Sa harap ng pinasidhing brutalidad ng todong gera ni Duterte sa kanayunan, dapat iluwal ng masang magsasaka at mga rebolusyonaryong pwersa ang isang masaklaw na kilusan para sa reporma sa lupa bilang mahalagang gulugod ng ubos-kayang paglaban sa pasistang rehimen.
Gamit ang absolutong kapangyarihan, ipinataw ni Duterte ang paghahari ng teror sa buong bansa. Sa nagdaang mga buwan, kawan-kawang mga sundalo at pulis ang pinakawalan niya upang dumugin o palibutan ang buu-buong komunidad, halughugin ang mga bahay at isagawa ang kasuklam-suklam na mga teroristang kabuktutan. Pinakamalupit ito sa mga prubinsya ng Negros at Samar, gayundin sa Surigao del Sur, Compostela Valley at Bukidnon.
Hindi bababa sa 35 lider magsasaka sa mga baryo ang tinugis at walang kaabog-abog na pinatay mula Disyembre 2018. Walang-piling pinararatangan ang mga magsasaka at minorya na kasapi o tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan, ipinaparada at pinalalabas na mga “sumurender.” Sapilitang pinagsusundalo ang mga lalaki o di kaya’y pwersahan silang pinagtatrabaho sa pagtatayo ng mga detatsment ng militar.
Ubod nang bagsik ang gera ni Duterte sa layong masiraan ng loob ang bayang lumalaban at paluhurin sila sa kanyang tiraniya. Lalo pa itong lulupit sa harap ng plano niyang dayain ang eleksyon at pabilisin ang pagtatatag ng lantarang paghaharing diktadura upang solohin ang burukrata-kapitalistang dambong.
Dapat nating gapiin ang brutal na gera ni Duterte at biguin ang kanyang ambisyong pasista. Sampu ng kanyang mga kasapakat, dapat siyang papanagutin at parusahan sa di mabilang na mga krimen sa bayan. Punitin natin ang mga kasinungalingan at ilusyong hinahabi ni Duterte at ng kanyang mga upisyal sa militar at pulis at ilantad ang kanilang kabangisan.
Para biguin ang todong gera ni Duterte laban sa bayan, napakahalagang maramihang magbangon ang mamamayan sa kanayunan at maglunsad ng mga pakikibaka sa ekonomya at pulitika. Ang kanilang antipyudal, pati na anti-imperyalistang mga pakikibakang pang-ekonomya ay di maihihiwalay, salalayan at pampasigla sa kanilang antipasistang pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong karapatan. Dapat nating bigyang-pansin ang kanilang pagdurusa at itaguyod ang kanilang kagalingan upang pandayin ang kanilang palabang diwa.
Mahalagang pukawin at maramihang pakilusin ang masang magsasaka para isulong ang mga pakikibakang masa para ibaba ang upa sa lupa at interes sa pautang, itaas ang sahod ng mga manggagawang-bukid, magkaroon ng makatarungang presyo ng mga produkto ng mga magbubukid at itaas ang produksyon sa pamamagitan ng mga saligang anyo ng kooperasyon. Susing bahagi ang mga ito ng minimum na programa ng Partido para sa reporma sa lupa. Ang maksimum na programa ng pamamahagi ng lupa ay maaaring ipatupad sa mga rebolusyonaryong baseng purok kung saan kaya itong mapangasiwaan at maipagtanggol.
Matingkad na ipamamalas ng mga kampanya para sa reporma sa lupa ang pagkakaiba ng pasistang rehimen at rebolusyonaryong kilusan, ng mga pwersang nang-aapi at nagpapahirap sa masang magsasaka at ng mga naghahangad na iahon sila sa pagdarahop at wakasan ang kanilang pagkaapi.
Lubos na nilalantad ng mga kampanyang masang ito ang huwad na “reporma sa lupa” ni Duterte at ang kanyang patakaran ng malawakang pagpapalit-gamit at pang-aagaw ng lupa. Nilalantad din ang panakip-butas at mapanlinlang na hakbanging pangkagalingan ng reaksyunaryong rehimen tulad ng conditional cash-transfer program (4Ps), ang PaMaNa at Kalahi-CIDSS na mga proyektong pampaganda para pagtakpan ang malalim na sosyo-ekonomikong paghihirap na dinaranas ng bayan.
Dapat isagawa ang mga kampanyang ito kaalinsabay ng iba pang kampanya para ipahinto ang liberalisasyon ng pag-aangkat ng mga produktong agrikultural na sumisira sa produksyon at kita ng masang magsasaka, para sa subsidyo ng estado sa gitna ng tagtuyot, para hingiing ibalik ang pondong coco levy, para labanan ang pagpasok ng mga megadam, paliparan at iba pang mapaminsalang proyektong imprastruktura, para tutulan ang reklamasyon ng lupa sa mga baybay-dagat, ang mga operasyong plantasyon at pagmimina, para ipagtanggol ang lupang ninuno at iba pang kampanya para itaguyod ang karapatan at kagalingan ng masang magsasaka at minoryang mamamayan.
