Tuesday, March 21, 2023

CPP/Ang Bayan: KoresponsalBalitaan ng hukbong bayan sa Camarines Norte

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Mar 21, 2023): Koresponsal//Balitaan ng hukbong bayan sa Camarines Norte (Correspondent//News of the people's army in Camarines Norte)






March 21, 2023

Alam n’yo bang 18 buwan sa bartolina si Ka Joma?” Ito ang pambukas ng Pulang kumander sa bahaging tanong-sagot ng pang-umagang pulong ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Camarines Norte sa ilalim ng Armando Catapia Command (ACC). Paksa para lubusang makilala ang dakilang lider ng kasalukuyang rebolusyong Pilipino mula ang pakikipagdebate ni Jose Maria Sison sa mga upisyal ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas, hanggang sa madilim na karanasan niya sa pagkakapiit, at maging sa paborito niyang prutas na mangga.

Sa pagpasok ng 2023, naging regular na bahagi ng pulong ng kumand sa iba’t ibang yunit ng BHB ang tungkol sa buhay at pakikibaka ni Ka Joma. Ginamit na sanggunian ang sariling talambuhay niya na “Tanaw mula sa Loob.” Layunin nitong sariwain at ipakilala ang naging mahalagang ambag ng tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Bahagi ang talakayan sa buhay at pakikibaka ni Ka Joma sa pagsisikap ng BHB sa Bicol para ibwelo ang mga rebolusyunaryong gawain sa rehiyon. Nakabilang sa mga pinag-aralan ng mga kadre at pulang mandirigma ang “Hindi Magagapi ang Demokratikong Rebolusyon sa Pilipinas”” na pinakahuling pahayag na naisulat ni Ka Joma bago siya pumanaw.

Muling pinag-aralan sa paraang paglalapat ng sariling karanasan sa lalawigan ang “Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan.” Gayundin ang mga piling sulatin ni Zhue De, mga regular at espesyal na isyu ng Ang Bayan at ang mismong pahayag ng Partido sa kanyang ika-54 na taon para gabayan ang mga kumander at mandirigma sa pinakahuling kalagayan ng rebolusyong Pilipino at paano ito dadalhin sa walang kaparis na antas sa nakaraan.

Pinangunahan ng departamento sa pulitika ng ACC ang kampanyang pag-aaral. Sa pagtutulungan ng mga instruktor at giya sa pulitika, sistematikong pinadaloy sa iba’t-ibang pormasyon ang arawang talakayan sa pulitika.

“Ang buhay at pakikibaka ni Ka Joma ay ang kasaysayan din ng ating pinakamamahal na Partido Komunista ng Pilipinas na ngayon ay nasa ika-54 na taon na nitong paglilingkod sa interes ng sambayanang Pilipino,“ pagtatapos ng Pulang kumander sa kanyang tribya sa araw na iyun.

Balitaan at pagtatanghal

Para higit na pukawin at maengganyo ang mga upisyal at mandirigma ng ACC sa kilusang pag-aaral, inilunsad ang Kapehan at Sigaw ng Bayan.

Ang Kapehan ay isang programang pangkultura para konsolidahin ang isip, pananaw at paninindigan ng mga kadre at Pulang mandirigma bilang sandata sa pagsusulong ng rebolusyon. Pinaksa sa nakaraan ang tres-otso, tatlong demokrasya sa loob ng hukbo, makauring pagmamahalan sa loob ng kilusan at ang walang hanggang pagpapahalaga sa mga tungkulin. Naging kapana-panabik ang Kapehan na tinawag ding “Gabi ng Walang Tanggihan” kung saan hinihingan ng pangkulturang pagtatanghal ang lahat, lalo na ang mga bagong rekrut sa hukbong bayan.

Ang “Sigaw ng Bayan” ay ang programang pambalitaan sa loob ng Pulang himpilan ng ACC na regular na umere sa buong buwan ng Enero. Nahati ito sa dalawang bahagi. Ang una ay ang pagbabalita ng mga rekrut mula sa mga nakalap na balita sa radyo at kalapit na komunidad. Ang programang pambalitaan ay mayroon ding regular na ulat pangkalusugan, tribya para sa dagdag kaalaman at pagtatanghal ng awit o tula.

Habang sa ikalawang bahagi naman ay ang editoryal na pinamagatang “Sulo ng Koprasan” kung saan sinusuri at ipinapahayag ang tindig ng rebolusyunaryong kilusan at masang api sa mga balita at isyung panlipunan. Layunin nitong masanay ang mga kasama sa pagsasalita, pagsusuri at makapagsanay ng propagandista sa hanay ng magsasakang kumander at mandirigma.

Determinado ang komite ng Partido sa probinsya na itaas ang kaalaman at pag-unawa ng mga kadre at Pulang mandirigma sa mga batayang prinsipyo para pamunuan ang iba’t-ibang larangan ng gawain.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/03/21/balitaan-ng-hukbong-bayan-sa-camarines-norte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.