Tuesday, August 22, 2017

NDF/KM-Ilocos: Mahal ng mamamayan ng Ilocos ang NPA

Kabataang Makabayan-Ilocos propaganda statement posted to the National Democratic Front Website (Aug 20): Mahal ng mamamayan ng Ilocos ang NPA  

Ni Karlo Agbannuag
Tagapagsalita
Kabataang Makabayan Ilocos

Nitong nakaraang Hulyo 22 ng taong kasalukuyan, naganap ang isang engkwentro sa pagitan ng AFP at NPA sa Brgy. Sorioan, Salcedo, Ilocos Sur. Sa mga pahayag ng militar, 5 ang nasugatan sa hanay ng AFP at isang babaeng NPA diumano ang napatay sa nasabing labanan. Samantala, sa pahayag ng Alfredo Cesar Command ng NPA at kwento ng mga magsasaka at mga taga-baryo, 10 ang kumpirmadong patay sa hanay ng AFP sa ilalim ng 81st Infantry Battalion (IB) samantalang wala namang naitalang kaswalti ang NPA. Ang ACC ang unit ng NPA na kumikilos sa probinsya ng Ilocos Sur.

Makalipas ang dalawang araw, 6 na magsasaka mula sa Brgy. Baybayading, Salcedo, Ilocos Sur ang iligal na inaresto ng mga tropa ng AFP noong Hulyo 25. Ayon sa pahayag ng mga magsasaka, inaresto sila ng mga sundalo dahil nilabag daw nila ang batas hinggil sa pagbabawal sa mga sibilyan sa mga encounter site. Pinakawalan din ang mga magsasaka sa araw ding yun matapos gamitin ang mga ito bilang human shield ng mga tropa ng AFP.



Ang kalakhan ng miyembro ng NPA ay nagmula sa hanay ng mga mahihirap na magsasaka at mamamayan. Sa rehiyon ng Ilocos, nagpapatuloy at mas sumasahol pa nga ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka at mamamayan. Ang kawalan ng sariling lupang sinasaka ng mayorya ng mga magsasaka sa rehiyon at kakulangan ng tulong at serbisyo mula sa pamahalaan ang nagtutulak sa napakaraming bilang ng mga magsasaka at mamamayan sa Ilocos na tumangan ng armas at magrebolusyon.

Sa ganitong kalagayan, kung saan tanging pagpatay at pananakot lamang ang alam na solusyon ng gobyernong namamayani sa ilalim ni Duterte, hindi nakapagtataka ang patuloy na paglakas at pagdami ng mandirigma ng NPA at ng buong rebolusyonaryong kilusan lalo na sa rehiyon.

Hindi na nakagugulat na mga mahihirap na magsasaka, mamamayan, mga sibilyan at di-armado ang pag-iinitan ng mga pasitang tropa ng AFP at PNP sa mga ganitong panahon at kalagayan. Suportado ng malawak na mamamayan ang rebolusyong inilulunsad ng NPA sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Ang NPA ang nakapagtataguyod ng kahilingan at karapatan ng mamamayan. Ang NPA ang nakapagbibigay ng mga serbisyong medikal at literasiya sa mga baryo at komunidad na kinalimutan na at pinagkakaitan ng mga lokal na pamahalaan. Ang NPA ang tumutulong sa mga magsasaka upang pataasin ang kanilang produksyon sa kanilang mga sakahan.

Hindi na nakagugulat ang pasismong iwinawasiwas ng gobyerno sa mamamayan dahil sa pagmamahal nito sa kanilang mga Pulang Mandirigma. Walang pag-iimbot naman itong sinusuklian ng mga mandirigma ng NPA at walang sawa rin nitong ipagtatanggol ang mamamayan laban sa atake ng mga pasista.

Sa kasalukuyan kung saan nagbabadya ang deklarasyon ng Batas Militar sa buong bansa, tiyak na mauulit lamang ang nangyari sa panahon ng diktador na si Marcos—lalong lalakas at ibayong darami ang NPA.

Ang kahirapan at abang kalagayan ng mga magsasaka at mamamayan ang nagtutulak sa mga ito upang tumangan ng armas at magrebolusyon. Pasistang gobyerno at malaganap na kahirapan ang pangunahing rekruter ng NPA sa rehiyon ng Ilocos at buong kapuluan. # nordis.net

https://www.ndfp.org/mahal-ng-mamamayan-ng-ilocos-ang-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.