Sa darating na mga buwan, dapat mas masigasig nating isulong ang mga kampanyang ito. Dapat tiyakin sa lahat ng antas ng pamumuno na naipatutupad ang mga tungkulin sa pagsusulong ng mga pakikibakang masa. Higitan natin ang dati nang mga nagawa at dalhin sa bagong antas ang mga pakikibakang magsasaka.
Para isulong ang mga ito, dapat tulungan natin ang masang magsasaka na mag-organisa ng kanilang mga samahan o patatagin ang mga nakatayo na sa antas baryo, interbaryo, bayan at distrito upang itaas ang kanilang kakayahan para sama-samang ipaglaban ang kanilang mga kahilingan. Para itaas ang produksyon, maaaring itayo ang mga pangkat o kolektibo sa paggawa at iba pang anyo ng pagtutulungan. Maaaring tipunin, palitawin o ilaan ang pondo para tulungang itaas ang produksyon.
Dapat nating tiyakin na matagumpay na naisasagawa ang mga kampanyang ito. Dapat kongkretong matamo ng masang magsasaka sa pamamagitan ng kolektibong pakikibaka ang mas mataas na kita, mas malaking suplay ng pagkain at mas maayos na kundisyon sa pamumuhay. Dapat isulong ang kaakibat na kampanya para sa literasiya, numerasiya, kalusugan at kultura at iba pang hakbangin para tugunan ang kanilang kagalingan.
Sa pagsulong ng mga kampanyang ito, nabibigyang-buhay ang paglaban ng masang magsasaka sa pasistang panunupil ng mga reaksyunaryong armadong pwersa. Lalo silang nagiging militante sa pagtatanggol ng kanilang demokratikong karapatan.
Sa gitna ng paghahari ng teror, titindig at lalawak ang isang makapangyarihang antipasistang kilusan sa kanayunan. Bahagi ito ng isang malapad na nagkakaisang prente laban sa tiraniya ni Duterte. Dapat ubod-siglang labanan ang todong pagsupil sa kanayunan.
Dapat mahigpit ang pagtutulungan, koordinasyon at saklolohan ng mga samahang magsasaka, gayundin ng iba’t ibang sektor sa buong bansa. Bawat baryong aatakehin ni Duterte ay dapat ipagtanggol ng lahat. Bawat pasistang kabuktutan ay dapat ilantad at tuligsain ng lahat.
Sa pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal at antipasista, tinitipon ng masang magsasaka ang kapangyarihan mula sa kanilang organisadong lakas. Kasama ang iba pang mga organisasyong masa ng mga kabataan, kababaihan, bata at mga aktibistang pangkultura, nagsisilbi ang mga samahang magsasaka na pundasyon sa pagtatayo ng mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo—ang batayang yunit ng demokratikong gubyernong bayan.
Binubuo ang mga rebolusyonaryong samahang magsasaka sa pagsulong ng rebolusyong agraryo at para rin lumahok sa armadong pakikibaka. Sa pagtamo ng mga tagumpay sa mga pakikibakang antipyudal, lalong nahihikayat ang masang magsasaka na buong-pusong lumahok sa armadong pakikibaka at ibigay dito ang walang hanggang suporta.
Mula sa mga samahang magsasaka ay binubuo ang mga yunit depensa-sa-sarili na tumutulong sa pagpapatupad ng mga patakaran at ordinansang pinagtibay ng mga lokal na komiteng rebolusyonaryo. Binubuo ang mga yunit ng milisyang bayan bilang lokal na mga yunit ng BHB na nagsasagawa ng pakikidigmang gerilya ng masa para isulong ang masaklaw na armadong pakikibaka laban sa dumadaluhong na pasistang tropa ng kaaway.
Habang tinutulungan ang masang magsasaka sa pagsulong ng kanilang mga pakikibaka, dapat mapangahas na paigtingin ng BHB ang pakikidigmang gerilya at mas malakas at mas madalas na bigwasan ang kaaway. Targetin ang pinakabuhong na mga pasista, parusahan sila sa kanilang mga krimen, tapusin ang pasistang pagpapakitang-gilas at palakasin ang loob ng mamamayan sa kanilang paglaban. Lipulin ang mga yunit ng kaaway at samsamin ang kanilang mga sandata.
Sa paglulunsad ng malawak na pakikibakang masang magsasaka at pagsulong ng armadong rebolusyon, tiyak na mapangingibabawan ng mamamayan at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa ang brutal na gera ni Duterte at mabibigo ang pakana niya para sa isang pasistang diktadura.
[Ang Bayan
is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and
is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the
Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes
out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray,
Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/2019/04/07/masaklaw-na-isulong-ang-reporma-sa-lupa-at-gapiin-ang-digmaan-ni-duterte-sa-kanayunan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.