Friday, April 12, 2019

CPP/Ang Bayan: Panunupil sa mga magsasaka at katutubo

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Panunupil sa mga magsasaka at katutubo

Iligal na inaresto ang tatlong magsasaka sa Barangay Mulangan, Igbaras, Iloilo noong Marso 18. Kinilala ang mga dinakip na sina Roberto Elamparo, 50, Ruperto Enar, 51 at Ramon Enar, 49. Nag-imbento ang AFP ng kwento ng diumano’y engkwentro sa malapit na lugar at pinalabas na mga kasapi ng BHB ang tatlo.

Sa Iloilo, tatlong minoryang Tumandok ang iligal ding dinakip sa Alimodias, Miag-ao ng mga pwersa ng 61st IB noong Marso 24 at inakusahang mga kasapi ng BHB. Kinilala ang mga biktima na sina Rolando Mediana, anak niyang si Rolando Jr., at Freddie Nabua. Ito ay matapos ang isang engkwentro sa pagitan ng AFP at BHB, alas-4 ng umaga sa parehong araw sa Sityo Baruk. Nagawang bawiin ni Ramonito Sabug, kapitan ng barangay ang tatlo matapos igiit na mga residente sila ng barangay.

Sa Aurora, hindi pa rin inililitaw ng AFP si Diodicto Miñoza, lider-magsasaka at magniniyog sa Barangay Ditumabo, San Luis. Organisador si Miñoza laban sa bantang pagtatayo ng mga hydropower dam sa mga komunidad ng San Luis at Gabaldon sa Nueva Ecija. Huli siyang nakausap ng kanyang asawa sa selpon noong Marso 22. Nang bisitahin ang kanyang kubo sa bukid sa sumunod na araw, mistula itong niransak dahil nagkalat ang mga plato at kagamitan. Nakakita rin ang mga residente ng mga bakas ng combat shoessa lugar. Mga sundalo ng 91st IB ang nag-ooperasyon sa barangay.

Sa Agusan del Norte, pinalibutan bago nireyd ng mga pulis at sundalo ng 23rd IB ang bahay ni Deliza Camanian sa Crazer, Aklan, Nasipit noong Marso 8. Sugatan si Glenn Ann, anak ni Deliza, sa marahas na panloloob ng mga sundalo at pulis.

Sa parehong araw, naglabas ng tarpolin ang 23rd IB sa Afga, Buenavista, Agusan del Norte kung saan nakalagay ang mga mukha ng pinararatangang mga kasapi ng BHB. Sa sumunod na araw, ipinatawag ng mga sundalo at isinailalim sa interogasyon sina Fredo Dabidi, Loreto Mapoy, Arnel Toledo at iba pang sibilyang residente ng Barangay Lower Olave sa parehong bayan. Idinetine ang mga biktima sa kampo ng militar.

Pinalabas ng 23rd IB na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga yunit ng AFP at BHB sa Afga noong hapon ding iyon. Walang pakundangang pinagbabaril ng mga sundalo ang sampung kabahayan sa komunidad pagkatapos nito.

Sa Palawan, pinalayas ng mga pwersa ng Provincial Mining Regulatory Board ang mga magsasaka sa kanilang mga sakahan sa Sityo Sta. Cruz, Barangay Decalachao, Coron noong Marso 30. Ito ay para bigyan-daan ang ekspansyon ng Busuanga Airport sa 40,000 ektaryang lupa ng Yulo King Ranch.

Tuluy-tuloy naman ang kampanyang paninira ng mga elemento ng 17th IB, PNP at lokal na gubyerno ng Cagayan sa Anakpawis at mga organisasyong magsasaka. Noong Marso 13, tatlong nagpakilalang mga kinatawan ng Anakpawis ang ipinrisenta sa isang dayalogo kasama ang mga militar, pulis at lokal na gubyerno. Pinalabas ng mga sundalo na mga “sumurender” ang tatlo. Ang tatlo ay itiniwalag sa Anakpawis matapos gamitin nila ang ngalan ng organisasyon para pagkaperahan ang mga magsasaka.

Sa Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon, nagtambak ng halos tatlong siksbay ng sundalo ng 80th IB. Nakaranas ng pananakot at pandarahas ang mga lider-katutubong kasapi ng Dumagat Sierra Madre-TK mula sa mga sundalo. Dahil sa sobrang takot at kaba, namatay si Ponce Adornado, isang katutubong Dumagat. Nilalabanan ng mga Dumagat ang proyektong Kaliwa-Kanan Laiban dam na makasisira sa kanilang mga komunidad.

Sa Misamis Oriental, ginamit ng estado sa unang pagkakataon ang Human Security Act para kasuhan bilang “terorista” ang lider Lumad na si Datu Jomorito Goaynon sa pagdinig ng kanyang kaso noong Marso 11. Tagapangulo si Goaynon ng Kalumbay, isang organisasyon ng mga Lumad. Iligal siyang inaresto noong Enero 28 kasama ang lider-magsasakang si Ireneo Udarbe sa isang tsekpoynt ng 65th IB.

Noong Marso 20, iligal na inaresto at ikinulong sa detatsment ng 1st Special Forces Battalion sa Mampayag, Manolo Fortich, Bukidnon si Mae Tugot, kasapi ng Gabriela. Dinakip si Tugot ng militar sa Macabalan, Cagayan de Oro City.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/2019/04/07/panunupil-sa-mga-magsasaka-at-katutubo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.