Posted to the Mindanao Examiner (Mar 5, 2023): MILF, dapat disarmahan! (MILF, must be disarmed)
‘Mga gobernador ng BARMM nagsumbong kay Pangulong Marcos’COTABATO CITY – Hinihiling sa Malakanyang ng mga gobernador ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na madaliin ang pagdi-disarma o decommissioning process sa mga armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang pagpapaliban ng barangay polls sa Oktubre dahil sa problema ng peace and order sa ilang lalawigan ng BARMM.
Naglabas ng pahayag sina Basilan Gob. Jim Salliman Hataman, na kapatid ni Deputy Speaker Mujiv Hataman; Sulu Gob. Sakur Tan, Tawi-Tawi Gob. Yshmael Sali at Maguindanao Gob. Mariam Sangki-Mangudadatu at ibinigay ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pahayag ay isinumite matapos na tambangan ng mga armado si Lanao del Sur G0b. Mamintal Adiong Jr sa bayan ng Maguing, na kilalang kuta ng MILF. Sugatan si Adiong sa atake na ikinamatay ng kanyang apat na security escorts at isang aide. Sa naturang bayan rin binihag ng MILF ang 39 na miyembro ng Special Forces ng Philippine Army kamakailan lamang.
Hiniling rin ng mga gobernador kay Marcos na imbestigahan ang naturang ambush kay Adiong na naganap noong Pebrero 17.
Maging ang mga serye ng patayan at karahasan sa North Cotabato, Maguindanao at Cotabato City ay inungkat rin ng mga gobernador dahil sa pangamba ng publiko sa seguridad sa kanilang lugar na nasa ilalim ng pamamahala ni Murad Ebrahim, ang pinuno ng MILF at ngayon ay gobernador ng BARMM.
Matatandaaan lumagda ng peace agreement ang MILF at pamahalaan noong 2014, subalit hindi naman isinusuko ng mga dating rebelde ang kanilang mga armas at lalo pa umanong dumami ang mga miyembro nito at lumawak rin ang mga kampo.
Sa kabila ng peace agreement, maraming mga grupo ng MILF rin ang naglalaban-laban sa isa’t-isa at patunay lamang ito sa kaguluhan sa BARMM na pinatatakbo ng dating mga rebelde. Hawak rin ng mga lider ng MILF ang iba’t-ibang posisyon sa mga opisina at departamento ng BARMM.
MILF-Salamat Wing
Noong nakaraang taon lamang, hiniling ng MILF-Salamat wing sa pamahalaang Marcos na magsagawa ng full accounting at audit sa bilyon-bilyong pisong pondo ng BARMM at maglunsad ng lifestyle checks sa mga opisyal nito.
Sa ulat ng Rappler, sinabi ni MILF-Salamat wing chairman Abdulfatah Delna na nasa P75-bilyon ang natatanggap ng BARMM bawat taon at dapat lamang na magkaroon ng accounting sa nasabing kaban ng bayan.
“BARMM government must publish the whereabouts of public funds it managed from its inception in March 2019…in accordance with the law,” ayon pa sa pahayag ni Delna.
Maging si Eid Kabalu na dating spokesman ng MILF at ngayon ay hepe ng political affairs ng MILF-Salamat wing, ay nagsabi sa Rappler na marami ang dismayado sa pamumuno ni Ebrahim sa BARMM at maging kung paano ginagastos ang pondo ng BARMM.
“There was growing dissatisfaction in the region with the leadership of Ebrahim and his group, and there have been questions about how the regional government spent the funds that it received. People are asking about where the money went,” ani Kabalu sa Rappler.
Nanawagan ito sa pamahalaan ng magsagawa ng lifestyle checks sa mga opisyal ng BARMM at isumite ang sarili sa “official inquiries about their finances.”
Sa ulat ng Rappler, sinabi nito na: “Kabalu said the MILF-Salamat wing enjoys the support of at least 10,000 people in the BARMM, including MILF members and supporters who wanted those from their ranks to occupy seats in the interim Bangsamoro Transition Authority which runs the BARMM affairs. The MILF-Salamat wing said the “mainstream MILF” did not want to “share the fruit of the struggle to its comrades and much more the Bangsamoro people.”
Sa nasabing ulat, inalmahan naman ni Ebrahim ang pahayag ni Delna at Kabalu at sinabi na ang MILF-Salamat wing ay “a misguided group that was out to sow division in the MILF.”
“We are MILF and we are the Salamat wing in respect to the governance in the BARMM… Our loyalty is to the Bangsamoro,” ani Delna. (Mindanao Examiner)
https://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/2023/03/milf-dapat-disarmahan.html
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.