Sunday, March 5, 2023

CPP/NDF-Southern Tagalog: Paigtingin ang mga pakikibakang bayan laban sa pangwawasak at pandarambong ng dayuhang pagmimina!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Mar 3, 2023): Paigtingin ang mga pakikibakang bayan laban sa pangwawasak at pandarambong ng dayuhang pagmimina! (Intensify the people's struggles against the destruction and plunder of foreign mining!)



Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

March 03, 2023

Makatarungan at nararapat na paigtingin ang mga pakikibaka ng mamamayan laban sa pagmimina sa harap ng mga pakana ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte na isulong ito bilang “solusyon” sa bagsak na ekonomya ng Pilipinas matapos ang pandemya. Kaisa ang NDFP-ST sa pakikibaka ng sambayanan para tutulan at pigilan ang mapaminsalang pagmimina sa rehiyon at buong bansa. Naging tampok sa rehiyon ang mga barikada ng mga residente ng Sibuyan Island, Romblon para pigilan ang pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation at Brooke’s Point, Palawan laban sa pagmimina ng Ipilan Nickel Mining Corp. nitong Pebrero.

Ibinukas ang Pilipinas sa mapaminsalang pagmimina matapos isabatas ng rehimeng US-Ramos ang Mining Act of 1995. Layon nitong mang-akit ng dayuhang pamumuhunan sa ngalan ng pagpapaunlad ng ekonomya ng bansa. Nagbigay ito ng napakaraming insentibo kagaya ng karapatang magmay-ari sa lupa, apat na taong income tax holiday, value added tax exemptions at iba pa sa mga kumpanya ng mina. Higit tatlong dekada nang umiiral ang batas na ito na nagpahintulot sa pananalasa ng mga kumpanyang mina sa bansa lalo ang mga galing sa bansang US, Australia, Japan, Canada at China at iba pa. Walang pangil ang batas na singilin ang mga kumpanyang ito sa mga paglabag at pinsalang idinulot sa kalikasan at mamamayan.

Sa kabila nito, ipinagpatuloy ng mga rehimen sa nakaraang tatlong dekada ang pagbukas sa Pilipinas sa pagmimina. Katunayan, inilalako mismo ni Marcos Jr. ang Pilipinas sa mga bansang pinuntahan niya. Sa Japan, nakipagpulong siya sa mga kinatawan ng kumpanyang Sumitomo para sa pag-eeksport ng dagdag na nickel at pagtatayo ng plantang magpoproseso ng nickel sa Pilipinas. Nagpapakana pa siya ngayon ng charter change na magpapahintulot sa 100% pagmamay-ari ng mga imperyalistang kumpanya sa mga patrimonyang yaman ng bansa. Kabilang sa mga makikinabang dito ang mga dambuhalang kumpanya ng mina. Ang mga hakbanging ito ni Marcos Jr. ay alinsunod sa interes ng imperyalismong US na humuthot ng murang hilaw na materyales mula sa mga malakolonyang bansa upang maisalba ang naghihingalo nitong ekonomyang nasa krisis ng monopolyo kapitalismo.

Sa balangkas ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng Pilipinas kung saan ang ekonomiya ay nakaasa sa pag-iimport ng yaring produkto at pag-eeksport ng murang hilaw na materyales, hindi kailanman nakinabang ang mamamayang Pilipino sa pagmimina. Sa pamamagitan ng Mining Act of 1995, tuso ang mga kumpanyang mina na kinukuha hindi lamang ang mga inirehistro nilang mineral kundi maging ang troso at iba pang likas na yaman sa lupa nang libre at walang katumbas na buwis. Hindi kataka-takang mababa ang kita ng Pilipinas sa pagmimina na aabot lamang ng 1.3% sa gross domestic product noong 2022 habang nasa US$12.72 bilyong halaga ng mineral ang nahuthot ng mga imperyalista.

Habang kumikita nang limpak-limpak na salapi ang mga imperyalista, iniiwan nitong wasak ang kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan. Buhay na halimbawa sa rehiyon ang pagkawasak ng look ng Calancan, Boac at Mogpog River sa Marinduque buhat ng pagtatapon ng kumpanyang Marcopper ng higit 200 milyong tonelada ng nakalalasong dumi ng mina rito. Dinaranas din ngayon sa buong bansa ang walang kaparis na sakuna dahil sa pagmimina. Sa simula pa lamang ng taon, tumambad ang malaking pagbaha sa buong bansa. Sa rehiyon, tampok ang pagbaha sa Brooke’s Point, Palawan nang dahil lamang sa tuluy-tuloy na pag-ulan. May mga ulat ding ng matinding pagbaha sa ilang bayan sa Oriental Mindoro at sa iba pang bahagi ng Pilipinas.

Nagresulta rin ang pagmimina sa malawakang dislokasyon sa mga pambansang minorya sa kanilang lupaing ninuno. Naging endangered o nanganganib na maubos ang mga endemikong hayop at halaman sa mga lupaing isinailalim sa mga kontrata ng pagmimina.

Dagdag pang pasakit ang militarisasyon sa kanayunan upang supilin ang pagtutol at paglaban ng mamamayan sa pagmimina. Nagsisilbing bantay at pribadong goons ang AFP-PNP ng mga dayuhang kumpanya ng mina. Inaatake ng AFP-PNP ang nakikibaka kontra-mina. May mga kaso ng panghaharas at pagpatay sa mga kilalang lider at pangre-red-tag sa mga grupong makakalikasan.

Nararapat ang patuloy na pagsusulong ng pakikibaka ng bayan para labanan at tutulan ang dayuhang pagmimina. Buuin ang malapad na hanay ng mamamayan para pigilan ang operasyon ng mapaminsalang pagmimina. Ibasura ang Mining Act of 1995 at igiit ang pagtatakda ng moratorium laban sa mapaminsalang pagmimina. Ipanawagan ang pagkakansela ng mga kontrata ng dayuhan at mapaminsalang pagmimina at palayasin ang mga ito.

Maasahan ng mamamayang Pilipino ang rebolusyonaryong kilusan bilang tunay na tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kalikasan at tagapagtanggol ng pambansang soberanya laban sa imperyalistang pandarambong. Nasa programa ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms ng NDFP ang pangangalaga sa kalikasan at rehabilitasyon habang minamaksimisa ang mga patrimonyang yaman para sa bayan. Pinatunayan din ng NPA, ang tunay na Hukbo ng mamamayan, na sila ang tunay na tagapagtanggol ng bayan at kalikasan. Naglulunsad sila ng mga punitibong aksyon laban sa mga kumpanyang mina upang pigilan ang mga mapaminsalang operasyon nito.###

https://philippinerevolution.nu/statements/paigtingin-ang-mga-pakikibakang-bayan-laban-sa-pangwawasak-at-pandarambong-ng-dayuhang-pagmimina/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.