Tuesday, March 21, 2023

CPP/Ang Bayan: Editorial--Ipagtanggol ang soberanya ng bansa sa gitna ng imperyalistang bangayan

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Mar 21, 2023): Ipagtanggol ang soberanya ng bansa sa gitna ng imperyalistang bangayan (Defend the sovereignty of the country in the middle of the imperialist gang)






March 21, 2023

Patuloy na sumisidhi ang inter-imperyalistang bangayan sa gitna ng pang-uupat ng US sa China. Habang tumitindi, lalong hinihigop ang Pilipinas sa alimpuyo ng sigalot na ito. Kinakaharap ng sambayanang Pilipino ang lumalaking posibilidad na ang Pilipinas ay muling maging larangan o lunsaran ng digmaan ng mga imperyalistang kapangyarihan, katulad ng nangyari na sa kasaysayan nang sumiklab ang ikalawang digmang pandaigdig, at pinaggerahan ang bansa ng US at Japan.

Ang ganitong posibilidad ay bunsod ng pagkakanulo ng rehimeng Marcos sa kasarinlan ng bansa sa gitna ng lumalakas at agresibong panghihimasok militar ng mga imperyalista para gamitin ang Pilipinas na moog sa kanilang ribalan. Iginigiit ni Marcos ang patakarang “walang kaaway” para bigyang matwid ang pagiging sunud-sunuran sa plano ng US na magtayo ng karagdagang mga base militar sa loob ng bansa, at ang pagpapakabusabos sa China sa harap ng pagpapalapad ng kapangyarihang pang-ekonomya at pangmilitar sa karagatang saklaw ng teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Nagmamadali ngayon ang gubyernong US na magtayo ng hanggang limang karagdagang base militar at mga pasilidad sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Para diumano ito sa paghahatid ng tulong kapag may sakuna, pero malinaw na bahagi ng paghahanda ng US ng “teatro ng digmaan” at may layuning itaas ang armadong tensyon sa China. Animo’y panghahamon ang planong maglunsad ng pinagsanib na mga “war exercise,” kabilang ang planong magpakat ng hindi bababa sa 12,000 tropang Amerikano para sa Balikatan sa Abril, sa ngalan ng “pagtatanggol sa kapuluan.”

Bukod sa Pilipinas, pinalalaki rin ng US ang presensyang militar nito sa Japan, Korea at iba pang bansa sa palibot ng China. Ang mga dambuhalang aircraft carrier o barkong pandigma nito ay pirmeng ipinwesto sa mga karagatan sa silangan at kanlurang panig ng Pilipinas, sa karagatan ng Japan at malapit sa Taiwan Strait. Nagbenta ito sa Australia ng dalawang submarinong de-nukleyar upang ibayong palakasin ang presensyang militar ng US at mga alyadong militar nito sa South China Sea.

Pinalalabas ng US na lahat ito’y bahagi ng “military deterrence” o estratehiya ng pagsawata sa China, pero katunaya’y opensibang aksyon ito para itulak ang China gumawa ng ganting aksyon militar. Walang tigil na sinusulsulan ng US ang paghihiwalay ng Taiwan sa China, taliwas sa matagal na nitong One China Policy o pagkilala na bahagi ng China ang Taiwan. Inaabangan ng US ang China na “unang bumunot ng baril” at gamitin ang “pagtatanggol sa Taiwan” para ilunsad ang armadong panghihimasok, katulad nang ginamit nito ang Ukraine para udyukan ang Russia.

Nagbanta kamakailan ang embahada ng China sa Pilipinas na ang planong pagtatayo ng karagdagang mga base militar ng US sa Luzon ay “(pipinsala sa) pambansang interes ng Pilipinas at magsasapanganib ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.” Lalo lamang pinaiigting ng gayong pahayag ang init ng tunggalian. Tahasan nitong nilapastangan ang dignidad ng mga Pilipino sa pagsabi kung ano ang mabuti sa Pilipinas, gayong ito mismo’y nagtayo ng malalaking pasilidad militar sa South China Sea na kumakamkam sa teritoryong pandagat ng Pilipinas at nagkakait ng kabuhayan sa mga mangingisdang Pilipino.

