NPA-Bikol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 16): Hinggil sa Matagumpay na Ambush sa Dumagmang, Camarines Norte
Raymund Buenfuerza
Tagapagsalita
Romulo Jallores Command (RJC) – NPA Bikol
October 16, 2018
Binabati ng Romulo Jallores Command (RJC)-NPA Bikol ang Armando Catapia Command-NPA Camarines Norte sa matagumpay na taktikal na opensibang ilinunsad nito laban sa mga elemento ng 96th IBPA nitong Oktubre 14 sa Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte. Sa inisyal na ulat ng mga kasama, nakasamsam ang pulang hukbo ng dalawang mataas na kalibreng baril (M4 Carbine) at mga bala.
Ligtas na nakamaniobra mula sa pinangyarihan ang mga kasama samantala walo ang patay sa hanay ng kaaway at marami pa ang sugatan. Taliwas ito sa pahayag ni Col. Regencia na dalawang sundalo ang namatay, dalawa ang nagtamo ng mga gasgas sa binti at ulo habang may lima pang elementong nawala ngunit nakabalik na umano sa kanilang himpilan. Anumang kasinungalingan ang ipamarali ng kanilang mga tagapagsalita, hindi maitatanggi ng 9th IDPA ang pinsalang tinamo ng kanilang yunit sa opensiba ng mga kasama. Ang mga taumbaryo mismo ang ginamit ng kasundaluhan upang hakutin ang mga labi ng mga sundalo.
Likas na karapatan ng mamamayan ang mag-aklas para sa kanilang interes at magsagawa ng mga hakbang upang labanan ang anumang pwersang humahadlang dito kapag malinaw na hindi ipinahihintulot ng estado sa mga kaparaanan ng batas nito ang mga tunay na pagbabago. May kalayaan ang masang magtanggol sa sarili laban sa nananalakay sa kanila. Ang mga taktikal na opensiba ng NPA, sa kurso ng paglulunsad ng digmang bayan, ay ang makatwirang paglaban ng mamamayan sa mga pwersang nagsasamantala at nang-aapi sa kanila.
Ilinantad na ng 96th IBPA ang sarili bilang kaaway ng mamamayan sa loob ng maikling panahong pagpakat sa Camarines Norte at ilang bahagi ng Camarines Sur at kanugnog na probinsya ng Quezon. Patung-patong ang kanilang krimen at sunud-sunod ang kanilang mga paglabag sa karapatang tao at mga internasyunal na batas ng digma. Nitong Mayo lamang, napabalita ang kaso ng tatlong magsasakang tinortyur at pinaslang ng mga mersenaryong sundalo. Ilinibing nang buhay ang isa sa kanila. Ang mga biktima na sina Robero Ramos, Ronel Naris at Antonio Bonagua ay pawang mga sibilyan at residente ng Brgy. Patalunan, Ragay, Camarines Sur. Pinatotohanan ng mga fact finding mission na isinagawa ng mga samahang human rights, taong-simbahan at iba pang tagapagtanggol ng karapatang tao na mga sundalo ang pumatay sa tatlo. Ngunit sa halip na panagutan ang brutal na masaker at iba pa nilang mga krimen, pilit itinatatwa at inaalintana ng kasundaluhan ang mga kasong ito.
Sa pahayag ni Col. Regencia sa midya, sinabi niyang ‘nakatsamba’ na muli ang pulang hukbo sa kanilang tagumpay. Hindi iyon tsamba. Ang totoo, ito ay pinaghandaang ambus at nakasalalay ang malaking bahagi ng tagumpay ng naturang aksyong militar sa panahon, manera at lugar na umiiral ang kahinaan ng militar sa kabila ng kanilang pagsasanay, bagong armas at mga upisyal mula PMA. Makaaasa ang 9thID at si Col. Regencia ng susunod at paparami pang ‘tsamba’ mula sa ayon sa kanya ay kumukunti nang bilang ng NPA Bikol. Paulit-ulit ang paggamit nila ng psywar na mga sumukong naglie-low, lumabag sa disiplinang nag-awol, retiradong hukbo at kahit na sibilyang naninirahan sa mga sonang gerilya na pawang pwersahang ginipit at pinaboran ng limos na ECLIP upang palabasing humihina na ang lakas ng hukbong bayan.
Walang bisa ang dagdag pang mga kasinungalingan at pang-eengganyo ni Regencia. Mag-alok man sila ng perang pabuya o pabahay at lokal na peace talks ay hindi kailanman maitutulak sa pagsuko at pasipikasyon ang NPA dahil malinaw sa bawat isang pulang mandirigma ang dahilan kung bakit sila nag-armas at patuloy na lumalaban. Habang nagpapatuloy ang AFP-PNP-CAFGU at ang rehimeng US-Duterte sa pagwasak sa kabuhayan at pagkitil sa buhay ng mga sibilyan at masang anakpawis, lalo lamang titibay ang kapasyahan ng mamamayan at mga kasamang isulong ang makatwirang digmang bayang magtataguyod ng kanilang mga karapatan at maghahatid ng tunay na katarungan. Hindi matatabunan ng mga hungkag na pangako ng kapayapaan at katahimikan ang pagtatakwil ng masa sa kasalukuyang lipunang gumugutom, nagpapahirap at pumapatay sa kanila.
Naglahong parang bula ang kailan lang ay hambog na mga pahayag ni Regencia na wala nang sapat na lakas ang pulang hukbo. Itinutulak ng pagsidhi ng pang-ekonomyang krisis na binabalikat at pasismong dinaranas ng mamamayan ang higit na paglalim at paglawak ng lakas ng armadong pwersa ng rebolusyonaryong kilusan. Patuloy na kakanlungin ng mga kagubatan at kabayanan ng Kabikulan at buong bansa ang sambayanang hindi na muling paaalipin. Libu-libong pulang mandirigma ang huhugos sa kanayunan at patuloy na sasamahan ng masang kanilang pinaglilingkuran.
Nananawagan ang RJC-Bikol sa mamamayan na ibayong pagtibayin ang hanay. Sa papabilis na pagbulusok ng rehimeng US-Duterte, tiyak na higit na matinding panunupil at mapagsamantalang mga patakaran ang iwawasiwas laban sa masa. Tanging ang pagkakaisa ng pinakamalawak na bilang ng mamamayan ang muog na hindi kailanman magigiba. Gayundin, nananawagan ang RJC-Bikol sa mga alagad ng midya na pumanig sa taumbayan. Manindigan sa sinumpaang tungkuling ihatid ang katotohanan nang walang kinikilingan. Ihayag sa madla ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao ng mga yunit ng AFP-PNP-CAFGU at sumabay sa mga fact finding mission upang makuha ang tunay na pangyayari. Huwag hayaang magsilbi ang mga daluyan ng midya bilang entablado ng kasinungalingan at disimpormasyon ng rehimeng US-Duterte at mersenaryong hukbo nitong AFP-PNP.
Sa huli, hindi mapipigil ng anumang reaksyunaryong pwersa ang pagdaluyong ng makatwirang digma ng mamamayan. Magtatagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan dahil itinataguyod nito ang interes ng masa at mahal ng masa ang mga rebolusyonaryong tunay na naglilingkod sa kanila.
https://www.philippinerevolution.info/2018/10/16/hinggil-sa-matagumpay-na-ambush-sa-dumagmang-camarines-norte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.