Tuesday, March 21, 2017

CPP/Ang Bayan: Tuluy-tuloy na atake ng AFP sa mga magsasaka

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 21): Tuluy-tuloy na atake ng AFP sa mga magsasaka (Continuous attacks by the AFP on farmers)

Nagpapatuloy ang pagpatay ng mga ahente ng estado sa mga magsasakang inaakusahan nilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Gayundin, tuluy-tuloy ang iba pang pang-aatake ng AFP sa mga magsasaka sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.

Sorsogon. Hindi myembro ng BHB ang namatay na si Manuel Garais, 48, na binaril ng mga sundalo ng 31st IB habang sinasalakay nila ang isang yunit ng BHB sa Brgy. Tugas, Matnog noong Marso 16, alas-9 ng umaga. Taliwas ito sa ipinahayag ni Lt. Col. Randy Espino, kumander ng 31st IB. Ayon sa pamilya ng biktima, barangay tanod si Garais sa lugar at nagpapataya lamang ng loteng sa panahong iyon.

Camarines Norte. Pinatay ng mga sundalo sa ilalim ng 902nd IBde ng 9th ID ang isang sibilyan na kinilala sa apelyidong Obina noong Marso 15 sa Brgy. Itok, Capalonga. Pinalabas ng 9th ID na isa umanong myembro ng BHB si Obina at namatay sa isang engkwentro. Nakakuha pa umano ang mga sundalo ng armas at mga bala sa insidente.

Ayon kay Ka Carlito Cada, tagapagsalita ng BHB-Camarines Norte, walang naganap na engkwentro sa lugar. Ayon sa mga residente, sibilyang magsasaka si Obina na inakusahan ng mga sundalo na myembro ng BHB at pinatay. Kinilala ang pinuno ng mga sundalo na isang Sgt. Hernandez na nakabase sa kalapit na baryo ng Brgy. Mactang.

Basilan. Pinatay ng mga sundalo ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ang Bayan Muna coordinator na si Hadji Billamin Hassan matapos siyang arestuhin sa Brgy. Tum-os, Tabuan Lasa, Basilan noong madaling araw ng Marso 8.

 Ayon sa Suara Bangsamoro, si Hassan, na mas kilala bilang Ka Ben, ay beteranong lider ng progresibong partido na masugid na nagtatanggol sa karapatan ng mga Moro at bumabatikos sa matagal nang sabwatan ng AFP at Abu Sayyaf sa kidnap-for-ransom.

Sa operasyong isinagawa ng PNP-CIDG at mga sundalo ng Wesmincom, tatlong sibilyan pa ang naging biktima nang paputukan ng mga sundalo at pulis ang mga residente. Namatay si Nurmayda Abbi, isang-taong gulang, samantalang isa pang batang 11-taong gulang ang malubhang nasugatan. Patay din ang isa pang sibilyang si Nuruddin Muhlis.

 Kinalaunan, ibinalita ng AFP Wesmincom na napatay nila ang isang lider ng Abu Sayyaf, kasama ang tatlo pang mga myembro nito.

Agusan del Norte. Lumikas ang may 300 residente ng Brgy. Hinim- bangan, Kitcharao dulot ng matin- ding operasyon ng 29th IB mula Marso 14. Mula sa paaralang ele- mentarya ng barangay, lumipat ang mga bakwit patungo sa gymnasium ng munisipyo kinabukasan.

 Tinangkang bumalik ng ilang residente sa kanilang komunidad noong Marso 16, ngunit napilitan silang umatras matapos kanyunin ng mga sundalo ang palibot ng Hinimbangan.

Noong Marso 18, muling bumalik sa kanilang barangay ang lahat ng nagsilikas matapos umalis ang mga sundalo lulan ng anim na 6×6 na trak. Gayunpaman, nanumbalik ang kanilang takot nang dumating ang panibagong grupo ng mga sundalo.

 Davao Oriental. Sa Maragatas, Lupon, tinortyur ng mga sundalo si Eduardo Mandabon noong Marso 3 nang madaanan niya ang mga ito mula sa pagtitinda ng saging sa Sityo Tagada.

