Thursday, October 19, 2023

CPP/NPA-Batangas: Teroristang 59th IBPA na nagmamalupit sa mga magsasaka ng Batangas, tinambangan ng NPA!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Oct 17, 2023): Teroristang 59th IBPA na nagmamalupit sa mga magsasaka ng Batangas, tinambangan ng NPA! (Terrorist 59th IBPA who brutalized the farmers of Batangas, ambushed by the NPA!)
 


Gregorio Caraig
Spokesperson
NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

October 17, 2023

Taas kamaong binabati ng Eduardo Dagli Command (EDC) at ng rebolusyonaryong mamamayan sa lalawigan ng Batangas ang isang yunit nito sa matagumpay na pananambang sa tropa ng teroristang 59th IBPA na ilang linggo nang nagmamalupit sa mga magsasaka sa kabundukan ng Lobo, Batangas.

Oktubre 16, 9:45 ng umaga, matagumpay na tinambangan ng isang yunit ng EDC ang isang iskwad ng teroristang 59th IBPA sa Barangay Bignay, Lobo, Batangas. Nasapol ng command-detonated explosive (CDX) at mga putok ng BHB ang mga pasista. Lima ang kumpirmadong kaswalti sa hanay ng berdugong 59th IBPA habang ligtas namang nakaatras ang yunit ng BHB nang walang anumang pinsala matapos nito.

Noon namang Oktubre 15, ganap na alas-9 ng umaga, sa parehong barangay, matagumpay na nakapaglunsad ng aktibong pagdepensa ang isang bahagi ng yunit ng BHB laban sa isinagawang pananambang ng yunit ng 59thIBPA sa Barangay Bignay. Mahusay nilang nakuha ang inisyatiba at nang masegurado na ang kaligtasan ng bawat Pulang mandirigma ay agad na nagkasa ng kontra-opensiba ang yunit at pinaputukan ang humahabol na tropa ng kaaway. Hindi na nakaganti ng putok ang mga pasista dahil sa kanilang nakamit na pinsala at nag-uunahang nagpulasan.

Ang mga pwersa ng 59th IBPA na tinambangan ng BHB ay walang tigil na nagsasagawa ng pagmamalupit at panghaharas sa mga magsasaka at mamamayan ng bayan ng Lobo, Taysan at San Juan sa kanilang isinasagawang nakapokus na operasyon.

Dahil sa pagkapahiya, naglabas ng pahayag sa kanilang FB account ang 59th IBPA upang takutin ang sinumang susuporta sa NPA at sa buong rebolusyonaryong kilusan. Ginamit pa nila ang mapanupil na Anti-Terror Law bilang banta sa mga mamamayan.

Nagbubunyi ang mga magsasaka at mamamayan ng Batangas sa matagumpay na pamamarusa sa mga berdugo at teroristang 59th IBPA. Nagpapasalamat sila, dahil sa unti-unti nang napaparusahan ang mga pumaslang sa 9-anyos na batang si Kyllene Casao sa Taysan at may sakit sa isip na magsasakang si Maximino Digno sa Calaca na walang awa nilang pinatay at pinaratangang NPA. Bago naman ang naganap na labanan, walang habas na namaril ang 59th IBPA sa mga magsasakang nakasalubong nila sa proseso ng operasyong militar.

Batid ng mamamayan na hindi nila tunay na hukbo ang 59th IBPA. Sila ay nagsisilbing protektor sa mapanirang pagmimina na isinasagawa sa kabundukan ng Lobo na sapilitang nagpapalayas sa mga magsasaka at wawasak sa kalikasan hindi lamang sa bayan ng Lobo kundi maging sa mga karagatan na bahagi ng protektadong Verde Island Passage.

Idineploy ng AFP ang pasistang tropa ng 59th Infantry Battalion sa Batangas mula Enero 2022 hanggang sa kasalukuyan na naglulunsad ng kanilang teroristang atake sa mamamayang BatangueƱo sa pamamagitan ng focused military operations (FMO). Tuluy-tuloy silang naghahasik ng lagim at takot sa mga magsasaka nang sa gayo’y masupil ang lahat ng porma ng paglaban ng mga mamamayan sa malalaking korporasyong minahan, panginoong may lupa at sa estado na promotor ng mga mapangwasak at mapaminsalang proyekto sa probinsya ng Batangas. Walang patid na sinuyod ng 59th IB, PNP-SWAT, pati ng mga pwersa ng CAFGU at SCAA ang mga kabundukan ng Lobo, Taysan at San Juan sa tabing ng ‘tuluyang pagdurog sa NPA,’ gayong ang kanilang tunay na pakay sa mga operasyong militar na ito ay isang clearing operation para walisin ang lahat ng sagabal sa muling pagratsada ng operasyong pagmimina ng Bluebird Ventures Inc.

Ang patuloy na pagtatanggol sa karapatan at interes ng masang BatagueƱo ang pangunahing dahilan sa walang maliw na pag-aaruga, buong pagtanggap at pagsuporta nila sa NPA. Hindi nila pinaniniwalaan ang itim na propaganda ng AFP-PNP at ilehitimong rehimeng US-Marcos II na sila ay nililinlang lamang o di kaya ay tinatakot ng NPA. Ang matinding krisis pang-ekonomiya na dulot ng malapyudal at malakolonyal na sistemang pinaghaharian ng uring malaking burgesya komprador, panginoong may lupa at burgesya-komprador na pinangingibabawan ng imperyalismo ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang paglawak ng NPA.

Hindi kailanman magmamaliw ang suporta ng mamamayan sa NPA dahil ito ang kanyang tunay na tagapagtanggol! Patunay ang ginagawang suporta ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng wastong impormasyon kung saan nakapwesto ang mga teroristang sundalo at sa kabilang banda ay kung paano naman igiya papunta sa ligtas na lugar ang mga NPA.

Mga makabayang pulis at sundalo, mga nakabababang opisyal at kawal ng AFP-PNP at CAFGU, inaanyayahan namin kayong bumaklas na mula sa bulok na sistema na pinagpapakasasaan ng inyong mga heneral at matataas na opisyal laluna ng mandarambong na Marcos-Duterte. May panahon pa upang kayo ay magbago at kumiling sa rebolusyonaryong hangarin ng mga mamamayan.

Ang mamamayan naman ng ating probinsya ay kinakailangang magkaisa upang palayasin ang perwisyong militar at tutulan ang mapanirang mga proyekto at protektahan ang likas na yaman ng ating bayan. Kinakailangang tumindig ang bawat isa at tanganan ang lahat ng anyo ng paglaban upang tuluyang mawakasan ang pamamaslang, panghaharas at paglabag sa karapatang pantao ng 59th IBPA sa ating bayan.

Nangangako ang NPA-Eduardo Dagli Command sa mamamayan na hindi mauubos ang kapasyahan nito upang ilunsad ang mga taktikal na opensiba laban sa mga protektor ng mapaminsalang proyekto tulad ng pagmimina ng Bluebird Ventures sa Lobo at laban sa mamamatay-taong 59th Infantry Battalion kasama na ang ilang taksil at nagpapagamit na dating NPA na hindi kayang magwasto.

https://philippinerevolution.nu/statements/teroristang-59th-ibpa-na-nagmamalupit-sa-mga-magsasaka-ng-batangas-tinambangan-ng-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.