From the Philippine Information Agency (Oct 24): ‘Battle of the Sibuyan Sea’ ginugunita ngayon ('Battle of the Sibuyan Sea 'remembered today)
ALCANTARA, Romblon --- Ginugunita ngayong araw ang 72nd Commemoration of Battle of the Sibuyan Sea na magkasabay na ginugunita sa bayan ng Alcantara at Cajidiocan bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga beteranong sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ayon kay Sangguniang Bayan Member Jose Luis S. Morales, ang pagdiriwang ng ‘Commemoration ng Battle of the Sibuyan Sea’ ay taunang isinasagawa bilang paggunita sa mga nangyari noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig kung saan nagpamalas ng kagitingan noong 1944 ang mga sundalong Amerikano at Pilipino laban sa mga Hapon na nagkaroon ng matinding sagupaan sa Sibuyan Sea na nasa pagitan ng Alcantara at Cajidiocan.
Ang Battle of the Sibuyan Sea noong Oktubre 24, 1944 ang naging simula ng Battle of Leyte Gulf kung saan napalubog ng mga Submarine at Aircraft Carrier ng Amerika ang napakalaking barkong pandigma ng Japan na “Musashi.”
Ang nasabing aktibidad ay hindi lamang tutukoy sa pagkapanalo ng Allied Forces sa pangunguna ng Estados Unidos at ng Pilipinas laban sa mga Hapon bagkus ay aalahanin rin ang kabayanihang ipinamalas ng mga sundalong namatay at nakaligtas sa pakikipaglaban noong digmaan.
Nagkaroon din ng Commemorative Exercise at pag-aalay ng bulaklak sa bayan ng Cajidiocan (Sibuyan Island) ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan para sa mga nasawi noong panahon ng digmaan.
Binuksan din ang isang exhibit na tampok ang mga larawan at lumang kagamitan ng mga sundalong Amerikano at Hapon noong World War II.
Simula pa noong 2006 ay ginugunita na ng lokal na pamahalaan ng Alcantara ang makasaysayang Battle of Sibuyan Sea kung saan nakatayo ang bantayog o historical marker nito sa naturang bayan na itinayo ng National Historical Commission.
http://news.pia.gov.ph/article/view/2161476327753/-battle-of-the-sibuyan-sea-ginugunita-ngayon
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.