Monday, October 24, 2016

Youth Leadership Summit, isinagawa ng kasundaluhan sa Camarines Norte

From the Philippine Information Agency (Oct 24): Youth Leadership Summit, isinagawa ng kasundaluhan sa Camarines Norte (Youth Leadership Summit, organized by the army of Camarines Norte)

DAET, Camarines Norte -- Isinagawa ang tatlong araw na pagsasanay sa Provincial Youth Leadership Summit para sa mga kabataan sa layuning mabigyan sila ng hangarin bilang isang Pilipino at mabigyan ng bagong pananaw na may angking kakayahan na mamuno sa komunidad.

Pinangunahan ito ng 902nd Infantry Brigade ng Philippine Army (PA) ng Camarines Norte katuwang ang Provincial Youth Affairs Office (PYAO) ng pamahalaang panlalawigan sa Camp Busig-On ng Barangay Tulay na Lupa sa bayan ng Labo kamakailan.

Ayon kay Col. Rolando C. Manalo, brigade commander ng 902nd ng PA dito, ang kanilang pamunuan ay katuwang sa pagbabantay ng katahimikan at kapayapaan sa mga barangay, tutulungan ang mga kabataan upang maging malakas, masipag at marangal dahil sila ang mga susunod na mamumuno sa ating bansa.

Aniya, imulat rin sila na yakapin ang pagiging isang nasyunalismo at paano gumanap sa tungkulin bilang isang kabataang may pagmamahal sa bayan at lider na kanilang gagampanan.

Ayon naman sa pahayag ni Mariano E. Palma, provincial youth affairs officer, katulad ng isang aklat ang kanilang buhay na isinusulat na gawing makabuluhan at maganda ang bawat pahina upang mahikayat ang sinumang makakabasa nito.

Sinabi pa niya na kung nanaisin na makabuluhan ang mga aklat ay nakasalalay ito sa kanilang mga kamay subalit kung maganda ang huling bahagi ay maaari rin na tularan.

Umaabot sa 70 kabataan ang nabigyan ng pagsasanay mula sa mga pribado at pampublikong paaralan ganundin ang mga out-of-school ng lalawigan.

Ito ay upang hubugin ang kanilang husay at galing na maging isang responsableng mamamayan at maging bahagi sa mga isinusulong na programa ng pamahalaan.

http://news.pia.gov.ph/article/view/881476927134/youth-leadership-summit-isinagawa-ng-kasundaluhan-sa-camarines-norte

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.