Wednesday, August 30, 2023

CPP/NDF-Southern Tagalog: Sa Internasyunal na Araw ng Pagkilos, Paigtingin ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 27, 2023): Sa Internasyunal na Araw ng Pagkilos, Paigtingin ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya! (On the International Day of Action, Intensify the struggle for national liberation and democracy!)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

August 27, 2023

Nakikiisa ang NDFP-ST sa Internasyunal na Araw ng Pagkilos para sa kilusang mapagpalaya sa Pilipinas na inilunsad ng Friends of the Filipino People in Struggle. Ikinalulugod ng sambayanang Pilipino ang suporta at pakikiisa ng mamamayan ng daigdig para sa rebolusyong Pilipino lalo sa gitna ng papatinding terorismo ng estadong kinakatawan ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.

Wala nang ibang napapanahong okasyon para ipagdiwang ito kundi ngayong anibersaryo ng Sigaw ng Pugad Lawin. Sa araw na ito, 127 taon nang nakalilipas, pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula na naghudyat ng armadong paglaban sa mananakop na Espanyol. Inagaw ng US ang tagumpay ng rebolusyong 1896 at sinaklot ang bayan hanggang ngayon. Sa harap nito, higit na nararapat ipagpatuloy ang sinimulang pakikibaka ng mga ninunong bayaning Pilipino sa inilulunsad ngayong bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng CPP, sa pangunguna ng NPA sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at kalahok ang iba’t ibang rebolusyonaryo sa pamamagitan ng mga alyadong organisasyon ng NDFP.

Ang kasalukuyang panahon ay kritikal na yugto sa Pilipinas lalo’t patuloy na sumisidhi ang inter-imperyalistang bangayan ng US at China. Walang tigil sa pang-uupat ang US ng gera sa China sa Asia Pacific. Kinakasangkapan nito ang mga bansa sa palibot ng China, kabilang ang Pilipinas. Kinakaharap ng mamamayang Pilipino ang lumalaking posibilidad na maging lunsaran ang bansa ng digmaan sa pagitan ng mga imperyalista.

Kasabwat ng imperyalismong US ang ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa pang-aapi sa sambayanang Pilipino. Lantarang iniaayon ang reaksyunaryong batas sa pagpapadulas ng mga di pantay na kasunduan at maluwag na pagdambong ng imperyalismo sa yaman ng bansa. Pinahintulutan ni Marcos Jr. ang agresibong panghihimasok ng mga pwersa at kagamitang militar ng US at mga kaalyado nito. Tampok ang sunud-sunod at masinsing ehersisyong militar sa teritoryo ng Pilipinas na bahagi ng pagpapamilyarisa ng US sa tereyn at karagatan sakaling pumutok dito ang gera. Sa kabilang banda, tusong nakikipagmabutihan ang rehimen, laluna ang nakalipas na rehimeng Duterte sa China upang makaganansya sa mga pondo, pautang at iba pang kasunduang pang-ekonomiko at militar. Malamang na isinuko na rin nito ang soberanong karapatan at patrimonyang yaman sa ilang teritoryo ng Pilipinas sa China bilang kabayaran.

Kapalit ng pagpapakatuta ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa imperyalismong US ang kanilang pananatili sa kapangyarihan. Ginagamit nito ang pasismo ng estado para supilin ang pakikibaka ng mamamayan at ipagkaloob ang interes ng imperyalismo at lokal na naghaharing paksyon. Kaakibat ng pagpapasok ng pondo at kagamitang militar ng US laban sa China ang paghagupit ng terorismo sa bayan sa pamamagitan ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang nakabalangkas sa US Counter-insurgency Guide. Sa unang taon pa lamang ni Marcos, naitala ang 104 pinatay o katumbas ng dalawang pinapaslang ng estado kada linggo.

Nauulit ang kasaysayan sa pagtataksil nina Marcos Jr. at kanyang mga alipores kagaya ng ginawa ng mga ilustradong paksyon nina Emilio Aguinaldo sa mamamayan sa rebolusyong 1896 at digmaang Pilipino-Amerikano. Tulad ng nakaraan, hinusgahan sila ng mamamayang Pilipino bilang mga palpak, inutil at pasistang reaksyunaryo. Sinisingil sila ng sambayanan, lalo ng mga tunay na makabayang Pilipino, sa kanilang karuwagan at pagtatraydor. Ang isinusulong ng mamamayang Pilipino na demokratikong rebolusyong bayan ay naglalayong ibagsak ang bulok na estado na pinangunguluhan ng mga taksil.

Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng makabayan, mapagmahal sa kalayaan at demokrasya at progresibong Pilipino na isulong ang pakikibaka para sa tunay na pambansang pagpapalaya. Ilunsad ang iba’t ibang anyo ng paglaban — ligal, mala-ligal at armado para bigwasan ang imperyalismo at mga lokal na alipores nito. Tuluy-tuloy na makipagkaisa sa mamamayan sa ibayong dagat para ihiwalay ang imperyalismong US at China.

Ikinalulugod ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas ang aktibong paglahok ng mga Pilipino at iba pang mamamayan sa ibayong dagat sa pakikibaka sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas. Ang magiting nilang paglaban sa bakuran mismo ng imperyalismo at pagpapaabot ng karaingan ng mga Pilipino ay dagdag inspirasyon para sa pambansa-demokratikong pwersa. Marapat pa nilang ipagpatuloy ito lalo ang paniningil sa kainutilan at pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa imperyalismo. Tuluy-tuloy na mag-organisa ng mga kapwa aping mamamayan sa ibayong dagat na handang sumuporta hanggang sa makipamuhay at magpasyang buong panahong mag-ambag sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Nasa tamang landas ang rebolusyong Pilipino sa pagtanaw nito sa sosyalismo matapos ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan. Ang pagwawagi ng rebolusyong Pilipino ay dakilang ambag sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Buong giting na ipaglalaban ng CPP-NPA-NDFP, kasama ang sambayanang Pilipino at suporta ng mamamayan sa ibayong dagat, ang pambansang kasarinlan, integridad at soberanya laban sa mga imperyalista.###

https://philippinerevolution.nu/statements/sa-internasyunal-na-araw-ng-pagkilos-paigtingin-ang-pakikibaka-para-sa-pambansang-pagpapalaya-at-demokrasya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.