Ayon kay Mandabon, tinawag siya at ang kanyang kasamang si Noel Naredo ng mga sundalo na noo’y nakabase sa paaralan ng Sigang. Ipinadiskarga nila ang mga sako ng bigas na dala niya at ipinagpilitang para sa BHB ang mga ito. Nang itanggi ni Mandabon, tinutukan siya ng kutsilyo sa tagiliran. Para paaminin, pinakain sa kanya ang dala niyang asin at asukal, at gayundin ng sili at kamias.

 Liban dito, pinukpok siya sa ulo, at inutusan pang pukpukin ang sarili. Dinala siya sa likod ng paaralan at kinulata ng mga sundalo. Pinagsusuntok din ang kanyang ulo, dahilan ng kanyang pagkabingi.

Napilitan si Mandabon na sabihing para sa BHB ang dala niyang bigas nang tutukan siya ng baril ng mga sundalo.

 Ayon kay Mandabon, maging ang kanyang kasamang si Naredo ay sinaktan din ng mga sundalo. Matapos nito, dinala sila sa kapitan ng barangay at pinapirma ng kasulatang hindi sila sinaktan.

Cagayan. Sa Sto. Niño, ipinailalim ng mga sundalo ng 17th IB sa intimidasyon at pananakot ang mga kamag-anak ni Marlon Battad noong Marso 8 sa Sityo Calassitan, Brgy. Abariungan. Si Battad ay myembro ng Anakpawis at Project Officer ng CARE Shelter Assistance.

Patungo sa kanilang mga kaingin ang mga biktima nang harangin sila ng mga sundalo na noo’y nakapusisyong ambus. Ininteroga sila sa kinaroroonan ni Battad at sa mga aktibidad nito bilang myembro ng Anakpawis.

Isang araw bago nito, dalawa pang kababaryo ni Battad ang ininteroga ng mga sundalo. Ayon sa Karapatan-Cagayan Valley, okupado ng mga sundalo ang komunidad mula pa Nobyembre 2016.

Batangas. Sapilitang kinonsentra ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force, 59th IB at 202nd IBde ng Philippine Army ang 200 residente sa mga barangay ng Kaylaway at Aga sa Nasugbu, noong Marso 8.

Ayon sa mga ulat, sapilitang pinaalis mula sa kanilang mga sakahan at mga komunidad ang mga magsasaka at tinipon sa Balagbag Elementary School. Matapos umano magkaroon ng labanan sa pagitan ng BHB at mga sundalo, pinauwi na ang mga residente at inokupa naman ng mga sundalo ang paaralan. Kinundena ng mga organisasyon ng karapatang-tao at mga progresibong partido ang paghamlet ng AFP sa mga komunidad at pag-okupa sa mga sibilyang istruktura.

Mindoro. Pinasok ng mga pulis at sundalo noong Marso 8, alas-4 ng hapon ang kampuhang itinayo ng mga magsasaka sa Brgy. Mabini, San Jose, Occidental Mindoro. Tinakot ng mga ahente ng estado ang angkan ni Pio de Roda na matagal nang nag-papaunlad at nagsasaka ng lupain.

Marikina City. Iligal na inaresto ng PNP CIDG-NCR noong Marso 9 si Lilia Bucatcat, 70, organisador ng mga magsasaka sa prubinsya ng Samar sa matagal na panahon. Papunta si Bucatcat sa Marikina River Park upang ipasyal ang kanyang alagang aso nang siya ay arestuhin nang walang mandamyento. Ipinagkait sa kanya ang karapatang ipaalam sa kanyang pamilya ang pag-aresto, o kumuha man lamang ng ilang gamit.

Dinala si Bucatcat sa PNP CIDG-NCR sa Camp Crame at doon ipinailalim sa interogasyon. Matapos nito ay saka pa lamang ipinakita sa kanya ang warrant of arrest na naglalaman ng inimbentong kaso ng arson. Iniinda ni Bucatcat ang mga karamdaman dulot ng kanyang edad.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170321-tuluy-tuloy-na-atake-ng-afp-sa-mga-magsasaka/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.