Nasa gitna ngayon ang Pilipinas ng krusyal na yugto sa kasaysayan, sa harap ng lumalaking posibilidad ng pagsiklab ng inter-imperyalistang armadong sigalot. Panahon ngayon na pagtibaying muli ng sambayanang Pilipino ang pagmamahal sa bayan at palakasin ang paninindigang ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa. Ang kalayaan at karangalan ng bansa ngayon ay walang habas na nilalapastagan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa paggamit nila sa Pilipinas bilang larangan ng kanilang pagpapakitang-gilas, pagmamaniobrang militar at paghahanda sa digmaan.

Dapat magkaisa ang lahat ng Pilipinong nagmamahal sa kalayaan at kapayapaan. Sa gitna ng tumitinding tunggaliang inter-imperyalista, dapat tuligsain ng sambayanang Pilipino ang US at China sa girian at paligsahan sa lakas militar, batikusin ang kanilang paghahanda sa gera na dumadamay sa teritoryo ng Pilipinas, itaguyod ang kasarinlan ng Pilipinas at makibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at hindi pagpanig sa ribalan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Dapat tutulan ng sambayanang Pilipino ang pagtatayo ng karagdagang mga baseng militar at pasilidad ng US sa Pilipinas. Dapat palayasin ang lahat ng mga tropang Amerikano, kagamitan at sandatang militar ng US sa Pilipinas. Gayundin, dapat palayasin ang lahat ng barkong pandigma ng China na lumalabag sa teritoryong pandagat ng Pilipinas at nagkakait sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino. Dapat labanan ang mapanghamong mga war exercise at itulak ang paglalansag sa lahat ng dayuhang base militar sa Pilipinas, sa US man ang mga ito o sa China.

Dapat patuloy na pahigpitin ng sambayanang Pilipino ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkaisa sa ibang mamamayan sa Asia at iba pang panig ng mundo na tumututol sa imperyalistang panghihimasok militar sa kanilang mga bansa. Buuin at palawakin ang nagkakaisang prente para labanan ang inter-imperyalistang paghahanda sa gera upang pigilan ang pagsiklab ng mga ito.

Ang sumisidhing armadong tensyon ng US at China ay manipestasyon ng mabilis na lumulubhang sigalot ng mga imperyalista sa gitna ng matalim na pandaigdigang krisis ng kapitalismo na kinatatampukan ng krisis sa sobrang produksyon at pagsadsad ng tantos ng tubo. Nahuhumaling ngayon ang nangungunang mga kapitalistang kapangyarihan na proteksyunan ang sarili nilang mga ekonomya habang pinalalawak ang kanilang neoliberal na impluwensya at pamumuhunan. Tulad sa nakaraan, humahantong ito sa mga gera para baguhin ang hatian ng mundo sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Tutol ang rebolusyonaryong kilusan sa mga digmaang imperyalista, tuwiran man o gamit ang mga bansa na animo’y pyesa sa larong chess. Pawang nagsisilbi ang mga ito sa interes ng mga monopolyong kapitalista at lumulupig sa interes at kapakanan ng mga bansa at masang anakpawis. Dapat buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa laban sa inter-imperyalistang gera. At sakaling sumiklab, dapat itong itransporma sa isang rebolusyonaryong gera o paigtingin ang mga digmang bayan para wakasan ang imperyalistang paghahari at isulong ang sosyalismo para likhain ang bagong sistemang tatapos sa lahat ng digmaan sa buong daigdig.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/03/21/ipagtanggol-ang-soberanya-ng-bansa-sa-gitna-ng-imperyalistang-bangayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.