Posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 21): Kamtin ang Makatarungan at Pangmatagalang Kapayapaan! (Achieve Just and Lasting Peace!)
Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid National Democratic Front of the Philippines
(National Peasant Confederation of National Democratic Front of the Philippines)
Mahigipit na sinusuportahan ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) ang nagaganap na negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Naniniwala ang PKM na maaaring magkamit ng mga tagumpay ang masang magsasaka sa pamamagitan ang negosasyong pangkapayapaan.
Sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan, malakas na naipapahayag ng NDFP ang mga programa nito bilang tunay na solusyon sa lumalalang krisis ng lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal na nagdudulot ng ibayong pagsasamantala sa mga magsasaka. Layunin ng usapang pangkapayapaan na lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa kanayunan kabilang na ang monopolyo at kontrol sa lupa ng malalaking panginoong maylupa at ang lumalalang kawalan ng lupa ng masang magasasaka sa isang panig.
Sa kasalukuyang yugto, alinsunod sa mga adyendang itinatadhana ng The Hague Joint Declaration, ay tinatalakay ng dalawang panig ang pagkakaroon ng isang comprehensive agreement on social and economic reforms (CASER). Ang sentro de grabidad ng burador ng NDFP sa CASER ay ang kambal na pangangailangan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. KInakailangan ang reporma sa lupa upang bigyang-wakas sa monopolyo sa lupa, libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang nagbubungkal at palakasin ang agrikultura upang matiyak ang malagong pinagkukunan ng pagkain, mga ilang hilaw na sangkap para sa industriya at malawak na palengke para sa mga produktong industriyal at agrikultural. Kailangan ang pambansang industrialisasyon para lumikha ng mga makina at iba pang abanteng kagamitan para sa agrikultura.
Kapanabay nito ay malakas na iginigiit ng NDFP ang kagyat na pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal. Kinakailangang palayain ng GRP ang lahat ng bilanggong pulitikal bilang pagtalima nito sa mga kasunduang muling pinagtibay ng dalawang panig partikular na ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG).
Sa kabila ng nagaganap na negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP ay lalong umiigting ang tunggalian sa pagitan ng uring magsasaka at malalaking panginoong maylupa at komprador. Nagpapatuloy ang pagpaslang sa mga magsasakang naggigiit ng karapatan sa lupa at lumalahok sa pampulitikang pakikibaka ng mamamayan. Nananatiling instrumento ng malalaking panginoong maylupa, mga dambuhalang korporasyong lokal at dayuhan ang militar at pulis sa pangangamkam at pagpapalayas sa mga magsasaka sa lupang pinagbubuwisan nila ng pawis at dugo. Kabilang dito ang naganap na masaker sa mga magsasaka sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, ang pagpaslang sa mga lider-magsasaka sa Isabela sa Hilagang Luzon at Compostela sa Timog Mindanao. Gayundin, ginamit ng kapulisan ang kampanya ni Duterte laban sa droga nang salakayin, illegal na arestuhin, at sampahan ng gawa-gawang kaso ang apat na magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan na naggigiit ng kanilang karapatan sa lupa.
Nagpapatuloy din ang paggamit ng karahasan upang supilin ang makatwiran at lehitimong protesta ng mga magsasaka at katutubo laban sa militarisasyon kanayunan at interbensyong militar ng US sa bansa. Tampok dito ang magkasunod na marahas na dispersal kamakailan laban sa mga magsasaka at katutubo mula sa Mindanao sa harap ng General Headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kampo Aguinaldo at sa harap ng US Embassy.
Sa harap ng nagaganap na usapang pangkapayapaan ay higit na nararapat na magpatuloy ang mga magsasaka sa pakikibaka. Anumang tagumpay na makakamtan sa usapang pangkapayapaan ay ibubunga ng malakas na kilusan at pagkilos ng mamamayan.
Dapat na tuluy-tuloy na lumahok ang mga magsasaka sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo sa kanayunan. Sa pamamagitan ng ibayong pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan ng mga magsasaka at mamamayan at pagpapaigting ng digmang bayan sa kanayunan makakamit ang tunay, makatarungan, at pangmatagalang kapayapaan.
Isulong ang Rebolusyong Agraryo at Armadong Pakikibaka!
Mabuhay ang Digmang Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang NDFP!
http://www.cpp.ph/kamtin-ang-makatarungan-pangmatagalang-kapayapaan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.