Thursday, February 14, 2019

CPP/NDF-Bicol: Paparaming Bilang ng Sibilyan ang Biktima ng Pasismo ng 9th IDPA sa Bisa ng MO 32 ng Rehimeng US-Duterte

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 13, 2019): Paparaming Bilang ng Sibilyan ang Biktima ng Pasismo ng 9th IDPA sa Bisa ng MO 32 ng Rehimeng US-Duterte

Maria Roja Banua
Spokesperson | NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines
February 13, 2019
    
Mga magsasaka at hindi kasapi ng BHB ang apat na residente ng Sityo Pulang Daga, Brgy. Baya, Ragay, Camarines Sur na dinukot at iligal na dinetine ng mga elemento ng 9th IBPA noong ika-9 ng Pebrero. Sina Christian Rañon, Romel ‘Boboy’ Esmero, Ricky Bendaña at Rico Bendaña ay tinortyur sa loob ng dalawang araw. Matapos ang kahanga-hangang pagsisikap ng lokal na mga upisyal ng naturang barangay at mga taumbaryo na mabawi ang mga biktima, napilitan ang militar na ibalik ang kanilang mga dinukot. Gayunpaman, nananatiling hawak ng mga berdugo si Ricky Bendaña.
Mahigpit na kinukundena ng NDF-Bikol ang tahasang paglabag ng militar sa karapatang-tao at ang patuloy na paggigiit ni Col. Paul Regencia, tagapagsalita ng 9th IDPA, na hindi militar ang dumukot sa apat sa kabila ng mabibigat na ebidensyang nagpapatunay nito. Liban sa personal nang pinakiusapan ni Kap. Marciana Quiñones si Lt. Col. Abella, Battalion Commander ng 9th IBPA na iharap at patunayang nasa mabuting kalagayan ang apat, pinatutunayan mismo ng pahayag ng mga biktima na militar ang dumukot sa kanila dahil nakita na nila ang ilan sa mga ito sa mga sakyada sa kanilang barangay.
Lubhang nakababahala ang paghuhugas ng kamay ng militar sa naturang insidente.   Sa pahayag ni Col. Regencia, tinatanggal ng 9th IDPA ang lahat ng pananagutan sa anumang maaaring mangyari sa apat na magsasaka laluna kay Ricky Bendaña na hanggang ngayon ay nasa kanila pa ring kustodiya.  Alam ng masa ang duguan at brutal na kasaysayan ng 9th IDPA.  Ilang buwan pa lamang ang lumipas mula nang dakipin, tortyurin at ilibing nang buhay sina Roberto Naris, 30 taong gulang, Ronel Naris, 28 taong gulang at Antonio Bonagua, 19 taong gulang, ng tropa ng 9th IDPA sa Patalunan, Ragay.  Tulad nang sinasabi nila ngayon sa kaso ng apat na magsasaka sa Brgy. Baya, iisa ang naging pahayag noon ng 9th IDPA hinggil sa masaker sa Patalunan sa kabila ng malakas na ebidensya at testimonya ng mga nakasaksing nagdidiin sa militar – wala sa kanilang kustodiya ang tatlo.
Matapos ang ilang araw sumulpot ang pagdukot kay Rachel Malacca ng Brgy. Patulanan sa parehong araw ng pagdukot sa apat na magsasaka. Hindi pa natatagpuan ngayon si Malacca.
Sa bisa ng mga mapanupil na atas tulad ng MO 32 ni Duterte, kasalukuyang hinahambalos ang mamamayan ng pinasahol na pandarahas sa kamay ng berdugong militar.  Sa ilalim ng de facto na batas militar, walang kapantay na kalupitan ang dinaranas ngayon ng masa.  Wala ni kapiranggot na pagrespeto sa karapatang tao ang mersenaryong AFP.  Malaya nilang binabaluktot ang katotohanan at nakapagpapabango sa midya sa kabila ng kanilang mga krimen sa mamamayan dahil protektado sila ng reaksyunaryong gubyerno.   Malinaw na hindi kailanman maaasahan ng masa ang bulok na estadong ipagtanggol ang kanilang karapatan at protektahan sila mula sa pang-aabuso ng militar sapagkat ito mismo ang tagapagtaguyod ng gera laban sa taumbayan.  Walang ibang aasahan ang taumbayan kundi ang sariling lakas at pagkakaisa.
Pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang lahat ng masang Bikolano, tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga progresibong organisasyon, taong-simbahan, mga kagawad ng midya at mga makabayang upisyal ng lokal na gubyerno na kagyat na rumesponde at sumuporta sa pagbawi sa naturang mga sibilyan mula sa kamay ng mga berdugong militar. Kaisa nila ang rebolusyonaryong kilusan sa patuloy na pagtitiyak na mababawi si Ricky Bendaña at Rachel Malacca ligtas na makababalik sa kanilang lugar.
Dapat pagbayarin ng mamamayan ang kriminal at mamamatay-tao na 9th IDPA, AFP at ang buong rehimeng US-Duterte na nagbibigay ligalidad at proteksyon sa paghahasik ng pasismo at terorismong militar.  Nananawagan ang CPP-NPA-NDF Bikol sa mamamayang Bikolano na lumahok sa pakikibaka ng mamamayan para sa karapatan at katarungan.  Hinahamon ng rebolusyonaryong kilusan ang mga lokal na upisyales ng gubyerno na manindigan para sa karapatan ng kanilang nasasakupan.  Sa tumitinding pagkubabaw ng militar sa sibilyang burukrasya, ngayon higit kailanman kinakailangan ang kanilang mapagpasyang pagtupad sa mandatong ipagtanggol ang masa sa kabila ng panunupil ng militar.
Sa panibagong krimeng ito laban sa mamamayan, nararapat at kinakailangang paigtingin ng mga yunit ng BHB ang mga taktikal na opensiba upang parusahan ang berdugong pwersa ng 9th IDPA at bigwasan ang pasistang rehimeng US-Duterte na labis na nagsasamantala at nang-aapi sa sambayanan.
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.