo itong nagtatamasa ng malawak na suporta ng mamamayan tulad ng magsasaka, manggagawa, kabataan-estudyante, mga propesyunal, taong simbahan at mananampalataya, civil society groups, at mga makabayan at patriotikong indibidwal at organisasyon. Batas ng kasaysayan na ang lahat ng mapaniil na estado ng mga reaksyunaryo ay patungo sa pagkabigo at pagbagsak sa harap ng patuloy na paglaban ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan.

Nanawagan ang Melito Glor Command NPA-ST sa lahat ng mga may mabuting-loob sa hanay ng lokal na gubyerno na huwag magpabitag at magpalinlang sa mga pambubuyo ng DILG at AFP-PNP na lumaban sa rebolusyunaryong kilusan. Magsilbing huwaran ang Sangguniang Lunsod ng Iloilo na hindi nagpailalim sa takot at presyur ng berdugong AFP-PNP. Dapat laging ikintal sa isip na ang kasalukuyang katayuan ninyo ay pawang pansamantala lamang habang ang rebolusyon ay magpapatuloy sa bawat henerasyon na darating hanggang makamit ang tunay na kalayaan, kapanatagan at kaunlaran ng buong bayan. Patuloy na lumalawak ang hanay ng mamamayang nagnanais ibagsak ang kinasusuklamang rehimeng US-Duterte at ang di na matiis na pahirap ng buong reaksyunaryong sistema. Huwag na nating paabutin sa isang antagonistikong relasyon ang magandang relasyon sa pagitan ng rebolusyunaryong kilusan at mga lokal na gubyerno. Itakwil ng mga tunay na lingkod-bayan ang malalaking burgesya-kumprador, malalaking panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista. Kapwa natin itaguyod ang kapakanan ng mga api at pinagsasamantalahang mamamayan sa rehiyon at bansa.

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!



https://www.philippinerevolution.info/statement/bukas-na-liham-ng-mgc-para-sa-kinauukulang-lgus-sa-timog-katagalugan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.