Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 21, 2021): Walang-saysay ang mga reklamo ng AFP sa CHR—PKP
Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panloloko sa publiko ng mga walang-saysay na reklamo ng diumano’y mga paglabag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas (HR/IHL o human rights and international humanitarian law).
Ito ang reaksyon ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng PKP sa isinampang dagdag na mga reklamo ng AFP laban sa BHB sa Commission on Human Rights (CHR) noong isang linggo. Ayon sa mga ulat, kasama dito ang umano’y mga insidente ng pagpapasabog ng mga eksplosibo at pagsira sa mga pribadong ari-arian.
“Sa kalakhan ay walang-saysay ang mga reklamo ng AFP dahil karamihan ng mga ito ay ulat tungkol sa mga lehitimong labanan sa pagitan ng AFP at ng BHB o kaya’y pagpapatupad ng mga patakaran ng rebolusyonaryong gubyerno tungkol sa pangangalaga sa kalikasan,” ani Valbuena.
Ani Valbuena, mali ang ginagawa ng AFP na ang kanilang mga kaswalti sa mga armadong labanan ay pinalalabas nilang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao. “Kinikilala sa ilalim ng internasyunal na makataong batas na sadyang may namamatay o nasusugatan sa mga armadong labanan sa balangkas ng gera, at walang nilalabag hangga’t gumagamit lamang ng tamang lakas para sumuko ang kabilang panig.”
Iginiit rin ni Valbuena na lehitimo ang paggamit ng mga eksplosibong command-detonated at na ang paggamit nito ay naayon sa Ottawa Treaty o sa tratadong nagbabawal sa mga eksplosibog sumasabog kapag naaapakan o nalalapitan ng biktima.
Sa mga ulat ng Ang Bayan, pawang lehitimong mga target militar ang inasinta ng BHB gamit ang CDX. Natatangi ang kaso ng pagkakamali na nabiktima ng armadong aksyon ng BHB noong Hunyo ang ilang sibilyan sa Masbate City, bagay na inako ng yunit ng BHB at nangakong pananagutan ang insidente. Ang insidente ay ipinailalim sa imbestigasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bilang awtoridad na may saklaw sa usapin.
“Wala ring batayan ang paratang ng AFP na nagrerekrut ang BHB ng mga batang mandirigma,” ayon kay Valbuena. “Marami sa mga batang pinalalabas ng AFP na ‘child soldiers’ ay pawang mga bata sa baryo na kasama ng mga magulang nilang pinapila para tumanggap ng ayuda at pinalabas na mga ‘sumurender’ sa militar.”
Noong Hulyo, 18 menor de edad mula sa Baleno, Masbate ang pinwersa ng 2nd IB na “umamin” bilang mga myembro ng BHB at paglao’y iprinisinta sa publiko bilang umano’y mga sumurender na batang mandirigma.
Idiniin ni Valbuena na ang mga 18-taong gulang paitaas lamang ang maaaring sumapi sa BHB. (Kawanihan sa Impormasyon ng PKP)
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/walang-saysay-ang-mga-reklamo-ng-afp-sa-chr-pkp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.