Monday, October 2, 2023

CPP/NDF-ARMAS-Bicol: Hamon sa mga Bikolanong kagawad ng midya: isabuhay ang pakikibaka para sa malayang pamamahayag!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Oct 1, 2023): Hamon sa mga Bikolanong kagawad ng midya: isabuhay ang pakikibaka para sa malayang pamamahayag! (Challenge to Bicolano members of the media: live the struggle for a free press!)
 


Artista at Manunulat ng Sambayanan-Masbate
NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines

October 01, 2023

Bilang kapwa nakikibaka para sa tunay at malayang pamamahayag, hinihikayat ng Artista at Manunulat ng Sambayanan-Masbate ang mga kagawad ng midya sa Bicol na higpitan pa ang paghawak sa mga prinsipyo ng sinumpaang propesyon. Bilang mga alagad ng katotohanan, mahalaga ang inyong paninindigan para sa tama at makatwirang pamamahayag.

Sa kabila ng mga patunay na peke at kasinungalingan ang ilang mga pakanang engkwentro ng militar, walang pasubaling binibitbit ng ilang media outfits ang isinusubong balita ng AFP tungkol sa mga ito.

Pinakamatingkad dito ay ang pagbalita ng ilang malalaking radio stations sa Bicol tulad ng Bombo Radyo Legazpi na mga NPA ang mag-asawang sina Jover “Dodo” Villegas at Aimee Villegas na pinatay sa Barangay Nainday, bayan ng Placer noong Setyembre 21. Ito ay sa kabila ng sigaw ng mga kaanak at pagpapatunay ng mga lokal na upisyal na sibilyan ang mag-asawa.

Kara-karaka ring ibinalita bilang engkwentro ang nangyaring pagpapaputok ng militar sa hangganan ng Barangay Maanahao at Liong, parehong sa bayan ng Cataingan nito lamang Setyembre 29, 2023.

Tanong natin sa mga kaibigang kagawad ng midya, laluna sa Bombo Radyo Legazpi, patas at malayang pamamahayag bang maituturing kung ang isinusubong naratibo lamang ng militar ang inyong kinukuha kahit malayo ito sa katotohanan? Nasaan ang inyong pagsisikap na kuhain ang ibang panig, laluna ng mga biktima at kanilang kaanak?

Hindi maitatanggi ang pagkadismaya ng mga pamilya ng biktima at mga komunidad sa mga narinig nilang balita. Sa halip na makatulong sa pagsisiwalat ng katotohanan, nagsisilbing instrumento ang midya para magpakalat ng misimpormasyon at ipagkait ang katarungan para sa mga biktima.

Naiintindihan ng rebolusyonaryong kilusan na sa kasalukuyang bulok na sistema, ipinagkakait ng estado ang malayang pamamahayag. Ang impormasyon ay kontrolado ng iilang naghaharing mapagsamantalang uri. Totoo ito sa karamihan ng mga media outfits at personahe na nakatali sa interes ng pinagsisilbihang pulitiko at korporasyon.

Hindi rin maitatanggi ang panunupil ng estado sa mga alagad ng midya. Sa unang taon pa lamang ng rehimeng US – Marcos Jr., dalawa nang personahe sa midya ang pinatay. Sa Bikol, hindi lingid ang panggigipit at panghaharas ng AFP-PNP-CAFGU sa mga lokal na midya upang busalan ang kanilang boses, kontrolin ang impormasyon at itago ang katotohanan. Ilang mga istasyon ang pinagbawalan ng militar na magbasa ng anumang pahayag ng rebolusyonaryong kilusan.

Itinutulak ang mga kagawad ng midya na magpalamon sa bulok na sistema at isuka ang prinsipyo ng dyornalismo at maging mga tagakahol ng kasinungalingan ng naghaharing uri.

Subalit hindi ba’t bahagi ng anumang sinumpaang propesyon ang risgo at panganib, piliin mo mang bumitiw sa pinanghahawakang prinsipyo?

Kaya mas makatwirang manindigan at makibaka para sa malayang pamamahayag. Sa landas ng pagkakaisa, makakasama ng mga kagawad ng midya ang mamamayan sa paglaban sa anumang tangka ng estado na busalan at supilin ang kanilang boses. Maipapakita ito ng mga kagawad ng midya sa pamamagitan ng patas, etikal, obhetibo at makatwirang pagbabalita.

Para sa mga kagawad ng midya, walang ibang dapat panigan kundi ang interes ng api at pinagsasamantalahang mamamayan. Huwag hintayin ang panahong hindi na pinagkakatiwalaan ng masa ang mga institusyong pinakainaasahan nila para sa katotohanan.

Kaugnay nito, kinikilala ng ARMAS – Masbate ang pagpupunyagi ng mas marami pang kagawad ng midya sa prubinsya at sa buong rehiyon na manindigan para sa malayang pamamahayag sa pamamagitan ng patas, obhetibo at makatwirang pagbabalita. Pinipili nilang isabuhay ang prinsipyo ng sinumpaang propesyon anumang tangka ng estado na palabnawin ang kanilang paninindigan.

Sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyon tunay na makakamit ang malaya at maka-mamamayang pamamahayag. Kailanma’y kasama ng mga alagad ng katotohanan ang rebolusyonaryong kilusan sa pakikibaka para rito.

https://philippinerevolution.nu/statements/hamon-sa-mga-bikolanong-kagawad-ng-midya-isabuhay-ang-pakikibaka-para-sa-malayang-pamamahayag/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.