Wednesday, October 17, 2018

CPP/NPA-Camarines Norte: Ambus ng BHB-Camarines Norte sa Tropa ng 96th IB, Matagumpay

NPA-Camarines Norte propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 15): Ambus ng BHB-Camarines Norte sa Tropa ng 96th IB, Matagumpay

Carlito Cada
Armando Catapia Command
Tagapagsalita
Bagong Hukbong Bayan – Camarines Norte
Pahayag sa midya

October 15, 2018
Matagumpay ang ambus na isinagawa ng isang platun ng mga pulang mandirigma sa ilalim ng Armado Catapia Commmand-BHB Camarines Norte sa tropa ng 96th IB Philippine Army sa Purok 7, Brgy. Dumagmang, Labo Camarines Norte noong Oktubre 14 , 2018 , bandang alas- 4 ng hapon.

Walo ang napatay at 2 ang sugatan sa tropa ng 96th IB. Dalawa sa mga namatay ay sina Pfc. Ruben Bersabe at Pfc. John Balala. Nasamsam din sa kanila ang 2 M4 assault rifle. Nagulantang ang tropa ng 96th IB at dis-organisadong umatras matapos masorpresa ng opensiba ng mga pulang mandirigma. Ayon mismo sa pahayag ni Col. Paul Regencia, tagapagsalita ng 9ID , ang mga napahiwalay na elemento ng PA ay kinaumagahan na nakabalik sa kanilang mga kasamahan. Samantala, ligtas na nakamaniobra ang BHB palayo sa pinangyarihan.

Naganap ang opensiba ng BHB malapit lang sa binabasehan ng tropa 96th IB sa Barangay Dumagmang. Inamin mismo ng militar na hindi nila akalaing makakadikit malapit sa kanilang base ang mga pulang mandirigma. Ngunit dahil sa suportang masa ay nanatiling lihim ang pwesto ng mga kasama habang matiyagang nag-abang para sa isasagawang ambus. Salungat ito sa baluktot na kwento ni Duterte at ng AFP na “walang suporta ng mamamayan” at “walang hawak ni isang barangay” ang NPA.

Matatandaang mula Pebrero nitong taon ay nakadeploy na ang mga militar sa 8 barangay ng Labo Camarines Norte. Ang presensya ng mga pwersa ng AFP sa lugar ay dahil umano sa isinasagawa nilang programa para sa “Peace and Development” o ” Community Support ” sa ilalim ng kontra-insurhensyang Oplan Kapayapaan. Subalit kabaliktaran nito, hindi kapayapaan at pag-unlad o suporta ang hatid nila sa mamamayan ng Labo, kundi takot at ibayong kahirapan. Sari-saring panghaharas ang dinaranas ng mga taumbaryo tulad ng pananakot at paninindak sa mga sinususpetsahan nilang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, pagsasagawa ng checkpoint, pagkontrol sa mobilidad ng masa, iligal na pag-aresto, pagpasurender at pagpatay ng inosenteng sibilyan tulad ng ginawa kay Allan Casulla ng Brgy. Macogon, Labo Camarines Norte. Hindi rin makakalimutan ang kaso ng 96th IB na pagmasaker sa 3 magsasaka sa Patalunan, Ragay Camarines noong Mayo 13, 2018 matapos silang mapalaban sa mga kasama sa lugar. Kung saan dumanas ang mga ito ng sobrang pahirap at ang isa ay inilibing pa nila ng buhay.

Ang taktikal na opensiba ang sagot ng ACC-BHB Camarines Norte sa hugkag na “local peacetalks” na itinutulak ng diktador, pasista at pahirap na rehimeng US-Duterte. Ang patraydor na pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa pakikipag-usap pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sana sa Komprehensibong Kasunduan sa Repormang Pang-ekonomya at Panlipunan at ang pagsalaula sa mga nauna ng kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP ay tahasang naglantad dito sa pagiging inutil at wala ni katiting na pagnanais na lutasin ang mga pundamental na problema ng bansa. Ang matagumpay na ambus ng BHB ay sampal sa ipinagyayabang ni Duterte at ng AFP na “pupulbusin nila ang NPA” sa kalagitnaan ng 2019. Hangga’t hindi nalulutas ang mga ugat ng kahirapan ay mananatiling bangungot ng reaksyunaryong gubyerno at gulugod nitong mersenaryong AFP ang pagdurog sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Ipagdiwang ang Ika-50 taon ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

https://www.philippinerevolution.info/2018/10/15/ambus-ng-bhb-camarines-norte-sa-tropa-ng-96th-ib-matagumpay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.