Monday, January 12, 2015

CPP/NDF: Paggamit ng “drone” ng imperyalismong US upang maniktik sa rebolusyonaryong kilusan, ilantad at itakwil!

NDF propaganda statement posted to the CPP Website (Jan 8): Paggamit ng “drone” ng imperyalismong US upang maniktik sa rebolusyonaryong kilusan, ilantad at itakwil! (Expose and oppose the use of a US "drone" to spy on the revolutionary movement)

Logo.ndfp
Geronimo Sakay (Ka Geron)
Spokesperson
NDFP Mt. Sierra Madre Chapter
 
Mariing kinokondena ng NDFP-Sierra Madre-Timog Katagalugan ang patuloy na pagyurak ng Imperyalismong Estados Unidos (USA) sa soberanya ng Pilipinas at ang pagiging sunud-sunuran ng rehimeng BS Aquino sa kagustuhan nito. Ang tuloy-tuloy na iligal na pagpasok ng mga eroplanong Amerikano sa himpapawid ng Pilipinas para maniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan ay malinaw na halimbawa nito.

Ang pagbagsak ng eroplano ng US sa paniktik o “unmanned aerial vehicle (UAV)” na mas kilala sa tawag na “drone” sa tabing dagat ng bayan ng Patnanungan, Quezon noong nakaraang Linggo ng hapon ay malinaw na katibayan na panghihimasok ng US at paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Ang nasabing AUV na isang BQM-74E na may lapad na 1.76 metro at may taas na .71 metro ay nakarehistro sa United States Navy. Ang nasabing AUV ay may “camera, sensors” at kagamitan sa komunikasyon at malaganap na ginagamit ng mga sundalong Amerikano sa kanilang operasyon paniktik.

Sa ulat na nakuha ng rebolusyonaryong kilusan sa Mt. Sierra Madre-TK mula sa mga mamamayan ng Hilagang Quezon at Polilio Group of Islands ay may napapansin silang kakaibang eroplano na nagpapabalik-balik sa himpapawid ng nasabing mga lugar bago pa ito bumagsak sa karagatan hanggang sa maanod at mapadpad sa Sitio Katakian, Barangay Busdak, Patnanungan, Quezon. Sa ganito ay malinaw na ginamit ng Gobyerno ng US ang nasabing AUV upang tiktikan ang kabundukan ng Sierra Madre sa presensya ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Matatandaan na ang Serra Madre ay may mahabang kasaysayan na naging kanlungan ng mga rebolusyonaryo mula pa sa panahon nina Gat. Andres Bonifacio hanggang sa kasalukuyang panahon.

Ang pahayag ng US Embassy sa Pilipinas na hindi ginagamit sa paniktik ang nasabing AUV ay malinaw na isang malaking kasinungalingan at pakonswelo de bobo ng gobyernong Amerikano. Nilalayon ng nasabing pahayag na linlangin ang sambayanang Pilipino at itago ang katotohanan na patuloy na niyuyurakan ng Imperyalismong US ang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas. Nakakabingi din ang katahimikan ng Gobyernong BS Aquino sa usapin. Tulad ng kanilang katahimikan sa usapin ng pagpatay ng sundalong Amerikano na si PFC. Scott Pemberton kay Jennifer Laude ay kinukunsinte din ng Rehimeng BS Aquino ang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas. Sagad-sarin ang pagkatuta ng Rehimeng BS Aquino sa Imeryalismong US. Balewala sa rehimeng Aquino na maghirap at patuloy na pagsamantalahan ng mga Amerikano ang Sambayanang Pilipino. Sa halip na ipagtanggol ay ibinibenta pa nito ang mamamayang Pilipino para pagsamantalahan ng imperyalismong US.

Ang rebolusyonaryong kilusan sa Sierra Madre-Timog Katagalugan patuloy na lalabanan ang panghihimasok ng imperyalismong US sa lipunang Pilipino. Patuloy itong magtatanggol sa interes ng sambayanan para ipagtanggol ang pambansang soberanya at kalayaan ng Pilipinas. Nakahanda rin ang rebolusyonaryong kilusan para labanan ang armadong panghihimasok ng Imperyalismong US. Anumang oras na salakayin ng mga sundalong Amerikano ang teritoryo ng Demokratikong Gobyernong Bayan na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP ay nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na armadong magtanggol at gapiin ang pananalakay ng mga sundalong Amerikano.

Nananawagan din kami sa lahat ng makabayan at patriyotikong Pilipino na ilantad at tutulan ang patuloy na pagyurak ng Imperyalismong US sa soberanya ng Pilipinas at itakwil ang pangangayupapa ng Rehimeng BS Aquino sa kagustuhan ng imperyalistang amo nito. Dapat na payabungin ang diwang makabayan at itaguyod ang interes ng sambayanang Pilipino.

ITAKWIL AT LABANAN ANG PANGHIHIMASOK NG IMPERYALISMONG AMERIKANO SA PILIPINAS!
LABANAN AT IBAGSAK ANG PAPET NA REHIMENG US-BS AQUINO!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20150108_paggamit-ng-drone-ng-imperyalismong-us-upang-maniktik-sa-rebolusyonaryong-kilusan-ilantad-at-itakwil

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.