Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 21, 2021): Iboykot ang imported na galunggong, sigaw ng mga mangingisda
Ikinasa ng grupong Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas) ang kampanyang boykot laban sa mga imported na galunggong na bumabaha ngayon sa mga lokal na pamilihan. Nanawagan ang mga mangingisda sa mga nagtitinda at konsyumer na suportahan ang panawagan ng sektor na tangkilikin ang lokal na galunggong na sariwa at ligtas kumpara sa imported. Ayon sa grupo, mababa ang kalidad ng imported na galunggong at madali itong madurog.
Tugon ang naturang kampanya sa pagpapahintulot noong Agosto ng Deparment of Agriculture sa pagpasok ng hindi bababa sa 60,000 metriko toneladang imported na galunggong sa lokal na pamilihan nitong Oktubre para diumano ibaba ang presyo ng galunggong. Inirekomenda ng National Economic Development Authority na mag-angkat ng hanggang 200,000 metriko toneladang galunggong para sa huling kwarto ng taon at unang kwarto ng 2022.
Ayon sa mga mangingisda, mataas ang presyo ng lokal na galunggong dahil kontrolado ng mga komersyante ang presyo ng isda mula sa pagbili nito sa mga mangingisda hanggang sa presyo nito sa mga palengke. Kadalasang dumadaan sa kamay ng 4-5 komersyante ang isda bago makarating sa palengke at sa bawat antas ay may karagdagang patong sa presyo nito.
Lalong malulugi ang mga lokal na mangingisda kapag bumaha ang imported na galunggong dahil hihilahin nito pababa ang dati nang mababang presyo ng pagbili ng kanilang huling galunggong.
“Papatayin nito ang lokal na industriya ng pangisda,” ayon sa Pamalakaya. “Lalong babaratin ng mga fish trader ang presyo ng produkto ng maliliit na mangingisda na magsasadlak sa mga ito sa lalong pagkalugi bunga ng mataas na gastos sa produksyon,” ayon sa Pamalakaya. Kasalukuyang nasa ₱60 hanggang ₱70 kada kilo (sa prubinsya ng Palawan) lamang ang halaga ng pagbili ng lokal na galunggong.
Dagok din ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na nagpataas sa gastos sa produksyon ng mga mangingisda. Kung ibabatay sa pagsisimula ng taon, ₱19.70 kada litro na ang nadagdag sa presyo ng gasolina, at ₱18 kada litro naman ang nadagdag sa diesel. Komukonsumo ang mangingisda ng abereyds na 10-12 litro ng krudo sa palaot na tatagal ng 6-8 oras.
KAUGNAY NA BALITA: Presyo ng langis, abot langit ang pagsirit
Dagdag ng grupo, hindi matitiyak ng importasyon ng galunggong ang pagbaba ng presyo nito sa merkado. “Malayo pa rin ang posibilidad na bumaba ang presyo ng isda sa mga pamilihan dahil mananatiling kontrolado ng mga wholesaler ang presyo ng mga ito,” ayon sa grupo.
Sa huling tala ng DA noong Oktubre 19, nasa ₱240 kada kilo ang lokal na galunggong habang ₱220 kada kilo ang presyo ng imported.
Bahagi ng kampanya ng Pamalakaya ang pamamahagi ng mga polyeto na naglalaman g impormasyon para makilala ang pagkakaiba ng lokal sa imported na galunggong. Magsasagawa rin umano sila ng pagbisita sa mga pamilihan para ipabatid ito sa mga mamimili at nagtitinda. Sasaklawin din ng kanilang kampanya ang mga komunidad ng maralita at mga maliliit na mangingisda.
Paiigtingin rin umano ng mga mangingisda ang paggigiit sa gubyerno na bigyan sila ng subsidyo sa produksyon at ayuda para mapalakas ang lokal na industriya sa pangisda at wakasan ang pagsalalay sa importasyon. Kung ikukumpara ang produksyon ng galunggong mula 2016 na 213 libong metriko tonelada, bumaba ito nang 4.85% tungong 202.66 libong metriko tonelada noong 2020.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/iboykot-ang-imported-na-galunggong-sigaw-ng-mga-mangingisda/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.