Binigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Northeast Mindanao ang nanghahalihaw na mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Agusan del Sur at Surigao del Sur sa loob ng 25 araw. Ang naturang mga operasyon ay reaksyon ng AFP sa dalawang matagumpay na mga taktikal na opensiba ng BHB noong huling kwarto ng taong 2018. Ang walang awat na operasyong militar ay sinabayan pa ng panghuhulog ng bomba at istraping ng Philippine Air Force.
Ayon kay Ka Maria Malaya, tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines-Northeast Mindanao Region, nagsagawa ang BHB ng anim na kontra-atake sa mga sundalo ng 4th ID na nag-operasyon sa mga komunidad mula pa noong huling linggo ng Disyembre 2018 at hanggang kalagitnaan ng Enero 2019. Tatlo sa mga kontra-atakeng ito ang pinakatampok:
> Pinasabugan ng BHB noong Disyembre 23 ang nag-ooperasyong mga sundalo ng 26th IB sa Sumulon, Barangay Padiay, Sibagat, Agusan del Sur. Isang operasyong haras ang isinagawa noong Enero 5 laban sa 3rd Special Forces Battalion (3rd SFB) sa kabundukan ng San Juan, bayan ng Bayugan sa parehong prubinsya.
> Pinasabugan din ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong tropa ng 36th IB sa kabundukan ng Manhulayan, Barangay Bolhoon, San Miguel, Surigao del Sur noong Enero 7.
Ipinakikita ng mga operasyong militar na ito na binabalewala ng mga upisyal ng AFP at gubyernong Duterte ang kaligtasan ng kanilang 15 tauhang kasalukuyang prisoner of war (POW) o bihag-ng-digma (dalawag sundalo ng 3rd SFB at 13 tauhan ng CAA) na nasa kustodiya ng BHB, ayon kay Ka Maria. Naantala ang kanilang pagpapalaya dahil sa naturang mga operasyon.
Ang naturang mga POW ay nabihag noong Disyembre 19 sa isang reyd ng BHB detatsment ng CAA sa Barangay New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur. Sa naturang reyd, nakasamsam ang BHB ng 23 armas, kabilang ang isang M60 light machinegun.
Samantala sa Southern Mindanao Region, iniulat ni Isabel Santiago, tagapagsalita ng Mount Apo Subregional Operations Command, na isang upisyal ng Philippine National Police (PNP) at 11 iba pa ang nasugatan sa operasyong demolisyon ng BHB noong Enero 28 sa Purok 4, Sityo Kabisig, Barangay Poblacion, Magpet sa North Cotabato. Ang mga kaswalti ay pawang mga tropa ng PNP Provincial Mobile Company. Napatay sa taktikal na opensibang ito si PO3 Christopher Anadon.
Isang araw bago ito, binigo ng isang yunit ng BHB ang sumasalakay na pwersa ng 19th IB at grupong paramilitar na Bagani sa Sityo Salingsing, Barangay Amabel, Magpet. Sa kabilang banda, namatay ang Pulang mandirigma na si Ronnie Awe (Ka Dindo), 44, habang malubhang nasugatan ang kanyang anak na si Ka Wingwing.
Pinabulaanan ng nasabing dalawang labanan ang kasinungalingan ipinagkakalat ng militar na humihina na umano ang armadong rebolusyonaryong pwersa sa nasabing lugar, ani Santiago.
Samantala, sa isla ng Negros, dalawang sundalo ang napatay sa magkakahiwalay na mga opensiba ng BHB.
Dalawang sundalo ng 94th IB ang patay nang magsagawa ng operasyong isnayp ang BHB-Negros laban sa mga nakaistasyong sundalo sa kanilang kampo sa Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Enero 29, alas-2 ng hapon. Ipinagbunyi ng mga residente ang nasabing opensiba laban sa 94th IB, na nagsasagawa ng operasyong “peace and development” sa naturang barangay.
Responsable ang 94th IB sa mga pamamaslang at iligal na pagdakip sa mga magsasaka noong Disyembre 27, 2018, gayundin sa iligal na panghahalughog sa mga kabahayan sa di bababa sa anim na sityo ng naturang barangay. Itinulak nito ang daan-daang residente na sapilitang lisanin ang kanilang mga bahay dahil sa takot.
Isang sundalo ng 15th IB ang napatay at isa pa ang nasugatan nang makasagupa nila ang BHB-Negros sa Sityo Pacama, Barangay Magballo, Kabankalan City, Negros Occidental noong Enero 18.
Sa Quezon, pinaralisa ng BHB-Quezon ang mga kagamitan ng mapaminsalang kumpanyang Pacific Summit Construction Group, Inc. sa Sityo Pandarawan, Barangay Maragondon, Real, Quezon noong Enero 21. Kabilang sa pinaralisa ng BHB ang tatlong dumptruck, dalawang backhoe, generator set, transit mixer at loader.
Mapangwasak sa kapaligiran ang mga operasyon ng kampanyang ito. Dahil sa pagtatayo ng kumpanya ng isang hydroelectric plant, daan-daang residente ang napalayas at nawalan ng kanilang kabuhayan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/2019/02/07/6-kontra-atake-inilunsad-sa-bhb-nemr/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.