Sunday, June 30, 2019

CPP/NDF-ST: Si Duterte mismo at mga alipures ang may tuwirang pakana sa pagdideklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata at hindi kusang-loob ng mga lokal na pamahalaan

NDF- Southern Tagalog (ST) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 30, 2019): Si Duterte mismo at mga alipures ang may tuwirang pakana sa pagdideklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata at hindi kusang-loob ng mga lokal na pamahalaan

NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
JUNE 30, 2019

Unti unti nang naglalabasan ang katotohan sa likod ng mga inihayag na deklarasyon ng ilang lokal na pamahalaan sa rehiyong Timog Katagalugan (TK) sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata. Sa aming pagsisiyasat at ginawang beripikasyon mula sa mapagkakatiwalaang mga indibidwal at grupo na may akses sa panloob na mga impormasyon ng mga lokal na gubyerno sa TK, ang mga resolusyon na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata ay mga yari’t ganap nang dokumento na nagmula mismo sa pambansang pamahalaan at pinapaikot para papirmahan sa mga lokal na opisyales ilang buwan bago ang halalan ng Mayo 2019.

Ayon din sa aming mapagkakatiwalaang mga indibidwal at grupo, ang pagpapapirma sa mga inihandang resolusyon ay may dalawang pamamaraan. Una, ang mahinay na lapit kung saan susuhulan at pangangakuang tutulungan sa kampanya ang mga lokal na opisyales. At kapag di umubra ang una, saka gagawin ang ikalawang lapit—gigipitin at tatakutin sila. Ganito ang ginawa ng Task Force Peacock sa Palawan para gipitin ang mga lokal na gubyerno tungo sa pagdideklarang persona non grata sa CPP-NPA-NDFP.

Samakatuwid, ang pagpirma sa resolusyon at pormal na pagpapahayag sa publiko ng mga Sangguniang Bayan sa rehiyon na persona non grata ang CPP-NPA-NDFP ay hindi kusang-loob na kagustuhan ng mga lokal na opisyales na itaya ang sarili sa peligro at batikos mula sa kanilang mga nasasakupan. Sila’y pinilit at isinandal sa pader na pumirma sa resolusyon hindi lang dahil sa hayagang panunuhol at pangakong tutulungan sila sa kampanyahan, kundi dahil din sa todong panggigipit at pananakot na sila’y kakasuhan na nakikipagmabutihan sa CPP-NPA-NDFP.

Sa kabilang banda, mabibilang lang sa daliri ang mga lokal na opisyal na hayagang sumusuporta sa pakanang ito ng administrasyong Duterte. Sila ang mga sagadsaring anti-komunista na patong-patong na ang nagawang kasalanan sa taumbayan at rebolusyonaryong kilusan. Hindi na nakapagtataka ang kanilang ginawang pagpanig at lantarang pagsuporta sa mga pasistang hakbangin ni Duterte laban sa taumbayan.

Hindi nagkamali ang rebolusyonaryong kilusan sa TK sa mga nauna nitong mga inilabas na pahayag na ang deklarasyon ng mga lokal na pamahalaan sa CPP-NPA-NDFP bilang persona non grata ay resulta ng panggigipit at pananakot ng pasistang rehimeng Duterte para palitawin na nagtatagumpay ang kanyang kontra-rebolusyonaryong digma sa CPP-NPA-NDFP. Bukod dito, sinamantala din ni Duterte at ng AFP at PNP ang panahon ng elektoral na kampanya para manlinlang, manuhol at mangakong tutulungan sa kampanya ang mga lokal na opisyales kapalit ng pagpirma nila sa inihandang resolusyon ng kanyang mga alipures.

Amin ding napag-alaman na ang pinapirmahang mga resolusyon nuon pang panahon ng kampanyahan ay inuunti-unti at isa isang inilalabas sa publiko ng TF-ELCAC at AFP para pagmistulaing tuloy-tuloy na nagtatamasa ng popular na suporta ang kanilang kampanya ng paghihiwalay sa rebolusyonaryog kilusan. Bahagi ito ng kanilang imbing pakana at taktikang saywar na lumikha ng ilusyon na nawawalan na ng suporta ang CPP-NPA-NDFP mula sa mamamayan, sa isang panig, at nagtatagumpay naman ang kanyang kontra-rebolusyonaryong digma na Oplan Katatagan, sa kabilang panig.

Halatang desperado na talaga ang pasistang rehimeng US-Duterte dahil sa kung anu ano na lang pakanang kasinungalingan ang kanilang ginagamit na paraan para pagmukhain silang nagwawagi laban sa CPP-NPA-NDFP. Subalit dahil sa kanilang desperasyon, sila na rin ang naglalantad sa kanilang sarili na sila’y bigo sa kanilang ultimong layunin na alisan ng popular na suporta ang rebolusyon. Ang mismong ikinikilos at ginagawa ni Duterte laban sa taumbayan at mga lokal na opisyales sa Timog Katagalugan ang lilikha ng kundisyon para pagmulan ng malakas na suporta ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Si Duterte mismo ang lumilikha ng matabang lupa para lalo pang makapagpalakas ang CPP-NPA-NDFP sa rehiyon at lubos na maihanda ang sarili sa susuungin nitong malalaking labanan sa hinaharap.###

https://www.philippinerevolution.info/statement/si-duterte-mismo-at-mga-alipures-ang-may-tuwirang-pakana-sa-pagdideklara-sa-cpp-npa-ndfp-bilang-persona-non-grata-at-hindi-kusang-loob-ng-mga-lokal-na-pamahalaan-2/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.