Sunday, February 25, 2024

CPP/CIO: Kundenahin ang Masaker sa Bohol noong Pebrero 23! Hustisya sa Bilar 5!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 24, 2024): Kundenahin ang Masaker sa Bohol noong Pebrero 23! Hustisya sa Bilar 5! (Condemn the Massacre in Bohol on February 23! Justice in Bilar 5!)
 

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Marco Valbuena
Chief Information Officer
Communist Party of the Philippines

February 24, 2024

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilpinas ang pasistang rehimeng US-Marcos, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa pagmasaker sa limang nadakip na mga rebolusyonaryo sa Bilar, Bohol kahapon, at nakikiisa sa panawagan para bigyang hustisya sina Domingo Compoc, Hannah Cesista, Parlito Historia, Marlon Omosura at Alberto Sancho.

Ang lima ay nadakip nang buhay at ipinailalim sa kustodiya ng pasistang kriminal na tropa ng 47th Infantry Battalion at pulis ng Bohol kahapon ng umaga sa Sityo Matin-ao 2, Barangay Campagao, Bilar, Bohol. Sila ay ipinailalim sa matinding tortyur at saka walang kaawa-awang pinaslang.

Walang katotohanan sa mga pahayag na pinakakalat ng pulis na ang lima ay napaslang sa isang engkwentro. Pinaninindigan ng lokal na mga residente na walang engkwentrong nangyari sa umagang iyon. Ang nasaksihan ng mga residente ay ang brutalidad ng tropang pangkombat ng militar at pulis, na nangtortyur at pumaslang sa limang rebolusyonaryo.

Sa isang larawang patagong kinunan, makikita si Compoc, gapos ang mga kamay sa likod, na hawak ng isang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matapos madakip ng mga sundalo at pulis. Ang larawang ito ay kasalukuyang kumakalat sa mamamayan ng Bohol at sa social media.


Domingo Compoc (Ka Silong), is shown under the custody of a soldier of the 47th IB, shortly after he was arrested in Bilar, Bohol on February 23. He was later subjected to torture and executed by soldiers.

Si Compoc, na mahigit 60 taong gulang na, ay dumaranas ng arthritis at wala sa katayuang lumaban. Ipinailalim siya sa matinding tortyur sa harap ng maraming tagabaryo sa layuning maghasik ng takot sa kanila. Batay sa paunang impormasyong nakalap sa erya, si Ka Silong ay pinagtataga, at may malulubhang sugat sa kanyang leeg at tiyan na kanyang ikinamatay.

Si Cesista, sa kabilang panig, isang batang abugado mula sa Cebu na piniling maglingkod sa masang magsasaka at sa kanilang rebolusyonaryong kilusan sa Bohol, ay pinadapa ng mga sundalo sa lupa at pinagapang sa putikan bago siya tuluyang binaril at pinatay.

Ang sadyang pagpaslang kina Compoc, Casista, Historia, Omosura at Sancho matapos ang pagkakadakip sa kanila at pagpapailalim sa kustodiya ng militar at pulis ay napakalulubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Ang 47th IB at ang pulis ng Bohol, ang pamunuan ng AFP at PNP, si Marcos mismo, ay may pananagutan sa mga krimen sa digmang ito at dapat isakdal at parusahan sa kanilang karumal-dumal na gawain.

Kasalukuyan pang kinakalap ang dagdag na detalye kung paanong katulad na tinortyur at pinaslang ang iba pa nilang kasama. Tiyak na ang pagsasagawa ng isang post-mortem na awtopsiya sa lahat ng mga labi ng mga biktima ng masaker sa Bohol, ay makapagbibigay ng karagdagang detalye sa inisyal na nakalap na impormasyong isiniwalat ng komunidad at makatutulong sa pagbunyag ng buong nakapangingilabot na krimeng isinagawa ng militar at pulis.

Ang inisyal na mga detalyeng ibinigay ng mga saksi sa lokalidad ay tahasang kabaligtaran ng “nakalap na impormasyon” ng tinatawag na yunit ng “scene of the crime” ng Philippine National Police, na nakikipagsabwatan sa mga kriminal na pulis at militar para harap-harapang pagtakpan ang kanilang krimen.

Nananawagan ang Partido sa mamamayang Pilipino, mga asosasyong magsasaka, unyon ng mga manggagawa, grupo ng kabataan, mga abugado, sa midya, taong-simbahan, kababaihan at iba pa na magkaisa at manindigan kasama ang mga pamilya, kaibigan at minamahal sa buhay ng mga biktima ng masaker sa Bohol sa kanilang panawagan para sa hustisya.

Ang masaker sa Bohol ay pinakahuli lamang sa sunud-sunod na pasistang krimeng pakana ng AFP at PNP sa desperadong kampanya nito na wakasan ang armadong paglaban ng mamamayang Pilipino. Ang 47th IB, sa partikular, ang responsable rin sa pagpaslang kina Manuel “Loloy” Tinio noong Abril 4, 2023 sa Ubay, Bohol, at Arthur Jasper Lucenario noong Mayo 14, 2023 sa San Miguel, Bohol.

Sa pagsasagawa ng pasistang mga krimeng ito, nagtatagumpay lamang ang rehimeng Mrcos at ang AFP na ibayong udyukin ang mamamayang Pilipino na mag-armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at isulong ang kanilang adhikain para sa hustisyang panlipunan. Sa pagkasangkapan sa terorismo ng estado, ipinakikita lamang ng rehimeng US-Marcis kung bakit makatarungan at kinakailangan ang rebolusyonaryong armadong paglaban ng bayan, at kung bakit ito ang natatanging landas para sa mamamayan, laluna, para sa masang magsasaka sa kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Ang mamamayan at mayorya ng masang magsasaka sa Bohol, sa partikular, ay walang ibang masulingan kundi ang sama-samang makibaka at lumaban nang sandatahan. Sa Bohol, ang lupa ay nananatiling nasa kamay ng iilang panginoong maylupa, malalaking burgesyang kumprador at dayuhang malalaking korporasyon. Mayorya ng mga magsasaka ay mga kasamá (tenante) at inaapi sa napakatitinding porma ng pagsasamantala at dumaranas ng paghihirap at kagutuman. Inaagawan sila ng lupa ng malalaking plantasyong oil palm at mga proyektong ekoturismo.

Pinakamataas na parangal ang iniaalay ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng rebolusyonaryong kilusan kina Domingo Compoc, Hannah Cesista, Parlito Historia, Marlon Omosura at Alberto Sancho. Mga bayani sila ng sambayanang Pilipino na tumalikod sa lahat ng kaginhawaan para maglingkod sa masang naghihirap at api. Ang kanilang mga ambag sa adhikain ng mamamayang Pilipino ay hinding-hindi malilimutan.

Sa inspirasyon ng kabayanihan ni Francisco Dagohoy, na namuno sa paglaban ng Bohol sa loob ng higit walong dekada mula 1744 hanggang 1829 laban sa koloniyalistang pwersang Espanyol, ang masang magsasaka ng Bohol, kasama ang lahat ng api at pinagsasamantalahang masa ng sambayanang Pilipino, sa ilalim ng pamumuno ng Partido, ay determinadong magbangon at lumaban tangan ang armas, gaano man ito katagal, para isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya hanggang sa ganap na tagumpay.

https://philippinerevolution.nu/statements/kundenahin-ang-masaker-sa-bohol-noong-pebrero-23-hustisya-sa-bilar-5/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.