New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 15): Okupasyon ng Kadamay, itinulak ng malawakang dislokasyon
Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
15 March 2017
Press Release
Sinusuportahan ng Melito Glor Command, New People’s Army Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang pag-okupa ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) sa 5, 280 bahay sa Padre Pio De Pandi Resettlement Project, Barangay Carong Bata, Pandi, Bulacan bilang paggiit ng kanilang karapatan sa pabahay.
Ayon kay Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng MGC-NPA ST, isa sa mga batayang pangangailangan ng tao ang magkaroon ng bahay kasama ng tubig, pagkain at pananamit kaya hindi natin masisisi ang mga maralita na angkinin ang mga nilumang, bangkanteng pabahay dahil matagal na dapat itong naipamahagi.
Nilinaw rin ni Ka Diego na kung hindi dahil sa kapabayaan ng reaksyunaryong gobyerno, hindi maoobliga ang kanyang nagdarahop na mamamayang mag-aklas at igiit ang nararapat nilang tinatamasa.
Malawakang dislokasyon sa kalunsuran
Ang Timog Katagalugan ay isa sa may malaking bilang ng mga maralitang taga-lungsod mula sa Metro Manila na nademolis ang mga tahanan at idinisloka sa mga proyektong pabahay sa Batangas, Rizal, Cavite, Laguna at Quezon.
Kalakip ng kanilang dislokasyon ay ang pagtanggal ng kanilang kabuhayan dahil sa layo ng mga proyektong pabahay sa kanilang pinagtatrabahuhan at maging sa mga serbisyong panlipunan kasama ang public utilities. Katulad ng mga ito ang Southville 1-7, Makativille sa Laguna, at iba pang mga pabahay sa Cavite, Rizal, Batangas at Quezon. Kumon sa mga lugar na ito ang mga hinaing ng mga maralita na walang tubig at kuryente, ospital, at paaralan para sa kanilang mga anak na wala sa panahong napatigil sa pag-aaral dahil inilipat. Karaniwan ding delikado ang pinaglipatan dahil binabaha, malapit sa mga riles ng tren, cell site, dump site, o fault line.
“Pinakamasahol pa, ang pagpapabayad sa mga maralita sa mga bahay samantalang pinaglaanan na ito ng pondo ng gobyerno. Samantala, matapos silang i-demolis, proyekto ng malalaking korporasyon ang papalit sa lupang tinirikan,” ani Ka Diego.
Dagdag ni Ka Diego, hindi rin sapat ang perang ipinampapalit ng reaksyunaryong gobyerno sa mga bahay na giniba nila, kaya napipilitan pa rin ang mga maralita na tumira sa mga pook na kadusta-dusta ang kalagayan o sa mga mumunting barong-barong yari sa murang materyales pagkatapos i-demolis. *
Malawakang dislokasyon sa kanayunan*
Sa kanayunan ng Timog Katagalugan, malawakan din ang demolisyon at pagpapalayas sa mga lupain ng mga magsasaka at mangingisda sa buong rehiyon.
Hindi ligtas ang mga magsasaka at mangingisdang pinalayas sa mga Hacienda Uy, Reyes, iba pang hacienda sa Bondoc Peninsula ng Quezon, sa pagtatayuan ng Atimonan Coal Fired Power plant sa Quezon, sa Laguna, sa Batangas, sa Rizal, mga baryo sa panabihan ng Laguna de Bay, tabing dagat ng Mindoro at Palawan, at mga lupaing ninuno sa buong Timog Katagalugan.
Sa Sitio Balacbacan, Brgy. Laiya, San Juan, Batangas, marahas na dinemolis ng mga bayarang goons at mga elemento ng Philippine Army at Navy ang daan-daang mamamayan sa baybay dagat para tayuan ng isang beach resort. Nakaamba ring i-demolis kapalit ng isang beach resort ang Brgy. Patungan at mga karatig na pamayanan sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas – Maragondon, Cavite border area.
Libo-libong mamamayan din ang i-dedemolish para sa pagtatayo ng Laiban Dam sa probinsya ng Rizal at Atimonan Coal-Fired Power Plant sa probinsya ng Quezon, kapwa mga proyekto sa balangkas ng Public-Private Partnership Program.
Sapilitang pinalilikas ang mga magsasaka sa mga hacienda para sa pagpapalit-gamit ng lupa tulad ng Hacienda Yulo na ginawang malawak na golf course, mga asyendang tinatayuan ng mga proyektong pabahay tulad sa Brgy. Madulao, Catanuan, Quezon at upang gawing mga rancho ng malalaking panginoong maylupa tulad sa Mindoro, Palawan at Bondoc Peninsula, Quezon.
Pinalalayas rin ang mga katutubo sa Mindoro, Palawan, Rizal at hangganang Quezon-Bicol upang bigyang daan ang malawakang dayuhang pagmimina at proyektong ekoturismo ng reaksyunaryong gobyerno.
Pakikibaka ng mamamayan para sa sosyo-ekonomikong pagkapantay-pantay
Paliwanag ni Ka Diego, sa kasalukuyang gobyerno na binabawasan ang lehitimong karapatan ng mamamayan upang bigyang daan ang interes ng mga dambuhalang korporasyon, hindi mapipigilan ang nag-aaklas na mamamayan.
Dagdag ni Ka Diego, “Kung ang reaksyunaryong gobyernong ay naglalayong maglingkod sa mamamayan, kailangan niyang pakinggan ang mga hinaing nito at hindi sa mga dambuhalang korporasyon.”
Ang pagkakaloob ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at pagkakaloob ng libre at de-kalidad na serbisyong panlipunan ay nakasaad sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (caser) na iginigiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) upang ipagkaloob ang mga lehitimo at batayang karapatan ng mamamayan katulad ng pabahay.
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170315-okupasyon-ng-kadamay-itinulak-ng-malawakang-dislokasyon
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.