Wednesday, August 30, 2023

CPP/NDF-Southern Tagalog: Pahirap na taas-presyo ng mga produktong petrolyo at bigas, resulta ng neoliberal na patakaran

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 27, 2023): Pahirap na taas-presyo ng mga produktong petrolyo at bigas, resulta ng neoliberal na patakaran (Harsh increase in prices of petroleum products and rice, result of neoliberal policies)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

August 27, 2023

Napatutunayang walang ibang aasahan ang bayan sa ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte kundi ibayong kahirapan sa sunud-sunod na taas-presyo partikular sa langis at bigas. Inutil ito sa harap ng modus ng mga kumpanya ng langis na linggu-linggong pag-aakyat ng presyo ng produktong petrolyo habang hinahayaang umalagwa ang presyo ng bigas. Malinaw na sa ilalim ng rehimen, patuloy na mananalasa ang malulupit at bulok na neoliberal na patakarang dikta ng imperyalismo sa papet na republika sa Pilipinas.

Ang di maawat na pagtaas ng mga presyo ay nagpapalalim sa galit ng taumbayan sa tambalang Marcos-Duterte. Umakyat ang presyo ng mga produktong petrolyo na sumusunod: P4/litro sa diesel, P0.50/litro sa gasolina at P2.75/litro ng kerosin noong Agosto 8. Ang taas-presyo sa diesel ang pinakamataas nito ngayong taon. Papatong ito sa malaking taas-presyo noong unang linggo ng Agosto. Mula rito, tiyak ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil tataas ang gastos sa transportasyon ng mga kalakal at operasyon ng mga makinarya na gumagamit ng langis. Lumalakas ang namumuong panawagan sa hanay ng mga drayber at opereytor na magtaas ng pamasahe para bawasan ang epekto ng napakamahal na krudo sa kanilang kita. Bukod sa produktong petrolyo, nagmahal din ang singil sa LRT2 at mga utilidad.

Diretso naman sa sikmura ang tama ng matarik na taas-presyo ng bigas, na mula huling linggo ng Hulyo ay nadagdagan ng P7/kilo. Sa mga palengke, nasa pagitan ng P40-P52/kilo ang well-milled na bigas. Higit doble ito sa presyo ng parehong klase ng bigas na P19.98/kilo noong 2003 batay sa datos ng Philippine Rice Research Institute. Sa laki ng itinaas ng presyo ng bigas, napilitan na ang Department of Agriculture, kung saan nangangalihim si Marcos Jr., na amining hindi posible ang P20/kilong pangako ng ilehitimong pangulo.

Pinasisinungalingan ng sitwasyon ang tinuran ni Marcos Jr. noong SONA na nagtagumpay ang kanyang gubyerno na pababain ang presyo ng mga produkto at kontrolin ang implasyon. HIndi mapagtatakpan ang katotohanang lumalala ang kahirapan at dumarami ang nagugutom sa ilalim ng rehimeng US-Marcos-Duterte. Nadagdagan ng 1.5 milyon ang bilang ng mga pamilyang naghihirap o nasa hangganan ng kahirapan ngayong Hulyo 2023 mula Hulyo 2022. Kahit sa simpleng kwentada ay malinaw na kapos ang napakababang minimum na sahod, na wala pa sa kalahati ng family living wage, para makakain nang sapat ang isang manggagawa at kanyang pamilya. Napakatindi na ng pambubusabos sa bayan ngunit pinasasahol pa ito ng mga nakaiinsultong komentaryo ng mga burukrata na “magtiis” o ”magtipid”.

Tulad ng mga sinundang inutil at tutang rehimen, nililinlang ng administrasyong Marcos-Duterte ang bayan sa pagpapakete sa mga taas-presyo bilang mga hindi mapipigilang kaganapan na nakabatay sa paggalaw ng pandaigdigang merkado. Mistulang taga-abiso lang sa publiko ang mga ahensya ng gubyerno tuwing maiisipan ng mga kumpanya sa langis na magdagdag-presyo. Sa kaso ng bigas, pinauugong ng gubyerno ang senaryong nanganganib ang suplay kaya’t nagiging mahal ang presyo nito. Isa pang tusong katwiran ang pagsasabing itinutulak ng pagtaas ng presyo ng palay sa farmgate ang taas-presyo ng bigas, sabay ang kongklusyon na “tapos na ang panahon ng murang pagkain”. Pinagbabangga ng mga burukrata ang interes ng konsyumer para sa murang pagkain at interes ng magsasaka para sa sapat na presyo ng palay sa farmgate—isang napakaruming taktika para ipatanggap sa mamamayan ang napakamahal na presyo ng bigas.

Kung anu-anong kalokohan ang isinusubo ng gubyerno sa publiko subalit ang totoo, ipinaubaya nito sa imperyalismo ang kapangyarihang kontrolin ang presyo ng mga susing kalakal. Tuluyang winasak ng neoliberal na imperyalistang globalisasyon hindi lamang ang mga estratehikong industriya ng bansa kundi maging ang agrikultura laluna ang industriya ng palay at bigas. Ganito ang nangyari sa langis sapul nang ipinasa ang Oil Deregulation Law (ODL) noong rehimeng US-Ramos at tuluyan namang hinayaan ang mga kartel at ismagler na manipulahin ang presyo ng bigas matapos isabatas ang Rice Tariffication Law (RTL) sa ilalim ng matandang Duterte.

