Tuesday, March 21, 2017

CPP/Ang Bayan: Labanan ang todo-gera ng AFP, ang usapang pangkapayapan

Editorial from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 21): Labanan ang todo-gera ng AFP,  ang usapang pangkapayapan (Oppose all out war of the AFP, support the peace talks



Kaisa ng sambayanang Pilipino, ikinalulugod ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Nabuo ang gayong kaisahan sa nagdaang pag-uusap ng mga kinatawan ng dalawang panig nitong Marso 10-11 sa Utrecht, The Netherlands.

Nahihikayat ang Partido sa nabuong pagkakaisa na nagsasaad ng de-terminasyon na pagtuunan ng pansin at pabilisin ang pagbubuo ng kasunduan sa mga repormang sosyo-ekonomiko (CASER o Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms) at mga repormang pulitikal at konstitusyunal (CAPCR o Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms).

Nakahanda ang Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) na maglabas ng unilateral na deklarasyon para ibalik ang naunang tigil-putukan. Ito ay bilang pagsuporta at paghikayat sa pagbubuo ng CASER at pagpapakita ng kagandahang-loob para sa nakatakdang pag-uusap sa darating na Abril.

Dapat pakilusin ang malawak na sambayanan para itulak ang rehimeng Duterte na makipagkasundo sa NDFP sa CASER at CAPCR sa loob ng kasalukuyang taon, upang magkaroon ng pagkakataong maipatupad at mapakinabangan ng mamamayan ang mga ito sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ay nagbibigay ng pagkakataon kay Duterte na makipagkaisa sa sambayanang Pilipino sa kanilang paghahangad para sa makabuluhang reporma.

Kasabay ng pagpapatuloy muli ng usapang pangkapayapaan, dapat patuloy na palakasin ng masang manggagawa ang pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon at para sa umento sa sahod at singilin si Duterte sa kanyang mga pangako. Dapat paigtingin sa buong bayan ang mga pakikibakang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa, laluna para baklasin ang mga asyenda, igiit ang karapatang bungkalin at gawing produktibo ang lupa, at labanan ang pang-aagaw ng lupa ng mga panginoong maylupa, minahan at mga plantasyon.

Dapat paigtingin ng mamamayang Pilipino ang kanilang mga pakikibaka para singilin ang mga napakong pangako ni Duterte. Kaakibat nito, dapat palakasin ng lahat ng lihim at hayag na mga pambansa-demokratikong organisasyon sa kalunsuran at kanayunan.

Dapat samantalahin ng lahat ng pwersang pambansa-demokratiko ang usapang pangkapayapaan upang palakasin ang pagpapatampok ng pambansa-demokratikong linya at pagsusuri sa lipunang Pilipino at panawagan para sa rebolusyonaryong pagbabago sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ilunsad ang isang malawak na pambansa-demokratikong kampanyang edukasyon at propaganda.

Dapat bigyang-diin na ang mga saligang repormang hinihingi ng sambayanan ang siyang dapat na pagtuunan ng pansin sa usapang pangkapayapaan; at na ang kapayapaan ay hindi lamang usapin ng pagtigil ng gera kundi ang paglutas sa mga usaping dahilan ng gera.

Sa pagbabalik-bisa ng deklarasyong tigil-putukan, mulat ang Partido sa usapin ng nagpapatuloy na pagsakop ng mga armadong tropa ng AFP sa humigit-kumulang 500 baryo. Ginagamit ng AFP ang mga imprastrukturang sibilyan at inaagaw o sinasapawan ang trabaho ng mga ahensyang sibilyan (sa likod ng karatulang “paghahatid ng serbisyo”) upang ipataw ang armadong presenya ng mga tropa nito sa mga baryo.

Upang maging tunay na makabuluhan at kapakipakinabang sa bayan ang tigil-putukan, dapat ihinto ng AFP ang lahat ng operasyong paniniktik, saywar at kombat at armadong panunupil laban sa masang magsasaka at mga minoryang mamamayan.
Dapat ding ihinto ng AFP ang kriminal na panganganyon at paggamit sa mga helikopter at eroplanong pandigma para maghulog ng mga bomba at magpaulan ng bala malapit sa mga baryo na naglalagay sa mamamayan sa malaking peligro, sumasalanta sa kanilang kabuhayan at sumisira sa kapaligiran. Ilanlibong residente na ang napilitang magbakwit mula nang ideklara ni Duterte sa AFP na “patagin ang mga bundok.”

Dapat igiit ng mamamayang Pilipino sa AFP na ibalik sa baraks ng mga batalyon ang mga sundalo nito, at itigil ang kanilang pang-hahalihaw, panunupil at pambobomba. Kung hindi ito isasagawa ng AFP, mabilis na mawawalan ng saysay ang pakikipagtigil-putukan ng NDFP sa GRP.

Dapat aktibong labanan ng bayan ang militarisasyon sa mga baryo. Dapat mabilis na kumilos para magprotesta sa presensya ng mga armadong sundalo sa gitna ng mga kabahayan, sa paggamit ng mga barangay hall, paaralan, daycare center, health center at iba pang istrukturang sibilyan.

Mayaman ang karanasan sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan napalayas ang mga sundalo sa gitna ng mga baryo sa pamamagitan ng sama-sama at matapang na pagkilos ng mga magkakabaryo tulad ng komprontasyon sa mga sundalo, pagbabakwit o pagkakampo sa sentrong bayan. Dapat puspusang suportahan ng mga kalapit-baryo at ng mamamayan sa mga sentro o lunsod ang laban ng mga nasa baryo para ipagtanggol ang kanilang karapatan at kabuhayan.

Dapat tuluy-tuloy na palakasin ang BHB. Ilunsad ang malawakang rekrutment ng bagong mga Pulang mandirigma, kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Maglunsad ng mga teoretikong pag-aaral, praktikal na pagsasanay upang patatagin ang diwa, patalasin ang isip at palakasin ang katawan. Dapat manatiling mataas ang diwang mapanlaban ng BHB at hawak ang inisyatiba laluna sa harap ng patuloy na pananalasa ng kaaway.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170321-labanan-ang-todo-gera-ng-afp-bigyang-daan-ang-usapang-pangkapayapan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.