NPA-Bikol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 12): Hinggil sa Panlilibak ng 9th IDPA sa CPP-NPA-NDF Bikol
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
12 July 2017
Kamakailan lamang, sunud-sunod ang ilinabas ng CPP-NPA-NDF Bikol na mga tala ng paglabag sa karapatang-tao ng kasundaluhan sa rehiyon. Ilinabas din sa madla ang tala ng mga apektadong mamamayan at komunidad ng mapangwasak na operasyong militar sa Mindanao na pinatindi ng deklarasyong ‘all out war’ at Batas Militar. Ngunit sa halip na sagutin ang usapin ng katakut-takot na pasismo at terorismo sa rehiyon at sa ibang panig ng bansa, nagkasya na lamang si Capt. Ronnie Madrinan sa pambabansag, paninirang-puri at pagpapakawala ng mga komentaryong hindi pinag-isipang mabuti. Liban sa panlilibak, ipinahayag niyang ang paniningil ng rebolusyonaryong buwis ng CPP-NPA-NDF ang dahilan kung bakit hindi umuusad ang usapang pangkapayapaan. Ayon sa kanya dapat maghanap na lamang ng trabaho ang mga rebolusyonaryo at tumigil na sa pakikidigma.
Para sa kaalaman ni Capt. Madrinan, humaharap ang NDFP at GRP peace panel bilang kinatawan ng dalawang magkapantay na entidad. Kung gayon, bilang isang gubyerno, may karapatan ang rebolusyonaryong kilusan na magpataw ng buwis sa eryang nasasakupan nito at hindi ito maaaring ituring na pangingikil. Gayundin, malinaw na nakahanay ang magiging adyenda ng usapang pangkapayaan. Sa kasalukuyan, nakatuon ang pulong sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (CASER). Dito pag-uusapan ang mga sosyo-ekonomikong repormang ipinapanawagan ng mamamayan tulad ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at nagsasariling patakarang panlabas. Sa puntong mapagkasunduan na ang lalamnin ng CASER, susulong ang usapan sa Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms (CAPCR). Dito papasok ang pagtalakay sa iba’t ibang patakaran ng dalawang gubyerno. Kabilang dito ang hinggil sa pagbubuwis. Hanggat hindi pa naaabot ang adyendang ito, mananatiling epektibo ang mga dati nang ipinapatupad na batas ng CPP-NPA-NDFP at GRP.
Kaya naman, walang kalituhan sa usapin ng legalidad ng pagpapataw ng buwis ng rebolusyonaryong kilusan. Pinatunayan lamang ng pahayag ni Capt. Madrinan ang kakapusan ng kanilang pag-intindi sa proseso ng usapang pangkapayapaan. Sa katunayan, ang paggigiit ng GRP na magbaba ng armas ang NPA sa halip na harapin na ang mga repormang tutugon sa kahirapan ng mamamayan ang siyang dahilan ng pagkaantala ng usapan.
Dahil ang tangan ng kilusan sa pagrerebolusyon ay ang mismong karaingan ng mamamayan, taos-pusong iniaalay ng bawat isa ang kanilang talino, lakas, panahon at buhay para sa pagsusulong ng digmang bayan. Mulat silang tanging sa pagtatagumpay ng pagbabalikwas ng mamamayan makakamit ang matagalang solusyon sa kahirapan at kawalang katarungan sa lipunan. Higit sa trabaho, buhay ng isang rebolusyonaryo ang paglilingkod sa taumbayan. Ito ang dapat na maintindihan ni Capt. Madrinan at ng kasundaluhan. Hindi tulad ng bayarang tropa ng gubyerno, hindi naghahangad ng anumang kapalit ang mga rebolusyonaryo.
Ngunit hindi na nakabibigla ang pahayag ni Capt. Madrinan. Walang ibang panggagalingan ang mga hindi pinag-aralang pahayag at komentaryong tulad nito kundi ang isang institusyong masigasig na papet ng imperyalistang US at walang pagrespeto sa talino at kakayahan ng mamamayang intindihin ang mga usaping panlipunan. Ang estilo sa propaganda ng kasundaluhan ay walang ipinag-iba sa isang bully o sangganong manghahamon na lamang ng suntukan kapag napahiya. Sa tuwing mayroong usaping hindi nila kayang sagutin o ‘di kaya ay napasisinungalingan ang kanilang mga gawa-gawang kwento, kaagad nilang ilinilihis ang usapan at ibinababa na lamang sa panlilibak. Nagtatago sa likod ng nagtatapang-tapangang imahe ng 9th IDPA ang katotohanang nagkakandarapa na sila sa pag-apula sa matalinong pagtatanong at pagsusuri ng mamamayan sa nangyayari sa lipunan.
Hinahamon ng NDF-Bikol ang 9th IDPA na kilalanin ang kakayahan ng mamamayan at pag-isipang mabuti ang kanilang mga pahayag. Nagkakamali sila kung sa tingin nila ay mapipigilan ng kanilang paninindak ang pag-aaral ng mamamayan tungkol sa lipunan. Sa halip na magpalaganap ng mga gasgas nang paninira, sagutin at panagutan nila ang mga usaping matagal nang sinisingil sa kanila ng taumbayan tulad ng patung-patong na kaso ng paglabag sa karapatang-tao.
Nananawagan din ang NDF-Bikol sa mga kasapi ng kasundaluhan na namumulat na mula sa kabulukan ng institusyong kasalukuyan nilang kinakaaniban. Laging bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa anumang tulong at suporta na nais nilang ipaabot. Naghihintay ang mamamayan sa tuluyan nilang pagtalikod sa pwersa armadang ilang dekada nang instrumento ng pagsasamantala.
Sa huli, hindi magmamaliw ang paniniwala ng rebolusyonaryong kilusan sa kakayahan ng mamamayang kilalanin ang tunay nilang kasama sa laban para sa mga demokratikong karaingan. Ang paglakas at paglawak ng rebolusyonaryong pwersa sa Kabikulan ang hindi maitatangging patunay ng patuloy na pagtangkilik ng masa sa tunay na gubyernong nagsisilbi sa kanila – ang CPP-NPA-NDFP.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.