Naging batas ang ODL at RTL alinsunod sa neoliberal na kaayusan ng daigdig kung saan ipinatutupad ang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon, at denasyunalisyon sa mga mahihirap na bansa upang higit na magkamal ng tubo ang mga pribadong korporasyon at mga imperyalistang kapangyarihan. Nagpailalim sa mapagsamantalang kaayusang ito ang reaksyunaryong republika ng Pilipinas dahil sunud-sunuran ito sa US. Ahente ng kaayusang ito ang mga organisasyon tulad ng World Trade Organization (WTO) na tagapagpatupad ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at mga kasunod pang kasunduan tulad ng Agreement on Agriculture na nagtakda ng pag-aalis sa lahat ng restriksyon ng mga bansa sa kalakalan ng mga produktong agrikultural. Mula dekada 70 at 80 nang ipataw ng US ang mga patakaran ng neoliberal na globalisasyon sa mga kolonya at malakolonyang tulad ng Pilipinas, lalong bumagsak ang kabuuang bahagi ng agrikultura sa GDP (mula sa 1/3 ay naging 1/12 hanggang 2010). Ito rin ang nagbunsod ng pagbaba ng taripa sa importasyon ng bigas sa pamamagitan ng RTL at ang inilalarga ng rehimeng Marcos-Duterte na todong importasyon ng asukal.

Dahil puso ng bulok at naghaharing sistema ang neoliberalismo, hindi masosolusyonan ng mga pakitang-taong hakbang ng reaksyunaryong estado ang napakataas na presyo ng mga bilihin. Sa harap ng sunud-sunod na taas-presyo, nawawalan ng saysay ang mga mumong ayuda na ipinagmamalaki ng gubyerno tulad ng fuel subsidy. Iilan lang din ang nakikinabang sa mas murang bigas sa mga Kadiwa outlet dahil lubhang kakaunti naman ang nasasaklaw ng proyektong ito. Masahol pa, hindi inaalis, bagkus ay pinalalawig at pinalalaki pa ang mga buwis na konsyumer ang pumapasan sa huli. Kabilang dito ang excise tax sa langis at E-VAT na dati nang ipinapanawagang alisin para kagyat na mabawasan kahit papano ang presyo ng mga bilihin. Tahasang sinasabi ng mga burukrata na hindi tatanggalin ang mga pabigat na buwis dahil ayaw nitong bawasan ang kita ng gubyerno.

Malinaw ang kainutilan at kawalang puso ng paksyong Marcos-Duterte na nanonood lamang habang hinahambalos ng taas-presyo ang mamamayang Pilipino. Tumpak lamang na tawagin itong isang anti-mahirap at papet na rehimen na walang ibang dulot kundi pasakit sa bayan.

Kailangan lumaban ang nagkakaisang mamamayan upang igiit ang kagalingan ng bayan at pagbabasura sa mga patakarang neoliberal. Dapat magsama-sama ang mga magsasaka, manggagawa, maralitang lungsod, katutubo at lahat ng mga api’t pinagsasamantalahang sektor ng lipunan sa pagrerehistro ng kanilang kahilingang ibaba ang presyo ng mga pangunahing kalakal. Katambal nito ang pagpapalakas ng pambansang pakikibaka para sa taas-sahod at pagtataas ng presyo ng mga produktong bukid. Dapat ilantad ang kasamaang idinulot ng mga batas sa Oil Deregulation at Rice Tariffication. Makakatulong dito ang mga pananaliksik at akademikong pag-aaral na maglalantad sa epekto ng pananalasa ng mga neoliberal na patakaran.

Sa harap ng umiigting na krisis ng imperyalismo, higit kailangang itambol ang pagtutol sa neoliberalismo at igiit ang pagkalas ng Pilipinas sa mga kasunduan sa kalakalan na nagpapataw nito. Nasa ubod nito ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Isulong ang pagsasabansa ng mga susing industriya tulad ng langis at pagpapaunlad ng sariling produksyon ng pagkain upang hindi lubusang umasa sa di-istableng pandaigdigang merkado. Makipagkaisa sa mga mamamayan ng daigdig na nagtatakwil sa neoliberalismo. Ang pagbubuo ng internasyunal na pagkakaisa ay mahalagang sangkap sa laban para ibagsak ang imperyalismo.

Kasama sa programa ng pambansa demokratikong rebolusyon ang pagtakwil sa imperyalismo at sa mga ipinataw nitong neoliberal na patakaran sa Pilipinas. Itinataguyod nito ang pambansang industriyalisayon at tunay na reporma sa lupa bilang salalayan ng pambansang kaunlaran at pagtatatag ng tunay na nagsasariling ekonomya. Sa ganito makatitindig ang bayan sa sariling paa at malalabanan ang imperyalismo.###

https://philippinerevolution.nu/statements/pahirap-na-taas-presyo-ng-mga-produktong-petrolyo-at-bigas-resulta-ng-neoliberal-na-patakaran/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.